Takot sa Tubig ang Dalagang Ito Dahil sa Isang Trahedyang Nasaksihan, Makaharap Pa Kaya Niya Ito?

Takot sa Tubig ang Dalagang Ito Dahil sa Isang Trahedyang Nasaksihan, Makaharap Pa Kaya Niya Ito?

InspiringStoriesSuccess

“Hindi ba’t pangarap mo maging isang flight attendant, anak?” tanong ni Shiela sa kaniyang anak, isang tanghali habang sila’y nanunuod ng telebisyon sa kanilang sala. 

“Opo, mama, bakit po?” sagot ni Sandy habang kumakain ng paborito niyang chichirya. 

“Ito, o, nakita ko sa internet na may dalawang airlines ang magbubukas ng aplikasyon sa Maynila. Bakit hindi mo subukan? Malay mo, makuha ka agad! Matangkad ka naman, eh, magaling magsalita ng ingles at may magandang ngiti, panigurado makakapasa ka!” sambit ng kaniyang ina saka ipinakita ang nakita nitong impormasyon sa internet. 

“Kaso, mama, hindi na ata ako marunong lumangoy,” tugon niya, biglang lumungkot ang kaniyang mukha. 

“Iyon ang hamon sa’yo, gusto mo bang turuan ulit kita lumangoy?” alok nito sa kaniya habang inaarte pa kung paano lumangoy. 

“Takot na po ako sa tubig, hindi ba?” tipid niyang sagot habang pinipigil ang luha dahilan upang yakapin siya ng kaniyang ina. 

“Anak, hindi mo habang-buhay maiiwasan ang mga bagay na kinakatakutan mo. Imbis na iwasan, kaharapin mo,” payo nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatango-tango, “Pag-isipan mo, ha? Andito lang ako para tulungan at suportahan ka,” dagdag pa nito saka siya muling niyakap. 

Pangarap man ng dalagang si Sandy ang maging isang flight attendant, hindi niya ito maabot-abot dahil sa takot niya sa tubig.

Sa katunayan, ilang taon na ang nakalilipas simula nang siya’y makapagtapos ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin siya nakakakuha ng permanenteng trabaho. 

Nagawa naman niyang makapasok sa isang restawran bilang isang manager at naging isang call center agent din siya at naging ngunit dahil nga hindi ito ang pangarap niya, madali siyang nagsasawa. 

Nasa kaniya naman talaga ang lahat ng kwalipikasyon para maging isang flight attendant. Siya’y may magandang ngiti, matangkad, matalino at magaling magsalita ng ingles, kaya lang, siya’y may takot sa tubig at alam niyang dadaan siya sa mga pagsasanay ng paglangoy upang siya’y tuluyang maging flight attendant na labis niyang pinangangambahan. 

Nagsimula siyang matakot sa tubig nang makita niya kung paano malunod at malagutan ng hininga ang pinsan niyang kasama niya magtapisaw sa ilog. Mga bata pa sila noon at nagkayayaang maglaro sa tabing ilog nang bigla itong inanod sa malalim na parte, ginawa niya ang lahat upang ito’y masalba ngunit dahil nga siya’y bata pa, wala siyang nagawa kung hindi ang umiyak at humingi ng tulong habang nalulunod ang pinakamamahal niyang pinsan. 

Simula noon, umiwas na siya tubig. Sa tuwing siya’y makakakita ng ilog o kahit na dagat at swimming pool, basta may kalaliman, agad na siyang manlalambot at agad na niyang maaalala ang trahedyang kaniyang nasaksihan. 

Ngunit dahil nga alam ng kaniyang ina ang natatangi niyang pangarap, hindi ito sumusuko upang siya’y magtagumpay sa pag-abot nito. 

Ilang linggo matapos siyang hikayating mag-apply ng kaniyang ina sa isang airlines, nagkayayaan silang magkakamag-anak na mag-swimming upang ipagdiwang ang kaarawan ng kaniyang lola. 

Dahil nga siya’y takot sa tubig, andoon lamang siya sa kubo habang nagtatampisaw ang kaniyang mga pinsan at ilang tiyahin. Ayaw niyang lumabas kahit anong pilit ng kaniyang ina dahil nga siya’y natatakot sa swimming pool. Ika nito, “Halika na, anak, ilalawit mo lang ang paa mo sa gilid ng pool tapos doon lang ako sa paanan mo. Dali na, unti-untiing harapin ang takot mo,” dahilan upang kahit ayaw niya, siya’y mapilitang sumama rito. 

Ginawa niya nga ang nais ng ina kahit pa siya’y nanlalambot na sa takot. Binaba niya ang paa sa tubig at nang maramdaman niya ang lamig nito, agad niyang naalala ang pagkalunod ng kaniyang pinsan at siya’y naiyak. 

“Iiyak mo lang lahat, apo, ko,” sambit ng kaniyang lola, nagpalakpakan naman ang iba nilang kaanak dahil sa wakas, nagawa na niyang lumapit sa pool, ngumiti lang siya habang umiiyak. 

Mayamaya pa, nagkayayaan na ang kaniyang mga pinsan na maglaro ng bola habang nasa pool. Syempre, andoon lamang siya sa gilid habang nakalawit ang paa sa pool kaya hindi siya makasali. 

Ngunit dahil labis siyang naengganyo at natuwa sa sigawan at paglalaro ng kaniyang mga pinsan, nang minsang magtungo malapit sa kaniya ang bola, nawala sa isip niya ang takot sa tubig ar bigla siyang tumalon sa pool upang ito’y ibigay sa kaniyang mga pinsan na labis na ikinagulat ng mga ito.

“Sa-sandy, a-anak, nasa gitna ka na ng pool at lumalangoy!” mangiyakngiyak na sigaw ng kaniyang ina at doon na niya napagtantong siya’y lumulutang na muli sa tubig na labis niyang ikinaiyak. 

Doon niya napagtantong sa wakas, tuluyan na niyang nakaharap ang kaniyang takot. Naaalala man niya ang sinapit ng yumaong pinsan, ganoon na lang ang saya niya dahil nagawa na niya itong isangtabi. 

Nang masigurado na niyang hindi na siya takot sa tubig, agad siyang nag-apply sa isang airline at katulad ng sinabi ng kaniyang ina, siya’y naging isang matagumpay na flight attendant na labis niyang ikinatuwa at ikinapasalamat sa Diyos. 

Sa buhay, kapag talaga pinanatili mo ang takot sa puso at isip mo, hindi ka makakausad. Subukan mong maging matapang at ito’y kaharapin, tagumpay ang iyong sasapitin. 

More Stories