Inday TrendingInday Trending
Nakapagtataka ang Dami ng Kalmot sa Katawan ng Lalaking Ito, Sinunod niya ang Payo ng Albularyo’t Nawindang sa Dahilan Nito

Nakapagtataka ang Dami ng Kalmot sa Katawan ng Lalaking Ito, Sinunod niya ang Payo ng Albularyo’t Nawindang sa Dahilan Nito

“May kalmot ka na naman, Bino? Sinong babae na naman ang dinala mo sa dormitory mo, ha?” tanong ni Aling Juana sa kaniyang nag-iisang anak, isang araw nang umuwi ito galing sa isang buwang trabaho sa Maynila.

“Mama, naman, babae agad. Ni hindi ko nga alam kung bakit ako may mga kalmot sa katawan ko, eh. Tingnan mo, mama, pati po sa hita at tiyan ko, mayroon. Kung babae ‘yan, dapat sa likod lang,” paliwanag ni Bino dahilan upang magulat ang kaniyang ina.

“Aba, alam na alam mo talaga, ha!” sigaw nito saka siya pinaghahampas ng hawak na walis tingting.

“Aray ko po, mama!” sigaw niya habang sinasangga ang mga hampas nito.

“Magpatingin ka nga sa albularyo! Baka nanununo ka ro’n sa inuupahan mong silid! Hindi ba’t mapuno pa ro’n?” sambit pa nito.

“Hindi na uso ‘yong mga ganoon ngayon, mama. Napaghahalataan ang edad mo, eh,” biro niya pa rito dahilan upang lalo siyang hampasin nito.

“Loko ka talaga! Kung ayaw mong dumami ‘yan, magpaalbularyo ka na! Sigurado ako, kapag tulog ka, ro’n umaatake ‘yan sila, eh, tulog mantika ka pa naman!” wika pa nito dahilan upang mapailing siya.

“Opo, ito na, huwag mo na pong ihagis sa akin ‘yan,” nagmamadali niyang sagot nang makita niyangg ihahagis na sa kaniya ang hawak nitong walis tingting.

Laki sa probinsya ang binatang si Bino na ngayo’y isa nang empleyado sa isang sikat na hotel sa Maynila. Dahil sa kumakalat na sakit, isang beses lang sa isang buwan kung siya’y makauwi sa kanilang bahay sa probinsya kung saan namamalagi ang kaniyang mga magulang.

Ayaw man niyang mahiwalay ng gano’n katagal sa kaniyang mga magulang dahil pawang may edad na ang mga ito, wala siyang magawa kung hindi ang magtiis at ipanalangin na lang ang mga ito dahil kung hindi siya magtatrabaho, pare-pareho silang walang kakainin.

Ngunit, sa tuwing uuwi na lamang siya sa kanilang probinsya, palagi na lang siyang may mga kalmot sa buong katawan, kung hindi sa likod, sa hita o tiyan naman siya nagkakaroon ng pahabang sugat na labis na ikinababahala ng kaniyang ina.

Akala kasi nito, mayroon na siyang inuuwing babae sa inuupahan niyang dormitoryo. Nag-aalala ito dahil baka raw siya’y makabuntis at malimutan na ang kaniyang mga responsibilidad at dahil lahat ng ito’y hindi makatotohanan, palagi lamang niyang tinatawanan ang kaniyang ina.

Pero ngayong pagdalaw niya, sapilitan na siya nitong kinumbinsi na pagpatingin sa albularyo at dahil nga ayaw niyang mahampas ng walis tingting, sinunod niya na lamang ang kaniyang ina.

Noong araw ding ‘yon, sinamahan siya nito sa isang kilalang albularyo sa kanilang lugar.

“Naku, hijo, hindi ko matunton ang kung sino at saan lokasyon ng gumawa sa iyo niyan. Ang payo ko lang sa’yo, magbigay ka ng alay, kahit pagkain lang, itabi mo sa pagtulog, sigurado, maglalaho ‘yang mga kalmot na ‘yan,” payo nito sa kaniya na agad niyang sinunod pagkauwi niya sa dormitoryo niya sa Maynila.

Bago siya matulog, naglagay siya ng spaghetti at manok sa kanilang ulunan.

“Alam kong kabaliwan ito, pero, bahala na, baka tumalab! Nakakahiya kayang marami kalmot sa katawan,” sambit niya sa sarili saka na siya tuluyang natulog.

Pagkagising niya sa umaga, bago niya tignan ang inalay niyang pagkain, pinakiramdaman niya muna ang buo niyang katawan kung may bagong kalmot ba siyang natamo at ganoon na lang ang tuwa niya dahil ni isa, walang kalmot ang nadagdag dahilan upang pumaling siya sa pinaglagyan niya ng mga pagkain at laking gulat niya nang makakita ng mga yapak ng paa ng pusa dahil sa ketchup ng spaghetti sa kaniyang puting kobre kama.

Agad siyang napabalikwas at nakita niyang kahit buto sa manok na nilagay niya roon ay wala na. Napansin niyang bukas ang kaniyang bintana dahilan upang sumilip siya rito at doon niya nakita ang sandamakmak na pusang kalyeng namamahinga.

“Kung minamalas ka nga naman, o! Palagi pa namang nakabukas ang bintana ko kapag matutulog ako! Kayo pala ang dahilan ng mga kalmot ko! Giatay!” sigaw niya sa mga ito dahilan upang magsitakbuhan ito.

Kinuwento niya ito sa kaniyang ina at labis siya nitong pinagtawanan.

“Babawan mo lang kasi ang tulog mo, pati tuloy pusa inaakalang kahoy ka kaya palagi kang kinakalmot! Kahit ni isa ro’n, hindi mo naramdaman? Pambihira ka!” tukso nito saka humagalpak ng tawa, “Pero, aminin mo, nakatulong ang albularyo, ano?” dagdag pa nito saka labis siyang pinagtawanan dahilan upang mapailing na lang siya’t mapakamot ng ulo.

Advertisement