Inday TrendingInday Trending
Binawian ng Lalaking ito ang Albularyong Naging Dahilan ng Pagkawala ng Kaniyang Anak, sa Kulungan pa rin ang Kaniyang Bagsak

Binawian ng Lalaking ito ang Albularyong Naging Dahilan ng Pagkawala ng Kaniyang Anak, sa Kulungan pa rin ang Kaniyang Bagsak

“John, mahal ko, saan ka magpupunta? Huwag mong sabihin hindi ka dadalo sa libing ng anak mo? Saka, bakit may dala kang gulok, ha? Magtatrabaho ka pa rin ngayon?” sunod-sunod na tanong ni Aya sa asawang palabas ng kanilang bakod.

“Tumahimik ka, ayoko nang maingay!” tipid na sagot ni John saka isinilid sa isang itim na plastik ang kaniyang matalim na gulok.

“John, naman, ngayon na ang libing ng anak mo, magtatrabaho ka pa rin? Sana naman bigyan mo siya ng oras ngayon!” awat ng kaniyang asawa na talaga nga namang ikinarindi niya.

“Hindi lang oras ang ibibigay ko sa kaniya ngayon, kung hindi pati hustisya!” sigaw niya rito dahilan upang manlaki ang mata nito, tila napagtanto na nito ang kaniyang binabalak.

“Hoy, ano bang pinagsasasabi mo d’yan, ha? Akin na nga ‘yang gulok mo na ‘yan!” sigaw nito habang pilit na kinukuha ang kaniyang gulok.

“Huwag mo akong pakialamanan kung ayaw mong madamay, Aya! Lumayo ka muna sa akin!” bulyaw niya rito habang tinataboy ang asawa.

“Diyos ko naman, John, huwag mong pairalin ang galit mo!” payo nito sa kaniya habang pilit na inaabot ang kaniyang gulok.

“Siya ang dahilan nang pagkawala ng anak ko, nararapat na mawala na rin siya sa mundo! Umalis ka d’yan kung gusto mo pang mabuhay!” bulyaw niya saka tinutok sa asawa ang naturang gulok dahilan upang mapatigil ito at maiyak, doon na siya tuluyang umalis ng kanilang bahay.

Sa pangangahoy at pangangaso binubuhay ng padre de pamilyang si John ang kaniyang mag-ina. Payapa at masaya naman talaga ang buhay bukid nilang pamilya, kaya lang, nang dapuan ng hindi malamang sakit ang kanilang nag-iisang anak, doon na nagkagulo-gulo ang kanilang pamumuhay.

Sa kagustuhan niyang malaman ang sakit ng kaniyang anak, dinala niya ito sa pinakamalapit na ospital sa bayan. Nangutang siya ng malaking halaga ng pera para sa mga laboratoryong kailangang pagdaan ng kaniyang anak upang matukoy ang sakit nito.

Ngunit imbis na gumaling, lalo pang sumama ang katawan nito hanggang sa hindi na ito makakita at maubos na lahat ng inutang niyang pera.

Ito ang dahilan upang kahit nais niya pang ipaospital ang kaniyang anak, napilitan na siyang lumapit sa albularyo, nagbabakasakaling baka mapagaling nito ang kaniyang anak.

Sa kasamaang palad, kabaligtaran ang nangyari nang sundin niya ang payo ng albularyo na paliguan ang kaniyang anak ng malamig na tubig habang nagdarasal. Dahil kasi rito, tuluyang nawalan ng buhay ang kaniyang anak.

Nagsiputukan ang ugat nito hanggang sa hindi na ito rumisponde sa kanilang mag-asawa at iyon ang nagmitsa ng labis niyang galit sa naturang albularyo.

Alam man niyang masama ang binabalak niyang pagbawi sa buhay nito, hindi niya mapigilan ang galit na nararamdaman niya sa pagkawala ng kaniyang nag-iisang anak.

Noong araw na ‘yon, agad siyang nagtungo sa bahay ng naturang albularyo. Naabutan niya ro’n ang mga alipores nito na nagbabantay sa labas at dahil napansin ng mga ito na siya’y may dalang patalim, agad siyang pinigilan ng mga ito at doon na siya nagsimulang manakit ng tao.

Binuhos niya ang buong lakas upang maiwasan ang bawat suntok at saksak ng mga ito at nang masiguro niyang wala ng buhay ang dalawang lalaki, agad na siyang pumasok sa loob.

Nakita niya roon ang matandang takot na takot na nagtatago sa ilalim ng lamesa, nginisian niya lang ito at sinabing, “Tapos na ang mga panloloko mo sa tao, matandang hukluban!” saka na niya binawian ng buhay.

Sobrang saya ng pakiramdam niya noong mga oras na iyon. Pakiwari niya, lahat ng poot na naramdaman niya simula noong magkasakit ang kaniyang anak hanggang ngayong wala na ito, lahat ay napawi.

Ngunit, ang kasiyahang iyon ay hindi nagtagal. Dahil bago pa siya makauwi sa kanilang bahay, sinalubong na siya ng mga pulis sa daan.

Sandamakmak na mga baril ang ngayo’y nakatutok sa kaniyang ulo. Naisin man niyang lumaban, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang sumuko.

Sa presinto na siya nakita ng kaniyang asawa. Iyak ito nang iyak habang pisil-pisil ang kamay niyang nakalaylay sa rehas.

“John, naman, nawala na nga si bunso, mawawalay ka pa sa akin! Sigurado ako, hindi siya matutuwa sa ginawa mo! Tiyak, naiyak siya ngayon dahil ang hinahangaan niyang ama, isa na ngayong krim*nal!” hagulgol nito dahilan upang siya’y mapaisip.

Magsisi man siya sa ginawa niyang iyon, hindi na niya maibalik ang buhay na nawala.

Sa paghihirap niya sa kulungan, napagtanto niyang kahit na nais niya lang na mabigyan ng hustisya ang kaniyang anak, mali pa rin ang ginawa niyang paraan.

Advertisement