Inday TrendingInday Trending
Hinahanap pa rin ng Dalagang ito ang Kaniyang Ama sa Kabila ng Pag-iwan nito sa Kaniya, Bakit Niya nga ba ito Ginagawa?

Hinahanap pa rin ng Dalagang ito ang Kaniyang Ama sa Kabila ng Pag-iwan nito sa Kaniya, Bakit Niya nga ba ito Ginagawa?

“Tama ba ang narinig ko kanina, Rea? Talaga bang hindi ka galit sa tatay mo at nais mo pa siyang makita? Nag-iisip ka ba, ha?” tanong ni Julie sa kaniyang pamangkin, isang gabi matapos niyang mapanuod ang interbyu nito sa telebisyon.

“Opo, tita, tama po ang narinig niyo,” nakangiting sagot ni Rea habang naglalagay ng make-up sa kaniyang mukha.

“Diyos ko, naman! Iniwan kayo no’n ng nanay mo noong limang taong gulang ka pa lang, tapos ngayong unti-unti ka nang nagtatagumpay sa buhay, siya ang aalalahanin mo?” naiinis na tanong nito sa kaniya.

“Tatay ko pa rin naman po siya, tita,” pagdadahilan niya, tila lalo nainis ang kaniyang tiyahin dahilan upang lagukin nito ang tubig na nasa lamesa sa kaniyang silid.

“Sigurado ka bang anak ang turing sa’yo no’n? Edi sana, nagparamdam na siya sa nanay mo o kahit sa’yo na lang!” sambit nito sa kaniya.

“Tita, huwag na po kayo magalit,” sagot niya saka niya hinimas-himas and likod nito nang makita niyang ito’y nanggagalaiti na.

“Paanong hindi magagalit? Eh, ako ang nakasaksi nang paghihirap ng nanay mo, paitaguyod ka lang! Tapos kung kailan nagtatagumpay ka na sa negosyo mo, wala na ang nanay mo at hahanapin mo pa ang tatay mo!” sigaw nito sa kaniya saka siya nilayasan dahilan upang siya’y mapabuntong hininga na lamang.

Namulat ang dalagang si Rea sa kagipitan ng buhay. Ang kaniyang ina lamang ang bumuhay sa kaniya sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga damit at pangpaputi dahil bigla na lang sila iniwan ng kaniyang amang amerikano. Simula noon, nangarap na siyang maging isang matagumpay na negosiyante upang matulungan ang kaniyang ina.

Kahit na siya’y nag-aaral pa lamang, gumawa na siya ng paraan upang makatulong sa kaniyang ina. Nag-aalok-alok siya ng mga paninda ng kaniyang ina sa mga kamag-aral at guro niya at kapag siya’y may naibenta, ang binibigay na porsiyento nito sa kaniya ay iniipon niya hanggang sa magkaroon siya ng sariling pangpuhunan na nilaan niya naman sa pagpapatayo ng maliit na sari-sari store.

Sa kadahilanang iyon, unti-unti siyang nakatulong sa kaniyang ina. Bukod sa hindi na siya himihingi ng pangbaon dito, pati pang-proyekto at uniporme niya, siya na ang gumagastos dahilan upang labis itong matuwa sa kaniya.

Ngunit bago pa man siya makapagtapos ng kolehiyo, binawian na ng buhay ang kaniyang ina at simula noon, ang nag-iisang tiyahin na niya ang nakatuwang niya sa buhay.

Hirap man siyang makapagsimula muli, ginawa niya ang lahat upang matupad ang buhay na pangarap niya para sa kaniyang ina.

At nang maging isa na siyang sikat na negosiyante sa buong Pilipinas, doon na siya naghanap ng paraan upang mahanap ang kaniyang ama na labis na ikinagalit ng kaniyang tiyahin.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos siyang layasan ng kaniyang tiyahin, agad niya itong sinundan sa silid nito. Mataas kasi ang dugo nito at nag-aalala siya na baka ito’y atakihin.

Nakita niya itong nakahiga sa silid nito, agad niya itong tinabihan at pinakita ang maliit na litrato nila ng kaniyang mga magulang na nasa kaniyang kwintas na dating pagmamay-ari ng kaniyang ina.

“Alam niyo po, simula noong bata pa ako, ni minsan hindi ko nakitaan ng galit si mama para sa papa ko. Palagi niyang pinapaliwanag sa akin na may dahilan kung bakit nagawa ni papa ‘yon, kaya ito po ako, lumaki ng walang dinadalang galit. Sa katunayan, bago po mawala si mama, pinakiusapan niya ako na alamin ang dahilang iyon at magagawa ko lang ‘yon kung mahahanap ko po si papa,” kwento niya dahilan upang ito’y bahagyang mapaiyak, “Bukod pa po ro’n, bilang anak, responsibilidad ko po na alagaan siya lalo na ngayong alam kong may katandaan na rin siya. Hindi man niya natugunan ang responsibilidad niya sa akin, hindi ko po hahayaang hindi ko matugunan ang responsibilidad ko sa kaniya lalo na ngayong ako’y pinagpapala,” dagdag niya pa, nagulat na lang siya ng yakapin siya nito.

“Napakabuti mo talaga, Rea, kaya ka labis na pinagpapala. Pasensya ka na at nasigawan kita,” bulong nito sa kaniya na labis niyang ikinatuwa.

Nang masigurado na niyang ayos na ang kaniyang tiyahin, muli niyang hinanap ang kaniyang ama sa social media. Humingi rin siya ng tulong sa isang programa sa telebisyon at tila dininig nga ng Diyos ang gabi-gabi niyang panalangin dahil ilang buwan pa ang lumipas, nakausap na niya ang kaniyang ama.

Doon niya nalamang ito pala’y sapilitang pinagtrabaho ng mga kawatan sa isang liblib na probinsya sa Amerika dahilan upang hindi na ito makapagpadala sa kanila at tuluyang maputol ang kanilang koneksyon.

Ganoon na lang ang kaniyang tuwa at pasasalamat at ginawa niya ang lahat upang ito’y makasama muli.

Advertisement