Inday TrendingInday Trending
Nawawalan na Siya ng Ganang Mag-Aral Dahil Lagi na Lamang Siyang Kinakantyawan; Tuluyan na Kaya Siyang Huminto sa Pag-aaral?

Nawawalan na Siya ng Ganang Mag-Aral Dahil Lagi na Lamang Siyang Kinakantyawan; Tuluyan na Kaya Siyang Huminto sa Pag-aaral?

Inaayawan na ni Dexter ang pagpasok sa klase sapagkat lagi lang naman siyang kinakantyawan ng kaniyang mga kaklase dahil sa kaniyang paulit-ulit na suot na damit.

Pero wala siyang magawa sapagkat iyon lang ang nakikita niyang pag-asa upang maiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Lulunukin na lamang niya ang masasamang sasabihin ng kaniyang mga kaklase. Ang tanging mahalaga’y makapagtapos siya ng pag-aaral.

Ngayon ay nasa canteen siya. Kumakain ng pinadalang baon ng kaniyang mama. Kanin at sardinas na may itlog ang baon niya kaya nasa sulok siya. Nagtatago upang hindi makita ng mga kaklase niya ang kaniyang pagkain.

“Dexter.” Tawag ni James sa kaniya.

Ngali-ngaling tinakpan ni Dexter ang baonan, upang itago ang laman niyon sa mga kaibigan. Mababait naman sina James, Gilbert at Sarah. Ang tanging kaibigan niya sa eskwelahan nila. Pero ayaw pa rin niyang malaman ng mga ito ang ulam niya sa araw na iyon. Baka pagmulan na naman ng kantiyawan.

“Kanina ka pa namin hinahanap. Saan-saan ka ba naglululusot bata,” hingal na wika ni Gilbert.

“Kanina pa ako rito. Hinihintay ang susunod na klase,” sagot ni Dexter.

“Ito oh,” abot ni James ng isang supot na plastik. “Binilhan ka namin ng damit. Bago iyan at hindi pa namin kailanman nasusuot,” dugtong pa nito.

“Para saan naman ito?” Takang tanong ni Dexter.

“Siyempre para sa’yo!” Ani Sarah habang pinapaikot ang mata, kunwa’y nainis sa obvious niyang tanong.

“P-pero bakit?”

“Lagi ka na lang kasing kinakantiyawan ng grupo ni Winston. Lagi nilang sinasabi na paulit-ulit ang suot mong damit, palibhasa dukha ka kaya wash and wear ang ginagawa mo. Kaya naisip naming bilhan ka ng sampung pirasong damit, para kahit papaano’y may pamalit ka na d’yan sa damit mo,” paliwanag ni James.

“Simula sa araw na ‘to. Huwag mo ng susuotin ang damit mong iyan. May sampung damit ka na, kaya dapat araw-araw paiba-iba na ang makikita nilang damit mo.

Para hindi ka na nila kantiyawan. Siyempre nasasaktan kami kapag ginagano’n ka nila. Kaya nag-ambagan kaming tatlo, maibili ka lang ng maraming damit,” wika naman ni Gilbert.

Hindi makapagsalita si Dexter sa tuwa dahil sa ginawa ng kaniyang mga kaibigan. Hindi niya kailanman inisip na naaapektuhan rin ang mga ito sa t’wing binu-bully siya ng mga ka-klase nila na mahirap, dukha, walang pambiling damit. Paulit-ulit ang damit na suot.

“Hindi ko kailanman naisip na gagawin niyo ito,” mangiyak-ngiyak na wika ni Dexter. “Maraming salamat ah. Hindi ko alam kung paano ko kayo babayaran sa mga damit na binili ninyo.

Alam niyo naman na totoong mahirap lang talaga ang pamilya ko. Kung hindi lang talaga mahusay ang utak ko’y hindi ako makakapasok sa eskwelahang ito. Hindi ko alam kung kailan ako makakabawi sa inyo,” tumatangis na niyang wika.

Hindi na niya kayang pigilan pa ang emosyong nais ng umalpas sa kaniyang puso.

“Ano ka ba naman. What are friends for ‘no kung pababayaan ka na lang namin,” wika ni Sarah. “Hindi naman mahalaga kung mayaman ka o hindi e. Ang mas mahalaga’y mabuti kang tao, Dexter.

Kaya ka nga namin naging kaibigan. Dahil napaka-genuine mong tao. Masaya kami kapag masaya ka, at siyempre nalulungkot rin kami kapag nalulungkot ka,” ani Sarah.

“Alam mo mas maswerte ka pa rin sa iba. Lalo na kay Winston na laging nambu-bully sa’yo. Kasi ikaw may mga tunay kang kaibigan na kahit wala kang maibigay, nand’yan pa rin sa tabi mo.

Si Winston, kung nagkataon na magkapareho lang rin kayo ng estado sa buhay, malamang walang mga kaibigan ang isang ‘yon. Pera lang ang habol ng mga tukmol niyang kaibigan sa kaniya e,” naiinis na wika ni Gilbert.

Pahapyaw namang tumawa si James sa sinabi ng mga kaibigan. “Hayaan niyo na sila. Ang mahalaga sa ngayon ay wala na silang makitang mali kay Dexter, upang pagtawanan pa nila. Kahit naman anong mangyari mas lamang naman talaga ang pagkakaibigan natin kaysa sa kanila.

Dahil totoo ang pagkakaibigan na meron tayo at hindi nanghihingi ng kapalit,” wika ni James saka binalingan si Dexter. “Tanggap namin kung ano ka, Dexter kaya huwag mo ng itago ang baon mo sa’min,” natatawang dugtong pa nito.

Agad namang nagtawanan ang magkakaibigan. Nakita na rin pala ng mga ito ang pagkain niya. Ano pa nga bang saysay kung itatago pa niya?

“Suotin mo na iyang damit na binili namin at itabi na iyang luma mo. Tandaan mo Dexter, nandito kaming mga kaibigan mo. Walang rason upang panghinaan ka ng loob,” wika ni Sarah na agad namang sinang-ayunan ng dalawa.

Napakasarap sa pakiramdam kapag nakahanap ka ng totoong kaibigan. Na kahit alam nila ang estado mo sa buhay ay buo ka nilang tanggap at ayaw nila na napapahamak o napanghihinaan ka ng loob.

Isa sa pinakamalahalagang yaman sa mundo ay ang magkaroon ng mga tunay na kaibigan. Iyon ang yamang hindi mananakaw nino man.

Advertisement