Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babaeng Ito ang Anak sa Ospital Upang Makipag-Date, Nanlambot Siya sa Natanggap na Balita

Iniwan ng Babaeng Ito ang Anak sa Ospital Upang Makipag-Date, Nanlambot Siya sa Natanggap na Balita

“Mama, nasaan po kayo? May ginagawa ka ba ngayon?” tanong ni Marissa sa kaniyang ina, isang umaga nang bigla niya itong tawagan sa selpon.

“Nandito sa bahay, nagpapahinga ako, anak, kakatapos ko lang maglaba, eh. Bakit, may problema ba r’yan sa ospital? Kumusta na ang apo ko, bumubuti na ba ang lagay?” pangungumusta nito dahilan upang ipakita niya ang anak na mahimbing na natutulog.

“Ayos naman siya, mama, kakatulog lang. Kaya lang, aalis ako, eh, pupwede bang pumunta ka muna rito para may bantay siya?” tanong niya rito saka inarteng nangungusap ang kaniyang mata.

“Bakit, aalis ka ba?” pang-uusisa nito.

“Opo, eh, niyaya ako mag-Tagaytay ng manliligaw ko, mama. Hindi ko na ‘to papalagpasin, mama, minsan lang ang ganitong klaseng lalaki. Baka kapag tumanggi ako, maudlot pa ang tiyak na kasiyahang mararanasan ko,” sambit niya habang kumakandirit pa dahilan upang mapakunot ang noo ng kaniyang ina.

“Diyos ko, Marissa! May sakit na’t lahat-lahat ang anak mo, sarili mo pa rin ang iniisip mo! Eh, ano naman kung tanggihan..,” hindi na nito natapos ang pangangaral sa kaniya dahil agad na siyang napaalam dito nang makita niya ang mensahe ng naturang lalaki na nasa ibaba na raw ito at naghihintay na.

“Pumunta ka na rito, mama, ha, walang bantay ang apo mo, alis na ako!” natataranta niyang sambit habang inaayos ang sarili sa kamera.

“Huwag ka munang umalis hangga’t wala ako! Marissa!” sigaw nito sa kaniya, ngunit imbis na makinig, agad na niya itong binabaan ng tawag at dali-daling lumabas ng silid kung saan namamalagi ang may sakit niyang anak.

Mag-isang binubuhay ng dalawangpung taong gulang na si Marissa ang kaniyang anak. Dahil sa maaga niyang pagbubuntis, kahit pa lingid sa kagustuhan niya at ng kaniyang mga magulang, napilitan siyang pansamantalang tumigil sa pag-aaral upang labis na mapangalagaan ang kaniyang dinadala.

Ngunit hindi pa man siya nanganganak, agad na siyang iniwan ng lalaking nakabuntis sa kaniya. Rason nito, “Ayokong masira ang buhay ko dahil sa maagang pagkakaroon ng anak. Marami pa akong pangarap sa buhay at sa pamilya ko,” na labis niyang dinamdam at ikinalungkot dahilan upang siya’y mastress at maapektuhan ang kaniyang pagdadalang tao.

Isinilang niya ang kaniyang anak ng isang buwang maaga sa takdang pagsilang niya at doon nila agad na nalaman na mahina ang puso nito dahilan upang lalo pa siyang makaramdam ng takot at kirot sa puso. Tanging tanong niya sa Diyos, “Bakit kailangan ako lahat makaramdam ng sakit na ito?”

Kaya naman, ganoon na lang ang kasiyahan niyang nang makilala ang lalaking nanliligaw sa kaniya ngayon, apat na buwan pagkatapos niyang manganak. Maunawain kasi ito at labis siyang pinapakalas sa mga hamon niya sa buhay dahilan upang gawin niya ang lahat upang huwag siya nitong bitawan.

Noong araw na ‘yon, kumpiyansado siyang walang mangyayari masama sa anak niya dahilan upang agad niya itong iwan. ‘Ika niya pa, “Darating naman agad si mama, eh,” kaya agad siyang sumama sa naturang lalaki.

Pagkapasok na pagkapasok niya sa sasakyan ng naturang lalaki, agad na siya nitong inabutan ng bulaklak dahilan upang labis siyang kiligin at matuwa.

Wala na siyang sinayang na minuto no’n at agad na niyang sinabi sa lalaking iyon na sila’y umalis na dahil baka maabutan pa sila ng kaniyang ina.

Ngunit wala pa man sila sa Tagaytay, sandamakmak na tawag na ang natanggap niya mula sa kaniyang ina dahilan upang labis siyang mainis dito.

Nang muli itong tumawag, agad na niya itong sinagot at sinabing, “Ano ba, mama, ayaw mo ba akong maging masaya?”

“Gusto kitang maging masaya, anak, pero dahil sa kagustuhan mong ‘yan, wala na ang anak mo!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang labis siyang manlambot.

“A-anong ibig mong sabihin, mama?” uutal-utal niyang tanong.

“Pagkaalis mo, nagising ang anak mo at naitulak ang oxygen na nakakabit sa ilong niya. Pagdating ko rito, matigas na siya, anak! Hindi mo pala siya binilin sa mga nars dito!” iyak ng kaniyang ina dahilan upang tuluyan niyang mabitawan ang hawak na selpon at mapaiyak na lamang.

Agad siyang hinatid muli sa ospital ng naturang lalaki at doon niya nakitang iyak nang iyak ang ina niya habang karga-karga ang anak niyang napabayaan niya.

Doon niya labis na napagtantong nasayang niya ang buhay ng kaniyang anak dahil lamang sa pansariling kagustuhan. “Kung hindi lang sana ako nasabik na umalis, edi sana, buhay ka pa,” hagulgol niya habang yakap-yakap ang kaniyang anak na iniabot ng kaniyang ina.

Advertisement