Inday TrendingInday Trending
Palaging Naiihi at Nadudumi ang Binatang Ito Tuwing Bumibiyahe, Sa Isang Paaralan Siya Minsan Inabutan ng Tawag ng Kalikasan

Palaging Naiihi at Nadudumi ang Binatang Ito Tuwing Bumibiyahe, Sa Isang Paaralan Siya Minsan Inabutan ng Tawag ng Kalikasan

“Pare, saglit, nakakaramdam ako ng kirot ng tiyan! Saan ba tayo pupwedeng makibanyo? Hindi ko na talaga kaya!” daing ni Roel sa kaniyang kaibigan, isang araw habang sila’y nasa kalagitnaan ng kalsada.

“Naku, pare, hanep ka naman! Kada aalis na lang tayo, ganyan ‘yang tiyan mo! Kung hindi ka naiihi, nadudumi ka naman!” patawa-tawang sagot ng kaniyang kaibigan habang nagmamaneho.

“Kahit ako, pare, naiinis na rin sa tiyan at pantog ko, eh! Sige na naman, o, itabi mo na d’yan sa tabi!” natataranta niyang sambit habang hawak-hawak ang kumikirot na tiyan.

“D’yan ka dudumi sa tabing kalsada?” tanong nito.

“Oo, wala nang arte-arte! Harangan mo na lang ako ng payong! Dalian mo na!” wika niya saka inilabaa ang payong na nasa bag niya.

“Saglit, nakakahiya ka! Pigilan mo muna, may malapit na elementaryang eskwelahan doon sa kanto!” natatarantang sagot nito saka bahagyang binilisan ang pagmamaneho.

“O, sige, dalian mo, ha? Diyos ko!” sigaw niya dahilan upang mapailing habang tumatawa ang kaniyang kaibigan.

Kahit saan magpunta ang binatang si Roel, palagi na lamang siyang ginagambala ng kaniyang tiyan o ng kaniyang pantog. Kung hindi kasi siya maiihi habang nasa kalagitnaan ng biyahe, siya nama’y nadudumi dahilan upang palagi siyang mahuli sa takdang oras ng pagdating sa isang lugar.

Ginagawan man niya ng paraan ang isyung ito sa kaniyang katawan katulad ng pag-inom ng gamot upang huwag kumirot ang kaniyang tiyan, hindi pagkain ng mga pagkaing nakakasama sa kaniyang tiyan at hindi pag-inom ng maraming tubig para hindi siya maihi, hindi pa rin siya nito tinatablan.

Hindi naman niya maiwasan ang hindi pagbiyahe dahil kailangan nilang dalawa ng kaniyang kaibigan na umangkat ng bigas sa isang malayong probinsya mula sa kanilang lalawigan para sa negosyo nilang kakasimula pa lamang dahilan upang kada biyahe nila, palagi na lang siyang paulanan ng katatawanan nito.

Laking pasasamalat naman niya dahil imbis na magalit ito sa kaniya dahil sa abalang nagagawa niya sa kanilang biyahe, palagi pa itong naghahanap ng lugar kung saan siya pupwedeng maglabas ng sama ng loob, tatawanan nga lang siya nito nang buong puso.

Noong araw na ‘yon, wala pang limang minuto, nakarating na nga sila sa sinasabing eskwelahan ng kaniyang kaibigan. Agad siyang bumaba ng sasakyan at nakisabay sa mga estudyanteng papasok doon.

Nang makalagpas siya sa mga guwardiya, agad siyang naghanap ng banyo, tila sinuwerte naman siya dahil nakakita siya ng palikurang walang tao.

Agad niyang hinunad ang kaniyang salawal at tahimik na nilabas ang sama ng kaniyang tiyan dahilan upang makaramdam siya ng kaginhawaan.

Ngunit wala pang ilang minuto, nakarinig siya ng grupo ng mga batang lalaki na papasok sa naturang palikuran dahilan upang mapailing na lang siya’t lalong manahimik.

Bukod kasi sa nahihiya siyang may makakita sa kaniyang ibang tao, alam niyang kapag bata ang makakakita sa kaniya, pagtatawanan at kukulit siya ng mga ito.

Tuluyan ngang pumasok sa palikuran ang mga bata at napakiramdaman niyang may isang batang sumisilip sa ilalim ng pintuan ng bawat cubicle dahilan upang siya’y kabahan at mamawis ng malamig.

“Diyos ko, huwag kang sisilip dito!” bulong niya sa sarili habang nakapikit ngunit tila huli na ang lahat dahil pagdilat niya, andoon na ang ulo ng bata sa ilalim ng pintuan dahilan upang ipuwesto niya ang hintuturo sa kaniyang labis at sabihing, “Huwag kang maingay.”

At imbis na sundin siya nito, tinawanan pa siya nito at nagsisisigaw ng, “May kuyang nadumi sa dulong cubicle!” dahilan upang makatanggap siya ng samu’t-saring biro mula sa mga batang iyon.

Ilang minuto pa ang lumipas, nagsawa na rin ang mga ito at siya’y tinantanan na ngunit pakiramdam niya, halos buong paaralan, alam na ang ginawa niya dahil sa ingay ng mga batang iyon.

Pagkalabas niya sa palikuran, tumakbo na siya palabas ng paaralan habang takip-takip ang kaniyang mukha. Kinuwento niya ito sa kaniyang kaibigan at ganoon na lang siya pinagtawanan nito.

“Magpatingin ka na nga, pare, para hindi ka nakakaranas ng ganyan! Nakakatawa ka!” sambit nito habang siya’y pailing-iling na lamang.

Pagkauwi na pagkauwi nila mula sa angkatan nila ng bigas, agad siyang dumiretso sa isang bukas na klinika at siya’y nagpatingin na. Binigyan siya ng gamot ng doktor doon na talaga nga namang nakatulong sa kaniya.

Napagtanto niyang kahit ganoon ang nararanasan niya, dekalibreng saya naman ang naranasan niya sa nakakahiyang isyung ito sa kaniyang katawan.

Advertisement