Inday TrendingInday Trending
Hindi Inasikaso ng Dalagang ito ang Mukhang Mahirap na Kustomer, Ito ang Nagpawala sa Minamahal Niyang Trabaho

Hindi Inasikaso ng Dalagang ito ang Mukhang Mahirap na Kustomer, Ito ang Nagpawala sa Minamahal Niyang Trabaho

“Gina, wala ka namang ginagawa, hindi ba? Ikaw na nga ang mag-assist do’n sa babaeng ‘yon,” nakasimangot na sambit ni Laura sa kaniyang katrabaho, isang araw nang mabugnot na siya sa kakasunod sa isang babaeng nagtitingin-tingin sa pinagtatrabahuhan niyang tindahan ng mga alahas.

“Bakit, may gagawin ka ba?” pang-uusisa ng kaniyang katrabaho habang nagbibigay ng mga flyers sa mga taong dumadaan.

“Wala naman, naiinis na kasi ako sa babaeng ‘yon, eh, mag-iisang oras na akong pasunod-sunod sa kaniya at nagpapaliwanag ng kung saan gawa ang mga alahas na tinuturo niya pero hanggang ngayon wala pa ring napipili! reklamo niya pa habang pilit na kinuha ang hawak na mga flyers ng katrabaho.

“Naku, magtiyaga ka lang, sigurado ako bibili ‘yan,” payo nito sa kaniya habang siya’y bahagyang tinutulak papasok.

“Nahihibang ka na ba? Nakita mo ba ang itsura ng babaeng ‘yon? Halatang walang pera! Gusot-gusot na ang damit, ang dumi-dumi pa ng mga kuko! Dali na, ikaw na ang sumama sa ro’n, nasusuka lang ako sa malansang amoy niya, eh!” bulyaw niya pa dahilan upang agad siyang pagbigyan nito.

“Sige na nga, o, ikaw na ang bahala sa pagbibigay ng mga ito. Pasensyahan tayo kapag bumili ‘to, ha? Akin ang porsyento!” pabiro nitong sambit. “Asa ka!” sagot niya saka umirap.

Isang saleslady sa isang mamahaling kumpaniya ng mga alahas ang dalagang si Laura. Siya ang pinaka may mabangong pangalan sa lahat ng kaniyang mga katrabaho sa kanilang boss dahil halos araw-araw, nakakapagbenta siya ng mga mamahaling alahas.

Dahil sa galing niya sa pagsasalita at sa pagiging masayahin, madali niyang nakukuha ang kiliti ng mga mayayamang mamimili upang bumili ng tinitinda nilang mga alahas.

Ito ang dahilan upang sa loob ng halos isang taon niyang pagtatrabaho rito, agad na niyang mapagawa ang kanilang bahay. Kada may maibebenta kasing alahas, may makukuha silang porsiyento bukod pa sa kanilang sahod dahilan upang ganoon na lang siya makaipon.

Ang teknik niya kasi, kapag alam niyang hindi bibili ang taong papasok sa kanilang tindahan, agad niya itong ipapasa sa ibang katrabaho upang makapag-abang muli ng taong maaari niyang makausap na siguradong bibili dahilan upang ang ibang katrabaho niya, magtanim na ng sama ng loob sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, pinuntirya niyang utuin ang pinakamabait niyang katrabaho. Tulad ng nais niya, napapayag niya itong sambutin ang babaeng nasa loob ng kanilang tindahan na pakiwari niya, wala namang balak na bumili ng alahas.

Ilang oras pa ang lumipas, napansin niyang hindi pa rin nalabas ang babaeng pinasa niya sa kaniyang katrabaho dahilan upang hanapin na niya ito sa iba niya pang katrabaho.

“Nasaan na ‘yong babaeng inaasikaso ni Gina? Nakalabas na ba?” pang-uusisa niya sa katrabahong palakad-lakad.

“Naku, Laura, sayang binitawan mo ‘yon! Ayon, nasa VIP room na natin dahil nais bilhin ang pinakamahal nating alahas! Panigurado, ang laki ng porsiyento ni Gina ro’n!” nguso nito dahilan upang agad siyang nagtungo sa silid na tinutukoy nito.

Nadatnan niyang ando’n na ang kanilang manager pati na ang katrabaho niyang si Gina at tila’y nagkakapirmahan na ng kontrata at mga resibo.

“Teka, ma’am, ako po ang nag-aasikaso r’yan kay madam,” sambit niya sa kanilang manager dahilan upang mapakunot ang noo ng kaniyang katrabaho.

“Hindi ba’t pinasa mo si ma’am sa akin?” sabat ni Gina na ikinainis niya.

“Sabi ko sa’yo, sasaglit lang ako sa banyo, bantayan mo muna si madam!” paggawa niya ng kwento.

Sasagot pa lang sana ang kaniyang katrabaho, bigla nang nakisabat ang naturang babae.

“Siya ang nagpakilala sa akin sa pinakamahal na alahas na ito. Narinig ko ring pinasa mo ako sa kaniya dahil pakiwari mo, hindi naman ako bibili. Nakakatuwa nga’t kahit ganito ang itsura ko, matiyaga niya pa rin akong inasikaso at pinaliwagan. Hindi katulad mo na binitawan ako kasi ganito ang itsura ko,” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

Labis na kahihiyan ang naramdaman niya noong mga oras na ‘yon. Dahil bukod sa napahiya siya sa sinabi ng ginang, narinig pa ito ng pinakamataas sa kanilang kumpanya na kakarating lamang upang ibigay ang alahas na nais nitong bilhin ng naturang customer.

Agad itong humingi ng paumanhin sa babae at siya’y binulungan, “Lumabas ka na rito, mamaya tayo mag-usap sa opisina ko. Asahan mo na ang pagkawala ng trabaho mo,” dahilan upang labis siyang manlambot at magsisi sa kaniyang pagiging sakim at mapanghusga.

Advertisement