Inday TrendingInday Trending
Hilig ng Magkakaibigang Mang-Asar ng Matatanda Dahil Sakit Daw ang mga ito sa Mata; Magbago Pa Kaya Sila?

Hilig ng Magkakaibigang Mang-Asar ng Matatanda Dahil Sakit Daw ang mga ito sa Mata; Magbago Pa Kaya Sila?

Pauwi na si John nang makita niya ang isang grupo ng kabataang inaasar ang isang matandang sa kaniyang tantiya’y nasa edad syetenta mahigit o otsyenta? May hawak na itong tungkod, alalay sa maayos nitong paglakad. Habang ang mga kabataang inaasar ang mga matatanda’y mukhang nasa edad disi-sais hanggang disi-nuwebe.

“Waah! Matandang uugod-ugod,” pang-asar na wika ng isang binatilyo habang hinaharangan ang daraanan ng matanda. “Tatay, tatay. Ilang buwan na lang siguro’y nasa sementeryo ka na! Ti*gok ka na,” dugtong pa nito at sabay-sabay na nagtawanan ang apat na kabataan.

Hindi na napigilan ni John ang hindi makisali. Hindi kaya ng konsensya niyang hayaan ang mga walang modong kabataan na apihin ang isang matanda, kahit sabihin nang hindi naman niya ito kaano-ano.

“Hoy! Tigilan niyo nga iyan!” Saway niya sa grupo ng mga kabataan na hindi man lang natakot nang makita siya.

“Bakit ka nakikisali rito? Lolo mo ba ang matandang uugod-ugod na ito?” Wika ng lalaking sa kaniyang tantiya’y leader ng grupo.

“Ano naman ngayon kung hindi ko kaano-ano si tatay?”

“Kung gano’n ay umalis ka na rito at huwag makialam!” Wika pa ng isa.

Agad naman niya itong nilapitan ang binatukan. “Ang tatapang niyo ah!”

Umalma ang magka-grupo at ngayon ay sa kaniya na nakatuon ang buong atensyon ng mga ito.

“Kay babata niyo pa, pero wala na kayong mga galang sa matatanda! Ganyan ba ang itinuro ng mga magulang niyo sa inyo? Ang mambastos ng mga matatanda?” Inis na wika ni John.

“Nakakainis kasi siyang tignan. Pinipilit pa niyang maglakad, tapos hindi naman niya kaya. Dapat nandoon na lang siya sa bahay nila. Naghihintay ng kaniyang kam@tayan,” wika ng leader ng grupo sabay na nagtawanan ang lahat.

Mas lalong uminit ang ulo ni John sa narinig. “May mga magulang ka pa ba ha?”

“Meron pa!” Pabagsak nitong sagot.

“Kawawa ang mga magulang niyo kapag tumanda na sila. Nakikita ko na ang mangyayari sa kanila ‘pag tanda nila. Tsk! Nakakaawa ang mga magulang niyo dahil nagpalaki sila ng mga anak na may de*monyong mga ugali,” ani John.

“E ‘di wow! Por que galit kami sa mga kagaya ng matandang iyan ay idadamay niyo na ang mga magulang namin,” wika ng isa pang miyembro.

“Alam niyo ba iyang mga ginagawa ninyo’y sumasalamin lamang iyan sa mga ugali ninyo. Ayaw niyong nakakakita kayo ng uugod-ugod na matanda. Hindi niyo ba naisip na d’yan din papunta ang mga magulang ninyo!” Singhal ni John sa magkakaibigang ugok.

Natameme naman ang mga ito at tila ngayon lang pumasok sa mga kokote nito ang nangyayari.

“Lahat ng tao ay tumatanda. Iyang kinakantyawan at pinagtatawanan niyo, dumaan din si tatay sa edad niyo noon. Iyong mga magulang niyo na malalakas at kaya pang buhayin ang mga anak na ugok na katulad ninyo’y tatanda rin ang mga iyan.

Ibig sabihin pala kapag tumanda na ang mga magulang niyo at kagaya na ni tatay na uugod-ugod. Pagtatawanan niyo na at hilingin na sana mam@tay na agad para hindi na masakit sa mga mata niyo tingnan!” Naiinis na pangaral ni John sa mga pasaway na kabataan.

“Kayo! Darating ang panahon na tatanda rin kayo. Sa tingin niyo ba masarap sa pakiramdam kapag may mga kabataang sasalubong sa inyo at pagtatawanan kayo gaya ng ginagawa niyo ngayon sa matandang ito? Sumagot kayo!”

“Hindi po,” sabay-sabay na wika ng magkakaibigan.

“Masyado pa kayong mga bata at marami pang dapat pagdanaan upang mapagtanto ang maling nagawa ninyo sa buhay. Pero huwag kayong masyadong maging kampante na hanggang d’yan lang kayo at hindi uusad gaya ng pag-usad ng panahon.

Lahat tayo ay darating sa katandaan. Sana maisip ninyo ang maling ginawa niyo na ito,” ani John. Akmang tatalikuran na ang magkakaibigan ng magsalita ang isang lalaki na kasali rin sa grupo.

“Sorry po kuya. Nagkamali po kami sa panti-trip kay tatay. Akala namin ayos lang na kantiyawan siya. Kasi totoo naman lahat ng sinasabi namin sa kaniya. Mali po pala,” nakayuko nitong wika.

“Wala kayong kasalanan sa’kin. Kay tatay kayo dapat humingi ng sorry,” ani John.

Sabay-sabay namang humingi ng kapatawaran ang magkakaibigan. “Sorry po. Pangako hindi na namin uulitin.”

“Dapat lang. Ang sabi nila ay kabataan ang pag-asa ng bayan. Sana patunayan niyo iyon sa pamamagitan ng paggalang sa mga mas nakakatanda sa inyo,” ani John saka inalalayan ang matandang lalaki na hirap ng lumakad.

Inihatid niya ito sa bahay nito bago siya nagpasyang umuwi sa kanila. Bago tuluyang umalis ay binilinan ang tagapangalaga ng matanda na huwag hayaang maglakwatsa mag-isa upang hindi na maulit ang nangyari kanina.

Advertisement