Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakinig ang Babaeng Ito sa Babala ng Kaniyang Ina, Trahedya Tuloy ang Inabot ng Kaniyang Pamilya

Hindi Nakinig ang Babaeng Ito sa Babala ng Kaniyang Ina, Trahedya Tuloy ang Inabot ng Kaniyang Pamilya

“Huwag na muna kaya kayo umalis ngayon, Arly? Medyo masama ang panahon, eh, baka kung mapaano pa kayo sa daan. Kasama niyo pa ang anak niyo, mas lalong nakakapag-alala,” payo ni Bina sa kaniyang anak nang makita itong nag-aayos ng sarili sa silid nilang mag-asawa, isang maulang umaga bago ito umalis kasama ang kaniyang pamilya.

“Naku, mama, ayan ka na naman sa mga negatibo mong pag-iisip. Nakakotse naman kami at ang asawa ko ang magmamaneho kaya wala kang dapat ikapag-alala,” sagot ni Arly habang nagmamadaling maglagay ng lipstick sa kaniyang labi.

“Kahit na, anak, hindi mo pa rin masabi ang buhay. Ano ba naman ‘yong ipagpabukas niyo ang lakad niyo? Eh, hindi naman importante ang pupuntahan niyo, nais mo lang naman na makita ang hamog sa Tagaytay,” sambit pa nito dahilan upang siya’y mainis na.

“Importante ‘tong lakad na ‘to, mama, family bonding na namin ‘to. Pwede bang sa pamilya ko, huwag ka na mangialam? Nakakainis na kasi, mama, sa totoo lang,” inis niyang wika rito saka agad na binuhat ang kaniyang anak na naglalaro sa sahig, “Alis na kami,” tipid niyang paalam saka tuluyang nilisan ang nakatungong ina sa loob ng kanilang silid.

Kahit na may asawa na ang ginang na si Arly, kasama niya pa rin sa kaniyang sariling bahay ang kaniyang ina. Sa kanilang magkakapatid kasi, siya lamang ang nasa Pilipinas dahilan upang kupkupin niya ang tumatanda na nilang ina at siya ang mag-alaga at magpakain dito.

Naging magaan naman para sa kaniya ang buhay kasama ang ina sa bahay. Bukod sa ito na ang siyang gumagawa ng gawaing bahay sa tuwing siya’y nasa trabaho, ito pa ang nag-aalaga sa kaniyang anak sa tuwing siya’y umaalis o kapag silang mag-asawa ay lalabas upang kumain.

Ngunit, hindi nagtagal, tila nakaramdam na siya ng inis sa kaniyang ina. Lalo na’t tuwing ito’y nakikisali o nangingialam sa mga gagawin at desisyon nilang mag-asawa.

Sa katunayan, sa tuwing sila’y aalis at medyo masama ang panahon, palagi sila nitong pinipigilan. May mga pagkakataong sinusunod niya ang ina ngunit madalas, kung hindi niya ito tinatakasan upang huwag nang mag-alala at mangialam, sinisigawan niya ito at sinasabihan ng masasakit na salita upang hayaan na silang mag-asawang magdesisyon sa buhay ng kanilang pamilya.

Katulad na lamang noong araw na ‘yon, kahit pa alam niyang mag-aalala ang kaniyang ina sa kanilang pag-alis, tinuloy niya pa rin sa kagustuhan niyang makita ang hamog at maramdaman ang lamig sa Tagaytay.

Pati nga kaniyang asawa, ayaw na ring tumuloy noong araw na ‘yon dahil bukod nga sa naaawa ito sa kaniyang ina na maiiwang mag-isa sa kanilang bahay, lumalakas pa maigi ang ulan at tila langit na ang ayaw magpaalis sa kanila.

“Edi huwag kang sumama! Samahan mo na lang dito sa bahay si mama, kami na lang ni baby ang aalis! Marunong naman akong magmaneho, eh!” galit niyang sigaw sa kaniyang asawa dahilan upang wala itong magawa kung hindi ang ipagmaneho siya at dalhin sa nais niyang lugar, “Dahan-dahan lang ang takbo natin kung nag-aalinlangan ka,” dagdag niya pa saka na sila tuluyang umalis.

Habang nasa daan, tahimik lamang siyang nagmamasid sa bintana habang karga-karga ang dalawang taong gulang nilang anak na tulog sa dibdib niya.

Ngunit habang siya’y tahimik na nakatingin sa tanawin sa bintana ng kanilang sasakyan, laking gulat niya nang biglang may sumulpot na isang sasakyan doon at kitang-kita niya kung paano sila nito banggain.

Ginawa niya ang lahat upang maprotektahan ang kanilang anak ngunit pati siya, nawalan na ng malay at ang huling pumasok sa isip niya, ang pagpigil ng kaniyang ina sa pag-alis nilang ito.

Nagising na lang siyang nasa ospital na. Nagtamo siya ng bali sa braso dahil sa aksidenteng iyon habang nagtamo naman ng ilang sugat ang asawa niyang nakatungo sa kama kung saan siya nagpapahinga.

“Nasaan si baby?” pag-aalala niya.

“Hinehele ng mama mo sa labas. Pagkagising ko nga kanina, siya pa ang naggagamot ng sugat ko,” sagot nito habang inaalalayan siyang maupo, “Mabuti na lang talaga at hindi siya nasaktan,” dagdag pa nito saka niya tinanaw mula sa bukas na pintuan ang ina niyang mahigpit na yakap-yakap ang kaniyang anak.

Doon niya labis na napagtantong walang ibang gusto ang kaniyang ina kung hindi ang kaligtasan ng kaniyang buong pamilya. Dahil ang asawa at anak niya’y tinuturing na rin nitong sariling pamilya.

Advertisement