
Ibinibigay ng Lalaking ito ang Lahat ng Gustuhin ng Anak, Hindi Niya Akalain ang Naging Bunga Nito
“Premo, hindi ba’t masyado mo namang ini-spoil ang anak natin? Humingi lang ng bente pesos sa’yo, binigyan mo ng isang daang piso. Noong isang araw, inungutan ka lang ng bagong selpon, binili mo agad kinabukasan,” sambit ni Inna sa kaniya asawa nang mapansing hindi maganda ang relasyong nasisimulan ng asawa sa anak nilang nagbibinata na, isang gabi bago sila matulog.
“O, ano namang masama ro’n? Anak naman natin ang binibigyan ko, ha?” sagot ni Premo nang may inis na nararamdaman.
“Mahal ko, kung ibibigay mo lahat ng gusto niya, baka lumaking matigas ang ulo niyan. Tapos, ni hindi mo pinapagalitan kapag sinasagot ka, kapag pinagsasabihan ko, nagagalit ka sa akin,” paliwanag nito sa kaniya.
“Ayoko lang lumayo ang loob niya sa atin, mahal, gusto ko hanggang paglaki niya, malapit siya sa atin upang lalo natin siyang magabayan,” depensa niya saka tuluyan nang binalot ang sarili sa kumot.
“Naku, mahirap ‘yan, Premo, lalo na kung magkaroon na siya ng sariling pag-iisip tapos ganyan pa rin ang pagtrato mo sa kaniya. Walang katatakutan ‘yan,” sabi pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Tumigil ka na, Inna! Lagi ka na lang nakakontra kaya malayo ang loob sa’yo ng anak natin, eh!” sigaw niya sa asawa saka ito agad na tinalikuran, magsasalita pa lang sana ito nang makapagsiya siyang sa kwarto na lamang ng kanilang anak matulog.
Lahat ng gustuhin ng kaniyang anak, agad itong binibigay ni Premo. Mapapera man o mamahaling bagay, basta’t naglambing at umungot ito sa kaniya, hindi niya mapigilan ang sarili na hindi ito tugunan ang nais nito.
Pagsabihan man siya ng kaniyang asawa, dahil sa pagbabago ng ugali ng kanilang anak dahil sa ginagawa niyang ito, imbis na pagsabihan ito, nagagalit pa siya sa kaniyang asawa.
Palagi niyang dahilan, “Ngayong nagbibinata na ang anak ko, ayokong malayo ang loob niya sa akin. Gusto ko, kahit may edad na siya, kahit magkanobya na siya at magkapamilya, malapit pa rin ang loob niya sa akin kaya ko ‘to ginagawa,” na labis na tinututulan ng kaniyang asawa dahilan upang halos araw-araw sila’y mag-away.
Napapansin niya rin naman ang pagbabago ng ugali ng kaniyang anak. Ang dating malambing na bata, ngayo’y palagi nang nakasimangot at naging masyado nang tahimik. Sumisigla lang ito tuwing bibigyan niya ng pera o mga regalo. Bukod pa roon, naging palasagot na ito sa kanilang mag-asawa at palaging nagdadabog. Kung minsan pa, naririnig nilang nagwawala ito sa silid nito sa tuwing pagsasabihan ng kaniyang asawa.
Ang tangi niya lang nakikitang paraan upang bumalik sa dati ang anak ay ang pagbibigay ng mga gusto nito ngunit tila iyon ang nagpasiklab pa lalo sa masamang ugaling nabubuo rito.
Simula nang amuhin niya ito at palaging ibigay ang nais nito, wala nang araw na hindi ito umuuwing walang bangas sa mukha. Tanungin man niya ito, palagi lang nitong sagot, “Huwag mo akong pakialamanan,” na labis niyang ikinababahala.
Sa tuwing nagtatanong naman siya sa mga kaklase at guro nito, nagagalit ito dahil hindi na raw siya bata para palaging bantayan dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ang pakalmahin ito sa tuwing nagagawa niya iyon.
Isang araw, papasok pa lang sana siya sa trabaho nang makatanggap siya ng tawag mula sa guro ng kaniyang anak. Umiiyak ito at sinabing, “Magpunta po kayo rito sa paaralan, pakiusap, dalian niyo, ang anak niyo, kakaiba na!” na kaagad nilang ikinatarantang mag-asawa.
Dahil nga malapit lang sa kanilang bahay ang paaralang ito, wala pang limang minuto, agad na silang nakarating dito. Pagkarating nila ro’n, tumambad sa kanilang mag-asawa ang isang estudyanteng duguan ang ulo at ang anak nilang nasa sulok at may hawak-hawak na patilim habang nagsusumbong sa kanila, “Tinutukso niya akong binabae, eh, edi pinatunayan kong lalaki ako, sinaksak ko siya sa ulo,” na labis na ikinapanlambot ng kaniyang asawa.
Sinubukan niyang amuhin ang anak ngunit pati siya, tinutukan nito at ayaw sumama sa kaniya.
Maya maya pa, dumating na ang mga tanod at ilang pulis na pilit nagpapakalma sa bata. Wala siyang magawa kung hindi ang maiyak na lang sa ugaling mayroon ang kanilang anak.
At dahil wala ngang makapagpakalma rito, binaril na ito ng isang pulis ng pampatulog at doon na natapos ang tensyon sa paaralang ito.
Agad niyang niyakap ang anak at sinabing, “Gusto ko lang naman, anak, na huwag lumayo ang loob mo sa amin kaya binibigay ko lahat ng gusto mo, pero bakit ka nagkakaganito?” habang siya’y umiiyak.
Ayaw man niya, wala siyang nagawa nang kupkupin muna ito ng may mga katungkulan upang maiayos ang pag-uugali nito.
Doon niya napagtantong hindi tama ang pagpapalaki niya sa kaniyang anak. Maaaring maging masaya nga ito sa binibigay niya ngunit hindi niya ito natuturuan ng aral sa buhay.