Inalila ng Ina ang Dalagang Ito Dahil sa Kaniyang Itsura, Ito ang Naging Daan ng Kaniyang Pagsikat

Inalila ng Ina ang Dalagang Ito Dahil sa Kaniyang Itsura, Ito ang Naging Daan ng Kaniyang Pagsikat

InspiringStoriesSuccess

“Dessa! Anong oras na, nakahiga ka pa rin! Wala pa tayong tubig pang saing, Diyos ko ka! Napakatamad mo!” bulyaw ni Aling Dolores sa kaniyang panganay na anak habang ito’y sinisipa-sipa upang magising, isang umaga nang magising siyang walang lamang tubig ang kanilang banyo.

“Mama, naman, alas sais pa lang po ng umaga. Alas kwatro na po ako nakatulog dahil sa paghehele kay bunso,” paliwanag ni Dessa habang umiinat-inat sa kanilang higaan. 

“Aba, nanunumbat ka ba? Anong gusto mo, mamayang tanghali ka pa gumising? Gising prinsesa? Bakit, maganda ka ba?” galit na sambit nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatayo na lamang mula sa higaan. 

“Hindi po,” tipid niyang sagot habang tinitiklop ang kumot na kaniyang ginamit. 

“O, alam mo naman pa lang hindi, eh. Mag-igib ka na ro’n nang makapagsaing at makaligo na ako! Saka ka na umarte kapag maganda ka na! Itong balugang ‘to, ang aga-aga iniinis ako!” sigaw pa nito dahilan upang mataranta na siya sa pagliligpit. 

“Ito na po, saglit lang po,” tugon niya saka agad nang nagtungo sa kanilang banyo upang kuhanin ang mga timbang kaniyang iigiban. 

“Dalian mo! Kating-kati na ako, sa akin ka pa kasi tumabi matulog, eh, nakakainis ka talaga!” sigaw pa nito dahilan upang siya’y mapatakbo na patungo sa kanilang barangay, kung saan matatagpuan ang posong pinag-iigiban niya. 

Hindi tinuturing anak ng kaniyang ina ang dalagang si Dessa dahil sa kaniyang itsura na labis niyang dinadamdam araw-araw. Diring-diri ito sa kutis niyang malatsokolate at buhok niyang kulot-kulot at dikit sa anit na minana niya sa kaniyang amang taga-Nigeria, ang unang asawa ng kaniyang ina. Kung hindi nga lang siya nito napapakinabangan sa bahay, siguro’y pinalayas na siya nito. 

Dahil nga ayaw sa kaniya nito, halos lahat ng gawaing bahay, sa kaniya pinapagawa nito. Mapapagluluto ng ulam, paglilinis ng bahay, paglalaba o maski ang pag-iigib ng tubig sa kanilang barangay, ilang kanto mula sa kanilang bahay, sa kaniya pinapagawa.

Kahit na kung minsa’y nasa kanilang bahay ang bagong asawa nito, siya pa rin ang inuutusan nitong mag-igib at sa tuwing tutulungan siya ng lalaking ito, labis siyang bubungangaan nito. 

Sabi niya nga sa kaniyang sarili sa tuwing buhat-buhat ang dalawang timbang may lamang tubig pauwi sa kanilang bahay, “Hanggang kailan kaya ako aalilain ng nanay ko dahil sa itsura ko? Sana maganda na lang at maputi katulad ng isa ko pang kapatid para andoon lang ako sa bahay, nakain, nanunuod pa ng telebisyon.” 

Noong araw na ‘yon, mabilis na siyang tumakbo palabas ng kanilang bahay upang huwag na lang marinig ang mga masasakit na salitang binibitawan ng kaniyang ina. 

“Ang sarap talaga ng almusal ko, sigaw at mga panlalait,” biro niya sa sarili habang siya’y naglalakad patungo sa kanilang barangay. 

Nang makarating na siya rito, laking tuwa niya dahil walang ibang nag-iigib. Dali-dali niyang ipinila ang mga dala niyang timba at binomba ang naturang poso. 

Ngunit maya maya, habang nililibot niya ang kaniyang mata sa kalsada, napansin niyang may isang puting kotse ang tumigil sa kabilang parte ng kalsada dahilan upang sipatin niya ang tao sa loob nito. 

Laking gulat niya nang may isang babaeng bumaba mula rito at tila patungo sa kaniyang lugar. 

“Magandang araw, kumusta ka?” bati nito sa kaniya dahilan upang siya’y magtaka, “Ah, eh, napansin kasi namin ang itsura mo..” magsasalita pa sana ito ngunit agad siyang nagsalita nang makaramdam ng kahihiyan. 

“Ah, opo, hindi nga kaaya-aya ang itsura ko,” nakatungo niyang sambit habang patuloy pa rin sa pagbobomba ng poso. 

“Naku, hindi, lahat tayo ay maganda at natatangi ang ganda mo! Sa katunayan, naakit mo talaga kami! Pupwede ka ba naming gawing modelo? Wala kang gagastusin, babayaran ka pa namin,” alok nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapahalakhak. 

“Sigurado po ba kayo? Itong mukhang ‘to?” patawa-tawa niyang sambit. 

“Iyang mukhang ‘yan ang magbibigay buhay sa’yo,” seryosong sagot nito saka siya kinuhanan ng litrato, “Tignan mo, ang ganda ng mga ngiti mo,” dagdag nito saka pinakita ang larawan niya sa selpon nito. 

Doon niya napagtantong maganda nga talaga siya. Ang mga ngiti niya, puro at tila ba walang dinadalang problema at bigat sa puso. 

Dito na siya nagdesisyong sumang-ayon sa babaeng ito at iyon na ang naging simula nang pagkita niya ng sariling pera. 

Maraming tao ang naantig sa kaniyang kwento at nahumaling sa kaniyang itsura at ngiti dahilan upang ilang buwan lang ang lumipas, sandamakmak na proyekto ang ilaan sa kaniya. 

Ang nanay niyang dati’y ginagawa siyang alila at diring-diri sa kaniya, ngayo’y mangiyakngiyak sa tagumpay na naaabot niya. 

More Stories