Inday TrendingInday Trending
Gastos Dito, Bili Roon; Iyan ang Ginagawa ng Dalagang Ito, Natauhan Siya sa Sinabi ng Kaniyang Ina

Gastos Dito, Bili Roon; Iyan ang Ginagawa ng Dalagang Ito, Natauhan Siya sa Sinabi ng Kaniyang Ina

“Zendy, mukhang may lakad ka na naman, ha? Saan naman ang punta mo ngayon?” pang-uusisa ni Karen sa kaniyang katrabaho, isang hapon matapos silang makalapag sa Pilipinas galing ibang bansa.

“Sweldo natin ngayon, eh, hulaan mo kung saan ako magpupunta?” pabirong tugon ni Zendy habang winawagayway ang kaniyang ATM.

“Mamimili ka na naman sa mall ng mga bagay na hindi mo kailangan?” sagot nito na labis niyang tinawanan.

“Tumpak ka d’yan! Pupunta nga ako sa mall, pero, medyo mali lang ‘yong dulo mong sinabi dahil lahat naman ng binibili ko, kailangan ko!” masigla niyang sagot habang patuloy sa pagtawa.

“Naku, kailangan mo ba ng bagong damit kada sasahod tayo, ha? Kailangan mo ba ng bagong bag, make-up, sapatos at kung anu-anong kolorete, ha?” sermon nito sa kaniya dahilan upang bahagyang mapakunot ang kaniyang noo.

“Oo naman, ‘no! Lalo na’t isa akong flight attendant! Dapat, maganda ako sa mata ng mga tao!” depensa niya, napailing na lang ang katrabaho niya rito.

“Diyos ko, ginamit mo na namang dahilan ‘yan! Bahala ka na nga d’yan, sa bagay, pera mo naman ‘yan!” tugon nito saka siya iniwan sa kanilang silid, imbis na mapaisip sa paggastos, agad pa niyang pinagpatuloy ang paghahanda sa pagpunta sa mall.

Namulat sa hirap ng buhay ang dalagang si Zendy kaya naman nang maabot ang pangarap na maginf flight attendant kung saan siya kumikita ng pera pangtustos sa kaniyang pamilya at sariling pangangailangan, hindi siya nag-aalinlangang gumastos para mabili ang mga luhong hindi maibigay ng kaniyang mga magulang noong siya’y bata pa.

Kada may makikita siyang bagong labas na selpon o kahit damit at sapatos, agad na siyang mag-iipon para mabili ‘yon at kung minsan pa nga, kahit kakalabas lamang ng isang produkto, basta’t nagustuhan niya at siya’y may pera, agad niya itong bibilhin dahilan upang pagsabihan na siya ng kaniyang mga katrabaho. Lagi niyang depensa, “Kailangan kong maging kaaya-kaya sa paningin ng iba kasi isa akong flight attendant kaya binili ko ‘to!” kaya siya’y hinahayaan na lamang.

Naalarma na rin ang kaniyang pamilya sa ugali niyang ito, lalo na ang kaniyang ina. Halos wala kasing araw na wala siyang dalang gamit lalo na kapag nakapupunta siya sa ibang bansa. Hindi naman siya nito mapagsabihan dahil nga, pera naman niya iyon.

Sa katunayan, kalahati ng kaniyang sweldo ang napupunta sa pagbili ng kaniyang mga luho at pagkain sa labas. Kahit na may kalakihan ang kaniyang sweldo, hindi niya magawang maipagawa ang bahay nilang isang malakas na hangin na lang ng bagyo, liliparin na, dahilan upang kahit mga nakababatang kapatid niya, magparinig at awatin na sa kaniya sa pagbili ng kung anu-ano.

Ngunit dahil nga nais niyang magkaroon ng mga bagay na ito, walang makapigil sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos mag-ayos, agad na siyang nagtungo sa mall at binili ang mga gusto niyang bagay katulad ng bagong labas na lipstick ng isang sikat na artista, sapatos, at damit. Bukod pa roon, kumain pa siya sa isang mamahaling restaurant dahilan upang bago pa siya makauwi, saktong pangkain na lang ng kaniyang pamilya ang matira sa kaniya.

Pagka-uwi niya, sinalubong siya ng kaniyang ina mula sa taxi upang tulungan sa dami ng kaniyang pinamili.

Habang masaya niyang sinusukat ang mga pinamili, tinabihan siya ng kaniyang ina at niyakap dahilan upang siya’y mabigla.

“Anak, masaya akong nabibili mo na lahat ng gusto mo na hindi ko mabigay noon. Pero, anak, tingin mo ba kailangan mo lahat ‘yan? Hindi ba’t ang pangarap natin, maging masaya at mayaman? Bakit ngayon, nagmumukha kang mayamang nakatira sa barung-barong?” sambit nito na ikinatigil niya.

Inikot niya ang tingin sa kaniyang munting silid. Unang napukaw ng magaganda at bagong mga gamit na bili niya ang kaniyang atensyon ngunit nang pinagmasdan na niya ito nang matagal, doon niya nakita ang bawat butas ng kanilang bubong at dingding. Doon niya rin nakitang luma at madungis na ang halos lahat ng kanilang mga gamit sa bahay.

At doon niya napatunayang tama nga ang kaniyang ina. Siya’y naging isang hepokritang nag-aasal mayaman dahil sa trabaho niya kahit sila’y nakatira lamang sa isang maliit na barung-barong.

Simula noon, binago niya agad ang pag-uugali iyon, ika niya, “Hindi pa huli ang lahat, maiaahon ko pa sa hirap ang pamilya ko!”

Mahirap mang bitawan ang mga materyal na bagay na pinundar niya, binenta niya pa rin ito at ang kinitang pera, pinangpagawa niya ng kanilang bahay dahilan upang labis na matuwa ang kaniyang ina sa pagbabagong ginagawa niya.

Higit pa roon, natuto na siyang magtipid at mag-ipon gamit ang kaniyang sweldo na ikinatuwa ng lahat ng nasa paligid niya. Imbis na bumili ng mga bagay na hindi kailangan, ipinangpuhunan niya ang perang mayroon siya sa pangarap na negosyo ng kaniyang ina.

Advertisement