Dehado ang Babaeng Ito sa Matandang Magpapaanak sa Kaniya, Hindi Niya Akalain ang Mangyayari sa Huli
“Ano ba naman ‘yan, Noel! Aasawahin at bubuntisin mo ako tapos hindi mo pala ako kayang buhayin? Putragis naman na buhay ‘to,” baling ni Jessy, asawa ng lalaki.
“Hindi ba’t ginagawan ko naman ng paraan pero dahil nga sa pandemya ay hindi natin kayang manganak sa ospital,” mahinahong paliwanag ni Noel sa babae.
“E ‘di ano? Ipapahawak mo buhay namin sa matandang ‘yun? Ano ‘to? Nabubuhay ba ako sa 1990 at kumadrona ang magpapa-anak sa akin? Hindi pa ba sapat na nandito tayo ngayon sa probinsya? Hindi pa ba sapat na pasakit sa akin ito na hindi man lang makaabot ang Food Panda o ano mang delivery rito sa lugar niyo? Diyos ko, Noel!,” baling ng babae na anim na buwan ng buntis.
“Alam mo, alam kong buntis ka pero hindi ko na rin talaga alam paano ko ba ipapaintindi sa’yo na wala nga tayong pera pang-anak sa ospital! At kahit anong ngawa ang gawin mo sa akin at kahit baliktarin mo pa ako, Jessy, ang pera natin bilang na bilang. Alam mo naman ‘yan! Hindi namn ako nakatunganga lang, nakikita mo naman siguro na pinapasok ko na kahit ang paglilinis ng mg kulungan ng baboy sa kabilang purok para may makain lang tayo. Ano pa bang kulang?” baling na rin ni Noel dito at napaiyak na rin ang lalaki sa inis niya sa misis.
Bago pa kasi pumutok ang COVID-19 ay hindi n maganda ang pasok ng taong 2020 sa kaniya dahil nawalan siya ng trabaho kaya naman napilitan siyang iuwi ang asawa sa probinsya upang doon muna magbakasyon hanggang sa inabot na sila ng lockdown na hindi nila namamalayang nagdadalang tao na pala ang babae.
“Ewan ko sa’yo! Ewan ko sa inyo! Pagnam@t*y ako o magkaproblema ang anak natin ay ikaw lang ang tanging sisisihin ko! Bwisit, bwisit, bwisit!!!” inis na inis na sagot ni Jessy tsaka siya lumabas ng kanilang kwarto at nagpahangin sa labas.
“Ma, hindi ba delikado ang manganak sa bahay sa panahon ngayon?” tanong ng babae sa telepono habang kausap ang kaniyang ina.
“Hindi naman, anak, kasi kayo nga lahat ay sa ganyan ko lang inilabas. Tignan mo, ayos naman kayo ‘di ba!” masayang sagot ng kaniyang ina.
“2020 na, ‘ma, paano ang newborn screening ng bata at ‘yung iba pang test na kailangan? E ‘di walang ganun? Paano kung may sakit pala, paano!?” naiiyak niyang reklamo sa ina.
“Hindi ba laging sinasabi ni Noel na magaling daw ang kumadrano na hahawak sa’yo? Huwag kang mag-alala, anak, kasi hindi naman ‘yan uso noon at isa pa, may center naman na sasalo sa mga bakuna ng bata na inaalala mo. Ang isipin mo ngayon ay ‘yung ikaw kasi ikaw ang magluluwal ng bata. Huwag puro reklamo sa buhay, Jessy, lahat tayo naghihirap kaya huwag kang maarte riyan sa asawa mo. Hindi naman tayo mayaman kaya kung ‘yun lang talaga ang kaya niyo sa ngayon ay intindihin mo muna,” paliwanag ng kaniyang ina. Hindi na nagsalita pa ang babae at naiyak na lamang ito.
Ayaw niya talaga sa kimadronang sinasabi sa kaniya ni Noel dahil bukod sa matanda na ito ay mukhang hindi na rin kayang humawak ng bata. Nagdaan na kasi sa stroke ang ale at ngayon ay nanginginig na ang mga kamay nito.
“Hija, kailangan nating hilutin ang tiyan mo dahil suhi ang bata,” saad ni Nanay Juanita, ang kilalang kumadrona sa lugar nila Noel.
“Narinig mo si nanay? Unang tingin niya pa lang sa tiyan mo ay alam na niya kaagad. Sabi ko naman sa’yo magaling si nanay,” hangang wika ni Noel sa asawa.
“Paano naman kayo nakakasigurado? Mamaya ay mali naman ho ang tingin niyo,” baling ng babae.
“Naku, hija, tumanda at nagkasakit na ako pero hindi pa ako nagkamali sa pagtingin ng mga buntis na kagaya mo. Ito ang regalo sa’kin ng Diyos kaya naman iningatan ko talaga,” nakangiting sabi sagot ng matanda sa kaniya.
Hindi na nagsalita pa si Jessy at umalis na sila kaagad. Sa susunod na raw siya magpapahilot dito. Hanggang lumipas ang ilang buwan at malapit na ang kaniyang kabuwanan saka siya lihim na nakautang ng pera sa mga kaibigan at nakapagpacheck sa bayan.
“Naku, mommy, nakabaliktad po si baby at mataas din ang sugar niyo. Mukhang CS po ang delivery if hindi man umikot ang bata. Pero dahil malapit na rin ang petsa ng panganganak niyo ay malamang sa CS na po talaga ito malalaglag,” wika ng doktor sa kaniya habang inu-ultra sound ang babae.
“Mga nasa magkano ho kaya, doc, ang kailangan namin paghandaan?” nahihiya niyang tanong dito.
“Dahil sa pandemya, kailangan magsuot ng mga p.p.e ang mga doktor at dahil semi-private pa po itong ospital natin ay kasama sa babayaran niyo ang mga iyon. Mga nasa 70,000 po,” sabi ng doktor.
Parang nabingi si Jessy sa kaniyang narinig at mabilis na umuwi. Sumama ang kaniyang pakiramdam hanggang sa hindi niya namamalayan na dinudugo na siya.
“Si Nanay Juanita, tawagin niyo, bilis,” sigaw ni Noel at mabilis na pinahiga ang asawa. Napapailing na lang si Jessy at alam niyang hindi ito kakayanin ng matanda dahil suhi ang bata.
Mabilis ang pangyayari at bago siya pina-ire ng matanda ay hinilot-hilot muna nito ang kaniyang tiyan. Hanggang sa unti-unti na niyang nararamdaman ang sakit.
“Umire ka, hija, ire at huwag mong puputulin, isa dalawa tatlo, ire!” sigaw ng matanda na sinunod naman niya.
Wala pang tatlong minuto at narinig niya ang iyak ng kaniyang anak. Hindi siya makapaniwala na nailabas ito ng matanda nang maayos.
Inayos na rin ng ale ang kaniyang inunan at tinahi. Napakagaling nga nito at ‘yung mahinang matanda na nanginginig na iniisip niya ay biglang maging maliksi sa paghawak ng bata.
“Hija, magiging maayos din kayo ng anak mo. Ang kailangan mo ngayon ay magpahinga, magiging maayos din ang lahat,” sabi ni Nanay Juanita sa kaniya.
“‘Nay, salamat po, maraming salamat at patawarin niyo po ako na hindi ko kayo pinagkatiwalaan,” sabi ni Jessy bago pumikit ang kaniyang mga mata.
Simula noon ay nagkaroon siya ng respeto sa matanda at naniwala na hindi lahat ng magagaling na doktor ay nasa ospital, minsan ang iba ay nabiyayaan talaga at nasa paligid lamang.