Nailang ang Dalagang Ito sa Lalaking Palaging Nakamasid sa Kaniya; Ano Kaya ang Sadya Nito sa Kaniya?

“Honey, nand’yan na naman ‘yong lalaking laging nakatingin sa’yo, ha? Ingat ka,” paalala ni Belle sa kaniyang katrabaho, isang tanghali nang mapansin niyang nakamasid na naman dito ang lalaking palaging kumakain sa restawrang pinagtatrababuhan nila. 

“Oo nga, eh, napansin ko ngang pagpasok niya rito, ako agad ang tiningnan niya,” sagot ni Honey saka hinilat pababa ang suot niyang palda. 

“Naku, nakakailang talaga ‘yan! Hindi mo pa ba isusumbong kay boss ‘yan? Baka mamaya, katulad ‘yan no’ng lalaking umabang sa’yo sa bahay niyo. Hindi ba’t dito ka rin nakilala no’n at palagi ring nakamasid sa’yo?” bulong pa nito sa kaniya habang naghihintay sila ng lutong pagkaing ibibigay sa kustomer mula sa kanilang kusina. 

“Hindi naman siguro, Belle. Huwag tayo agad manghusga ng tao. Baka may nakikita lang siya sa akin na ikinatutuwa niya,” pigil niya rito saka pasimpleng sinipat ang lalaking iyon na hanggang ngayo’y nakatingin pa rin sa kaniya.

“Ayun na nga ‘yon, eh, pinagnanasaan ka na! Alam mo, kaya palagi kang nagaganyan, dahil sa kabaitan mong wala na sa lugar! Kapag ikaw, tinawag niyan ngayong araw, ako na mismo ang magsusumbong d’yan kay boss!” sambit nito na ikinataranta niya dahil ayaw niya ng gulo.

“Huwag na, Belle!” awat niya, umirap lang ito saka kinuha ang pagkaing hinihintay.

Mala-anghel ang mukha, makinis ang balat, balingkinitan at may katangkaran ang dalagang si Honey. Simula nang magtrabaho siya sa isang restawran, doon mas nakita ng mga tao ang kaniyang kagandahan. Natuto kasi siyang mag-ayos at manamit nang naaayon sa kaniyang itsura dahilan upang halos lahat ng customer ng restawrang ito, kumakain lang dito upang siya’y masilayan.

Labis naman itong ikinatutuwa ng may-ari ng naturang restawran dahil halos araw-araw, maraming kumakain dito. Mapababae man o lalaki, gustong-gusto ang mala-anghel niyang mukha. Sabi pa nga ng ibang customer sa kaniya, “Hindi ka bagay dito, hija! Mag-artista ka, tiyak, sisikat ka agad!”

Advertisement

Gustuhin man niya, hindi niya magawa dahil bukod sa hindi niya alam kung saan pupwedeng mag-apply, wala pa siyang pera para rito. Kung titigil siya sa pagtatrabaho, walang kakainin ang mga kapatid niyang siya na lang ang tumataguyod.

Naging maayos naman ang pagtatrabaho niya rito kahit marami ang nakukuha niyang atensyon mula sa mga tao ngunit nang may isang lalaki nang labis na nahumaling sa kaniya, doon na siya natakot sa kaligtasan niya. Mabuti na lang talaga at alerto ang kanilang boss at agad itong inireklamo.

Kaya lang, ilang buwan lang ang lumipas, mayroon na namang lalaking palaging nakamasid sa kaniya habang kumakain sa kanilang restawran na labis na niyang ikinakailang pati na ng kaniyang mga katrabaho.

Noong araw na ‘yon, nang makuha na niya ang hinihintay niyang pagkain, ibinigay na niya ito sa customer na nakataas sa kaniya.

Ngunit mayamaya, nang mapansin ng naturang lalaki na wala na siyang ginagawa, agad siyang sinenyasan nito na labis niyang ikinagulat.

“Be-belle, sinesenyasan ako no’ng lalaki,” bulong niya sa katrabaho.

“Susumbong ko na talaga ‘yan!” sambit nito.

“Teka lang, tignan mo muna kung anong gagawin niya, tingnan mo muna ako,” sagot niya rito habang pisil-pisil ang kamay nito, bakas sa mukha niya ang takot at pangamba sa kung anong maaaring gawin o sabihin nito sa kaniya. 

Advertisement

Kahit na may takot sa dibdib, pinilit niya pa ring ngumiti habang naglalakad patungo sa lalaking ito.

“May kailangan po ba kayo, sir?” nakangiti niyang sabi rito.

“Pasensiya ka na, ha? Alam kong naiilang ka na sa akin, pero huwag kang mag-alala, binabae ako at nais lang kitang masipat dahil naghahanap ako ng mga bagong mukhang maaari kong isama sa isang teleserye,” sagot nito saka iniabot sa kaniya ang isang envelope na naglalaman ng mga dokumento ng naturang teleserye, “Nand’yan na ba ang boss niyo? Pag-uusapan namin ang pag-aartista mo, eh, sana pumayag siya, ano? Balita ko kasi, gustong-gusto mong maging artista,” dagdag pa nito dahilan upang mangilid na ang luha sa kaniyang mga mata. 

Hindi pa man siya nakakapagsalita, bigla nang dumating ang may-ari ng naturang restawran at agad na binati ang binabaeng ito.

“O, Honey, surpresa ko sana ito sa’yo, eh! Mukhang kilala mo na si sir, ha? Ano, gusto mo ba talagang mag-artista?” magiliw na tanong nito, napatango-tango lang siya saka tuluyang dumaloy ang kaniyang luha, “Ang katulad mong may butihing puso ang siyang dapat na pinapasikat,” dagdag pa nito saka siya inabutan ng panyo.

Nang marinig ito ng kaniyang katrabahong si Belle, labis itong natuwa at humingi ng pasensya sa naturang lalaki at doon na nagsimula ang kaniyang buhay artista na ikinaalwan ng buhay nilang magkakapatid.