Inday TrendingInday Trending
Agad na Nahulog ang Loob at Nagtiwala ang Dalaga sa Binatang Nakilala Online; Siya Na Ba ang Lalaking Nakatadhana Para sa Kaniya?

Agad na Nahulog ang Loob at Nagtiwala ang Dalaga sa Binatang Nakilala Online; Siya Na Ba ang Lalaking Nakatadhana Para sa Kaniya?

“Hoy Mae, baka mahipan ka ng hangin diyan. Ang luwag ng pagkakangiti mo diyan ah. Masayang-masaya?”

Naibaba ni Mae ang kaniyang hawak na cellphone. Nangingiti kasi siya habang binabasa ang mga dati nilang palitan ng mensahe ng chatmate na si Jonathan sa Messenger. Tatlong buwan na silang magka-chat at talaga namang hulog na hulog na si Mae dahil napaka-karinyoso kasi ni Jonathan. Walang araw na hindi ito nangungumusta sa kaniya. Kung kumain na ba. Kung nagpahinga ba siya. Kung uminom ba siya ng maraming tubig.

“Tumigil ka nga diyan, Melba. Palibhasa wala kang kausap sa cellphone eh. Makipagkilala ka nga sa online. Masaya! Marami kang makikilala. Mag-download ka ng dating app,” payo ni Mae sa katrabahong si Sally. Sila ay mga tindera sa isang maliit na grocery store sa bakuran mismo ng bahay ng may-ari nito. Kapag wala naman masyadong customer at nagawa na nila ang mga dapat gawin, maaari naman silang gumamit ng kanilang mga gadgets. Mabait naman ang kanilang boss. Sa katunayan, libre pa nga ang kanilang internet, para raw kung sakaling mainip sila.

“Hay naku Mae binabalaan lang kita ha. Payong kaibigan lang. Masaya sa kung masaya ang makipagkilala sa iba, pero maging matalino ka rin. Mag-ingat ka rin at usong-uso ang mga manloloko ngayon. Hindi lang yung mga namamangka sa dalawang ilog ang tinutukoy ko rito ha? Yung mga scammer, yung mga mapagsamantala,” paalala ni Sally sa kaniyang kasamahan at kaibigan na rin.

“Oo naman Sally. Alam ko naman ang ginagawa ko. Hindi naman ako t@nga para hindi malaman ang mga ganiyan. Siyempre tinitingnan ko rin naman ang background nila, lalo na ang mga larawan nila. Kapag mukhang matino naman at mukhang totoong tao, hindi naman siguro masama kung makikipagkilala hindi ba?” tugon naman ni Mae.

“May punto ka naman, pero siyempre, nagpapaalala lang. Maganda ka pa naman at mukhang mabait…”

“Mukhang mabait, o mukhang madaling maloko?” pangunguna ni Mae kay Sally. Nakararamdam na siya nang kaunting pagkainis sa kausap, palibhasa wala naman kasi itong pakialam sa pakikipag-date at pakikipagkilala sa mga lalaki.

“Hoy sira wala akong sinasabing ganiyan. O sige na nga, balik na ako sa trabaho ko,” saad na lamang ni Sally. halata niya kasing napipikon na si Mae kaya tinigilan na niya. Isa pa, malaki na ito at nasa hustong gulang na upang magpasya sa kaniyang buhay.

Nagkakilala sila ni Jonathan sa isang dating app na inirekomenda lang din sa kaniya ng mga kaibigan. Sa simula ay wala siyang masyadong nakaka-match, subalit nang minsang maraanan niya ang profile ni Jonathan, nakuha na nito ang kaniyang interes. Ganoon na lamang ang katuwaan niya nang mag-match sila. Hindi na siya nagpaawat pa nang magsimula na itong mangumusta sa kaniya, hanggang sa humaba na nang humaba ang kanilang mga pag-uusap.

Batay sa mga larawan nito sa social mediaa, mukha namang matino si Jonathan kaya nakumbinsi siya na wala itong gagawing masama sa kaniya.

Isang araw, nag-ayang makipagkita si Jonathan. Sa isang mall sa Pasay. Pumayag si Mae. Talagang pinaghandaan niya ito. Nagparebond siya ng buhok. Tiniyak niyang bago ang kaniyang damit, at nagpahid siya ng make-up at lipstick na madalang niyang gawin.

Napanganga siya nang makita si Jonathan sa personal. Guwapo at matangkad ito. Mabango pa. Muntik na nga siyang mailang. Parang hindi siya bagay rito.

Matapos ang ilang mga pag-uusap, makikitang tawa nang tawa si Mae. Mas kuwela pala si Jonathan sa personal. Maya-maya, hindi niya inaasahan ang tanong nito.

“Gusto mo bang kumain ng sisig?” diretso sa mga matang tanong nito.

“Ay oo naman! Paborito ko ang sisig. Sige ba…” saad naman ni Mae. Paborito naman niya talaga ang sisig. Ngumiti naman si Jonathan at inaya siya nito na magsisig. Sumama naman si Mae. Lumabas sila ng mall at nagtungo sa taxi bay.

Subalit ang pinuntahan pala nila ay isang motel sa Sta. Mesa.

“Bakit dito tayo?” tanong ni Mae. Hindi rin niya alam kung bakit siya napapayag ni Jonathan na pumasok sa loob ng motel. Ang totoo niyan, ito ang unang beses na pumasok siya sa ganoong uri ng kuwarto.

“Sabi mo gusto mong magsisig?” nakangising sabi ni Jonathan. Tumawag ito sa telepono at may kinausap. Narinig niya ang salitang “sisig” kaya nakampante naman si Mae, bagama’t nakararamdam na siya nang kaunting kaba.

Ilang minuto lamang, kumatok ang bellboy dala ang isang tray na kinalalagyan ng dalawang platong nakabalot ng plastik, at isang kulay-pilak na pitsel na naglalaman ng malamig na tubig. Matapos mabayaran ni Jonathan, dinala nito ang tray sa kaniya.

“Sabi ko sa iyo kakain tayo ng sisig eh,” nakangiting sabi ni Jonathan. Ngumiti naman si Mae. Masyadong lumilipad ang kaniyang imahinasyon. Baka nga talagang masarap ang sisig sa motel na iyon.

Ilang subuan lamang sa sisig, nakaramdam ng pagkahilo si Mae. Maya-maya, para na siyang nauupos na kandila. Hindi na siya makagalaw.

“A-anong n-nangyayari s-sa akin…”

Maya-maya, kitang-kita ni Mae na nagtungo sa pinto ng kanilang inuupahang kuwarto si Jonathan. Sumungaw ito sa labas, parang may tinawag. Pumasok ang dalawang malalaking lalaki: mga Iranian.

“Here’s the girl… enjoy…”

Kahit na nanghihina, pinilit ni Mae na huwag mapapikit. Nakita niyang nagtatanggal ng mga damit pang-itaas ang dalawang banyaga, nakangising nakatingin sa kaniyang katawan. Inihanda niya ang kaniyang sarili. Kailangan niyang makatayo. Paglapit ng dalawa, agad siyang tumayo at mabilis na kinuha ang dalawang pinggang pinaglagyan ng pagkain at pinukpok sa ulo ang dalawa.

“Ano’ng ginawa mo?!”

Hindi na nakahuma pa si Jonathan dahil mabilis na nakuha ni Mae ang pitsel na naglalaman pa ng tubig at ubod-lakas na ipinukpok sa mukha nito.

“Hayop! Baboy ka!”

Mabilis na naipihit ni Mae ang seradura ng pinto, at bago pa siya madaklot sa paa ni Jonathan, nakatakbo na siya palayo. Nagkataon namang nagroronda ang security guard ng motel kaya nakahingi ng tulong si Mae. Sa tulong ng mga security personnel, nasakote si Jonathan at ang dalawang Iranian.

Napag-alamang si Jonathan pala ay isang manggagantso. Naghahanap siya ng mga babae sa social media na hindi mga bayarang babae upang ilako sa dalawang hayok na Iranian, at binabayaran siya nito nang malaking halaga. Naisapubliko ito sa pamamagitan ng media. Marami sa mga nabiktimang babae nito ang lumutang kaya nagkapatong-patong ang kaso ni Jonathan. Matapos ang pagdinig sa korte, napiit si Jonathan.

Nagsilbing aral pa raw kay Mae ang mga pangyayari. Tama ang paalala ni Sally. Hindi sapat na pagbatayan ang damdamin upang agad na magtiwala sa isang tao. Kailangang kilalanin muna itong maigi bago ibigay ang buong pagtitiwala, lalo na sa mga taong hindi pa lubos na kakilala.

Advertisement