
Pinalayas ng Ama ang Dalagang Anak Dahil sa Lalaking Iniibig Nito, Pinatunayan ng Babae ang Kaniyang Kakayahan
“Ikaw, Windy, ha, tigil-tigilan mo na ‘yang pakikipag-usap d’yan sa kapitbahay nating wala namang magagawang mabuti sa’yo, ha? Ilang beses na kitang pinagsasabihang lumayo na ro’n, palagi pa rin kitang nakikitang nakikipag-usap do’n sa kalsada!” bulyaw ni Mang Renzo sa kaniyang anak, isang umaga matapos niya itong kaladkarin pauwi sa kanilang bahay nang makitang kausap ang lalaking iyon saka niya ito hinagisan ng tsinelas.
“Mahal ko po kasi talaga siya, papa, eh. Ayaw niyo naman na papuntahin ko siya rito sa bahay natin para umakyat ng ligaw, tapos magagalit kayo kapag nakikita niyo kaming nag-uusap sa kalsada,” sagot ni Windy habang busangot na busangot dahilan upang lalo pang magalit ang kaniyang ama.
“Aba, sumasagot ka na ngayon? Alam mo naman kung ayaw ko sa lalaking ‘yon, hindi ba? Bukod sa hindi na nakapagtapos ng pag-aaral, palamunin pa ng mga magulang! Anong buhay ang maibibigay sa’yo no’n?” galit na sambit nito saka bahagyang sinipa ang kanilang silya.
“Kahit na, papa, kaya ko namang buhayin ang sarili ko, eh,” tugon niya pa.
“Kung gano’n, edi lumayas ka na rito! Do’n ka na sa lalaking ‘yon! Parehas kayong maging palamunin ng nanay niya!” sigaw nito sa kaniya saka nagpunta sa kaniyang silid at pinagtatapon palabas ang kaniyang gamit.
Bunso sa magkakapatid at ang tanging babaeng anak sa kanilang pamilya ang dalagang si Windy. May sari-sariling ng pamilya ang kaniyang dalawang kapatid na lalaki na pawang may sari-sarili na ring bahay.
Habang siya, tinatapos pa ang kaniyang pag-aaral sa pinapangarap na trabaho, ang pagiging doktor.
Siya’y isang masunuring bata, tapat at hindi kailanman naging pasaway sa kaniyang mga magulang. Lahat ng gustuhin ng mga ito, kaniyang sinusunod dahil alam niyang lahat ng ito’y para sa ikabubuti niya.
Kaya lang, nang siya’y magdalaga na at natutong umibig sa lalaking kababata niya, ro’n na siya araw-araw napapagsabihan ng kaniyang magulang lalo na ng kaniyang amang ayaw na ayaw sa lalaking iyon.
Nais kasi nitong ipakasal siya sa anak ng kumpare nitong nasa Amerika upang siya’y magkaroon ng magandang buhay na labis niyang tinutulan. Depensa niya, “Aanuhin ko ang magandang buhay kung hindi ko naman mahal ang lalaking makakangasawa ko? Habang-buhay na delubyo lang ang mararanasan ko,” na labis na ikinagalit nito.
Kahit pa ilang beses nang pagbawalan ng kaniyang ama, patuloy niya pa ring sinunod ang kaniyang puso. Lalo na’t wala naman siyang nakikitang mali sa lalaking iyon kung hindi ang kahihiyang mayroon ito sa paghahanap ng trabaho na para sa kaniya, madali lang itong matulungan.
Noong araw na ‘yon, sa labis na inis ng kaniyang ama nang makita siyang nakikipag-usap sa naturang lalaking iyon sa kalsada, at dahil sa pagpapaliwanag niya rito ng damdamin niya, nagawa nitong siya’y palayasin.
Labis na kahihiyan ang naramdaman niya noong mga oras na iyon dahil halos lahat ng kanilang mga kapitbahay, nagbubulungan na’t siya’y kinakaawaan.
At dahil wala siyang ibang mapuntahan kung hindi ang bahay ng lalaking iyon na nasa kabilang kanto lamang, doon niya minabuting mamalagi.
Ang kaunting perang naipon niya mula sa kaniyang mga baon, tinaya at pinangpuhunan niya sa pagtitinda ng milk tea sa harapan ng bahay nito.
Dahil nga sikat ang inuming ito ngayon, isang linggo lang ang lumipas, agad siyang kumita ng pera na ginamit niya naman sa pang-araw-araw niyang baon sa paaralan.
Habang siya’y napasok sa paaralan at nag-aaral, ang lalaking iyon naman ang siyang nagtitinda ng sinimulan niyang negosyo. Labis naman ang tuwa niya dahil ang buong pamilya nito, todo suporta rito.
Ang nanay nito ang tagaluto ng sago, ang tatay nito ang taga-deliver ng mga orders at ito ang siyang nagtitimpla ng mga inumin dahilan upang gumaan ang kanilang pagnenegosyo.
Dahil sa sarap ng kanilang tinda at dahil sa pangmasa nitong presyo, nakilala ang pangalan ng kanilang negosyo sa buo nilang lalawigan hanggang sa magkaroon na siya ng isang permanenteng pwesto sa gilid ng kanilang munisipyo na labis niyang ikinasaya.
Mangiyakngiyak niyang pinagmamasdan ang negosyo niyang sinimulan sa maliit na halaga at ngayo’y isang sikat nang kainan.
“Kapag talaga mahal mo ang ginagawa mo, imposibleng hindi ka magtatagumpay. Katulad sa pagmamahal, kapag mahal mo talaga ang isang tao, kahit na tutol ang mundo, magagawa mo talagang ipaglaban ito,” sambit niya sa sarili.
Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na siyang nakapagtapos ng pag-aaral at nakapasa sa bar exam. Ang araw kung kailan inanunsyo na siya’y isang ganap ng doktor, ay ang araw din kung kailan sila nagkaayos ng kaniyang buong pamilya dahilan upang maiyak na lamang siya sa saya.
“Pasensiya na, anak, hindi ako nagtiwala sa kakayahan mo,” wika ng kaniyang ama saka mahigpit siyang niyakap, “May negosyo na ako, may doktor pa akong anak. Salamat sa Diyos!” dagdag nito dahilan upang lalo siyang maiyak.