Inday TrendingInday Trending
Inabando ng Ginang ang Suwail na Anak, Hindi Niya Akalaing Ito pa ang Mag-aalaga sa Kaniya sa Pagtanda Niya

Inabando ng Ginang ang Suwail na Anak, Hindi Niya Akalaing Ito pa ang Mag-aalaga sa Kaniya sa Pagtanda Niya

“Mars, balita ko, nasa ospital daw ngayon ang panganay mong anak at nanganganib na raw ang buhay, ha? Hindi ka ba man lang sisilip doon para masilayan mo sa huling pagkakataon ang anak mo?” tanong ni Yen sa kaniyang kumare, isang araw nang kumalat sa kanilang barangay ang balitang iyon.

]”Naku, mare, asa kang mawawala ‘yon nang dahil sa sakit lang! Eh, kahit nga kababaeng tao no’n, nakikipaghabulan ng itak ‘yon doon sa probinsya namin, yumao ba siya? Hindi! Masamang damo kaya ‘yon kaya nga ayaw ko ro’n, eh, malas lang ‘yon sa pamilya namin!” sagot ni Emma habang hinihigop ang softdrinks na binili sa naturang tindahan kung saan siya nakita ng kaniyang kumare.

“Sobra ka naman sa anak mo, mare!” tugon nito dahilan upang magulat siya.

“Hindi, ano! Totoo lang ang sinasabi ko! Mantakin mo, siya ang panganay sa magkakapatid pero hanggang ngayon, wala siyang maipagmalaki! Kita mo ‘yong pangalawa at bunso kong anak, parehas nang nasa ibang bansa at libo-libo kung magpadala sa akin! Eh, siya, kahit limang piso, walang maiabot!” kwento niya rito habang nanggigil sa naturang anak.

“Kahit na, mars, anak mo pa rin…” hindi na niya pinatapos ang pagsasalita ng kumare niyang ito dahil siya’y naririndi na.

“Tumigil ka na, alis na ako!” paalam niya saka na niya ito iniwan sa tindahan.

Malayo ang loob ng ginang na si Emma sa kaniyang panganay na anak. Suwail kasi ito at ang tanging anak niyang nagdulot sa kaniya ng katakot-takot na sakit sa ulo. Imbis na malagutan ng hininga dahil sa anak niyang ito, minabuti niya na lamang na ito’y pabayaan at mas pagtuunan ng pansin ang dalawa niyang pang mga anak na pawang nagbibigay sa kaniya ng kasiyahan.

Matatalino kasi ito at masisipag mag-aral, hindi katulad ng panganay niyang anak na mahina na nga ang utak, masipag pang makipag-away. Hanggang sa magkaedad na siya at ang kaniyang mga anak, hindi na niya tuluyan pang inaruga ang panganay niyang anak. Sa katunayan, pinalayas niya pa ito nang minsan itong makabangga ng isang mamahaling kotse habang ito’y lasing na nagmamaneho ng motorsiklo dahil wala siyang pambayad sa ginawa nito.

Ngunit kahit pa ganoon, labis naman ang tuwa niya nang sabay na mangibang-bansa ang kaniyang dalawang anak na buwan-buwang nagpapadala sa kaniya ng pera. Dito na niya tuluyang nilimot ang pagkatao ng kaniyang panganay na anak at mag-isang nagpakasasa sa pera ng kaniyang mga anak

May mabalitaan man siyang hindi magandang pangyayari sa buhay nito, palagi niyang sinasabi, “Masamang damo ‘yan, daig pa n’yan ang pusa sa dami ng buhay n’yan!”

Ilang linggo pa ang lumipas, muli niyang nabalitaan nakalabas na sa ospital ang kaniyang anak. Napangisi na lang siya at sinabing, “Mahigit pa yata sa siyam ang buhay ng utak merenggeng iyon!” saka siya napailing-iling.

Mayamaya pa, napagdesisyunan niyang bumili ng softdrinks sa tindahan. Magtatanghalian na kasi siya at palagi niyang gustong may matamis na inumin sa tuwing kakain.

Ngunit, bago pa man siya makalabas ng kaniyang bakuran, biglang nanlabo ang kaniyang paningin at siya’y nahilo.

Ang huling naramdaman niya lang ay may sumalo sa kaniya bago tuluyang dumilim ang kaniyang paningin.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na at labis na kumunot ang noo niya nang makita ang panganay niyang anak na nag-aayos ng kaniyang mga magamit. Doon niya napagtantong tila ito ang sumalo sa kaniya nang siya’y mahimatay ngunit dahil mainit nga ang dugo niya rito, tinarayan niya pa rin ito.

“Bakit ka andito?” masungit niyang tanong.

“Kakaiba ka talaga, mama, pagdating sa akin! Hindi ka man lang nagpasalamat na dinala kita sa ospital!” sambit nito.

“Wala akong pakialam. Bakit ka ba pumunta sa bahay?” tanong niya.

“Ibabalita ko lang sana na may trabaho na ako,” nakatungong sambit nito.

“Aanuhin ko naman ang trabaho mo, eh, pinapadalhan na ako ng kapatid mo higit pa sa sasahurin mo riyan,” wika niya rito na lalong ikinatungo nito.

“Mas malaki nga ang binibigay nila sa’yo, nasaan ba sila ngayon? Baka kung hindi ko naisipang dalawin ka sa bahay, baka ngayon, pinaglalamayan ka na,” sambit pa nito saka biglang lumabas ng kaniyang silid.

Wala pang ilang minuto, pumasok na ang kaniyang doktor at sinabing siya’y inatake ng dayabetis kasabay ng pagsikip ng kaniyang hingahan.

“Mabuti na lang po at naisugod kayo agad sa ospital,” sambit nito habang inaayos ang kaniyang dextrose.

Simula nang siya’y maospital, palagi na siyang dinadalaw ng kaniyang anak. Hindi man niya ito kibuin, ginagawa nito ang lahat ng gawing bahay upang huwag na siyang kumilos.

Pinaghahandaan siya nito ng pagkain at pinaliliguan dahil siya’y hirap nang kumilos. Doon niya labis na napagtantong kung sino pa ang kinamumuhian niya noon ay ang anak niya pang magtitiis at mag-aalaga sa kaniya sa kaniyang pagtanda.

Unti-unti niyang nakuha ang loob ng anak nang bigla siyang humingi ng tawad dito hanggang sa tuluyan na siyang samahan nito sa kanilang bahay.

Advertisement