Inday TrendingInday Trending
Sinigaw-sigawan ng Dalagang ito ang Matandang Katrabaho, Labis Siyang Nakonsensya nang Malaman ang Ambag Nito sa Kumpanya

Sinigaw-sigawan ng Dalagang ito ang Matandang Katrabaho, Labis Siyang Nakonsensya nang Malaman ang Ambag Nito sa Kumpanya

“Mang Fidel, ano na naman ba ‘tong kapalpakang ginawa mo, ha? Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na huwag mong gagamitin ‘tong printer dito sa opisina ko pang photo copy dahil may sira na ‘to?! Ayan tuloy, tuluyan nang nasira!” sigaw ni Madeline sa isang matandang katrabaho, isang umaga nang gamitin na naman nito ang luma niyang printer sa kaniyang opisina.

“Ah, eh, ‘yan ba ‘yong printer na sinasabi mo? Akala ko ‘yong isa doon sa likod ng pintuan mo, eh,” sagot niro saka kumamot ng ulo dahil sa kahihiyan.

“Diyos ko naman, Mang Fidel, halos araw-araw ko na lang na pinapaalala sa’yo!” bulyaw niya pa rito dahilan upang pagtinginan na sila ng mga ibang empleyado.

“Pasensiya ka na, hija, matanda na, eh,” patawa-tawang sambit nito habang inaayos ang printer na nasira.

“Kaya nga, eh, matanda ka na, bakit hindi ka na lang magpahinga sa bahay mo at nang hindi ka na makaperwisyo rito sa opisina! Marami ka na namang pera, hindi ba?” wika niya rito, napatungo na lang ito sa kahihiyan.

“Pagpasensiyahan mo na lang ako, hija, pangako, hindi na ‘to mauulit. Papalitan ko na lang ‘to” mahinang sagot nito saka binuhat ang sirang printer palabas ng kaniyang opisina.

“Ewan ko ba sa iyo, Mang Fidel, maaga akong tatanda dahil sa’yo!” pahabol niya pang sigaw dahil sa sobra niyang inis.

Wala pang isang taon sa trabaho, agad nang na-promote sa isang mataas na posisyon ang dalagang si Madeline dahil sa angkin niyang talino at galing sa pakikipag-usap sa mga empleyado at kliyente.

Ito ang dahilan para kumita siya ng malaking pera at agad na makatulong sa kaniyang mga magulang. Sa katunayan, dahil sa trabaho niyang ito, nagawa niyang dalhin sa ibang bansa ang kaniyang buong pamilya katulad ng kaniyang pangarap noong siya’y nag-aaral pa lamang.

Ngunit ang pag-angat siya sa buhay na ito ang siya ring nagpalabas ng tunay niyang ugali. Simula kasi nang siya’y bigyan na ng pagkakataon na humawak ng mga empleyado, naging mainisin na siya’t palaging nakabulyaw.

At isa ang matandang empleyado sa palagi niyang nabubungangaan dahil tila bahagya na itong nag-uulyanin.

Noong araw na ‘yon, dahil sa tuluyang pagkasira ng pinakamamahal niyang printer na gamit niya simula pa noong unang araw niya sa kumpanyang ito, nagdesisyon na siyang isumbong ito sa kanilang boss at ito’y ipatanggal na. Rason niya, “Hindi na siya nakatutulong sa kumpanya, nakakadagdag pa siya sa problema rito, dapat talagang tanggalin na siya para mabawasan naman ang sakit sa ulo ko!” saka siya agad na nagtungo sa opisina ng kanilang boss.

Pagkarating na pagkarating niya roon, agad niyang dinaing ang kaniyang hinanaing sa kanilang boss ngunit labis niyang pinagtaka dahil imbis na magalit, nginitian lang siya nito.

“Hindi po ba kayo magagalit? Nakasira na naman ng gamit ang matandang ‘yon! Bakit kasi hindi niyo pa siya tanggalin?” naiinis niyang tanong doon.

“Madeline, kahit ilang printer o kompyuter pa ang masira ni Mang Fidel, ayos lang sa akin,” nakangiting sambit nito habang may kinakalikot sa kompyuter.

“Ano po? Ayos lang ‘yon sa inyo?” nagtataka niyang tanong.

“O, tingnan mo,” sambit nito saka pinakita sa kaniya ang isang lumang litrato, “Nakikita mo ‘tong lalaking ito? Ito ang tatay ko at ito si Mang Fidel.

Noong mawala ang tatay ko dahil sa isang aksidente, si Mang Fidel ang tumayong tatay ko at ang tanging taong tumulong sa akin upang mataguyod ang kumpanyang ito. Kung hindi dahil sa kaniya, siguro wala kang magandang trabaho rito. Wala lang siyang mapagkaabalahan kaya nais niya pa ring magtrabaho rito. Kung tutuusin, kapantay ko siya rito kaya kung ayaw mong makatrabaho siya, bukas ang pintuan ng kumpanyang ito upang palayain ka,” sambit nito na ikinapahiya niya.

Wala siyang ibang nasabi kung hindi ang mga katagang, “Pasensya na po,” saka siya agad na lumabas ng opisina nito.

Napagtanto niyang dapat pala, pasalamatan pa niya ang matandang iyon. Labis siyang nakonsensya nang alalahanin niya ang mga sinabi niyang masasakit na salita rito dahilan upang agad niya itong puntahan sa opisina nito upang humingi ng tawad.

Sakto namang pagdating niya sa opisina nito, bitbit-bitbit na nito ang bagong printer na ipapalit sa nasira nitong gamit.

“Ay, tamang-tama, hija, kakarating lang nitong in-order kong bagong printer mo, pasensya ka na..,” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad na siyang naiyak sa kabaitan nito.

“Pa-pasensiya na po kayo, Mang Fidel, sa lahat ng nasabi ko sa inyo. Sobra po ang kabaitan niyo,” hikbi niya dahilan upang mapangiti ang naturang matanda at siya’y patahanin.

Simula noon, naging maayos na ang pakikitungo niya sa naturang matanda. Palagi na niyang iniintindi ang kalagayan nito at mas nakilala niya pa ang mabait na matandang ito na walang ibang nais kung hindi ang patuloy na mapagyabong ang kanilang kumpanya.

Advertisement