Pinalayas ang Binatang Itim na Tupa Raw sa Pamilya; Nang Magkasakit ang Ama ay Makikita ang Tunay na Anyo ng mga Anak Niya

“Lumayas ka sa pamamahay na ‘to! Wala akong anak na katulad mo!” halos maputol ang litid na sigaw ni Eduardo sa kaniyang anak na si Ely. 

“Pa, maniwala naman kayo sa akin. Hindi po ako ang gumawa no’n sa kaklase ko. Maniwala naman kayo sa akin. Ni hindi rin ako ang nagnakaw ng sasakyan ng guro ko. Napagbintangan lang po ako,” pilit na pagpapaliwanag ni Ely sa kaniyang ama. 

“Wala ka nang dinala sa pamilyang ito kung hindi puro kahihiyan. Hindi ka tumulad sa kuya mo na puro parangal ang iniuuwi sa amin ng mama mo. Hindi ko alam kung saan kami nagkamali sa pagpapalaki sa’yo. Ibinigay naman namin lahat sa inyong magkapatid, bakit lumaki kang walang hiya!” patuloy sa pagsigaw ang ama. 

“Parang awa mo na, pa. Makinig ka naman sa akin. Maniwala ka, napagbintangan lang ako. Kasali nga ako sa grupong iyon pero hindi ako kasali sa gumawa ng bagay na ibinibintang nila sa akin. Pa, parang awa mo na! Wala akong mapupuntahan!” pagmamakaawa ng binata. 

Ngunit buo na ang loob ng kaniyang ama na palayasin ang kaniyang bunsong anak.

Bata pa lamang si Ely ay kinakikitaan na ito ng tigas ng ulo. Mahirap itong pakiusapan at madalas ay ginagawa nito ang kaniyang gusto. Malaki ang pagkakaiba ng kanilang ugali ng kaniyang Kuya Nathan. Bukod kasi sa mabait at masunurin ang kaniyang kuya ay magaling din ito sa eskwela. Sikat ito sa paaralan dahil sa taglay nitong talino.

Samantalang si Ely ay sikat rin sa eskwela dahil sa dami ng gulo na nakasangkutan nito. Madalas ding ipatawag ang kaniyang mga magulang ng kaniyang mga guro dahil sa mga maling nagagawa nito sa eskwela. 

Nang magbinata ay napasama ito sa isang gang. May isang beses pa nga na kinailangang magbayad ng malaki ng kaniyang mga magulang para sa isang danyos na nagawa nito. Kaya ganoon na lamang ang galit ng kaniyang amang si Eduardo na sa pagkakataong ito ay sa presinto na talaga niya natagpuan ang anak. 

Advertisement

Dahil sa tingin ng ama ay wala nang pag-asang magbago ang anak at puro sakit na lamang ng ulo at kahihiyan ang kaya nitong dalhin sa kanilang pamilya ay mas pinili na lamang niyang palayasin ito. Sawa na siya sa lahat ng kaguluhang kinakasangkutan nito. Sa pagkakataong ito ay wala na siyang pakialam sa kahit anong kahahantungan ng anak. 

“Bakit mo ginawa sa anak mo ang bagay na iyon? Mas higit niyang kailangan niya ngayon ng gabay natin,” pagtangis ng ina ni Ely na si Melinda.

“Pabayaan mong humandusay sa kalsada ang anak mong ‘yan. Hindi ba ay iyon naman talaga ang gusto niya? Wala nang dinala sa atin kung hindi gulo. Dinudungisan niya ang pangalan ng pamilya natin,” tugon ni Eduardo.

“Tingnan mo si Nathan, maayos siyang anak. Parehas naman ang paraan ang pagpapalaki natin sa kanila. Sadyang matigas lang talaga ang ulo niyang si Ely. Wala kang mapapala sa batang iyan kung hindi sakit ng ulo!” dagdag pa ng haligi ng tahanan. 

Lumipas ang panahon at hindi pa rin nakakauwi ng kanilang tahanan si Ely.

“Galit pa rin ang papa mo. Pilit ko pa rin siyang kinakausap ngunit matigas pa rin siya,” saad ni Melinda sa anak na kausap sa telepono.

“Nabalitaan kong naging top notcher daw ang Kuya Nathan sa board. Pakisabi ay binabati ko siya. Masaya ako para sa kaniya,” wika ni Ely.

Ang hindi alam ng kaniyang pamilya ay nakatanaw si Ely mula sa labas ng restawran na pinagdadausan ng pagdiriwang para sa tagumpay ng kaniyang kuya. Kitang-kita niya kung paano ipagmalaki ng kaniyang ama ang nakatatandang kapatid. Binigyan din ito ng bagong kotse bilang regalo.

Advertisement

Tuluyan nang hindi nagparamdam si Ely sa kaniyang pamilya. Nangako siya sa kaniyang sarili na magpapakita lamang ulit kapag may napatunayan na siya sa kaniyang sarili. Pilit siyang nagbago. Bumangon siyang muli. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Makalipas ang dalawang taon ay tuluyan na rin siyang nakapagtapos ng pag-aaral. Masaya sana siyang babalik sa kanilang tahanan ngunit isang masamang balita ang nakarating sa binata. Nagkaroon daw ng matinding karamdaman ang kaniyang ama at ang kaniyang ina nama’y may iniinda din sa kaniyang katawan kaya hindi nito kayang alagaan ang asawa.

Agad siyang umuwi sa kanilang bahay upang tingnan ang kalagayan ng mga magulang. Doon ay nakita niyang pinabayaan na lamang basta ng kaniyang Kuya Nathan ang mga ito. Habang namumuhay ng marangya ang nakatatandang kapatid ay nag-aabot lamang ito ng pantustos paminsan-minsan sa kaniyang mga magulang. Ni hindi na rin nagawa nitong dalawin ang ama at ina. 

Ikinalungkot masyado ni Ely ang sinapit ng kaniyang mga magulang. Lalo hindi niya matanggap na ang anak na ipinagmamalaki nila noon ay wala palang magiging pakialam sa kanilang kalagayan ngayon.

“Narito na po ako, ma, pa,” sambit niya sa mga magulang.

Tila lumiwanag ang mukha ng ina nang makita niya ang anak na matagal nang nawalay sa kanila. 

“Kay tagal ka naming hinanap, anak. Lubusang nagsisisi ang papa mo sa nagawa niya sa’yo lalo na ng malaman niyang nagsasabi ka ng totoo,” saad ng ina habang hinahagkan ang anak.

“Hindi ko na po kayo iiwan. Ako na po ang mag-aalaga sa inyo mama at papa,” umiiyak nitong sambit.

Advertisement

“Papa, natupad ko na po ang nais niyo. P’wede nyo na po akong ipagmalaki ngayon. Alam ko na po ang lahat ng pagkakamali ko at pilit ko po itong itinuwid. Nakatapos na rin po ako ng pag-aaral nang may karangalan. Lahat ng ito po ay inaalay ko sa inyo. Patawarin nyo po ako sa lahat ng sama ng loob na naidulot ko sa pamilyang ito,” patuloy sa pagluha ang binata. 

Napaluha na lamang din ang ama sa lubusang pagngungulila sa kaniyang anak.

“Patawarin mo ako kung hindi ako nagtiwala sa iyo. Patawad kung hindi ako naging magulang sa iyo sa mga panahon higit mo akong kailangan. Anak, patawad sa lahat. Gusto kong malaman mo na sa loob ng puso ko ay ipinagmamalaki kita. Mahal na mahal ka namin ng mama mo,” sambit ng ama.

Natapos ng mga sandaling iyon ang pangungulila nila sa bawat isa. Tuluyan nang nakauwi ng bahay si Ely at tinupad niya ang kaniyang pangako na aalagaan ang mga magulang. Hinding-hindi umalis si Ely sa tabi ng mga ito at walang sawa niyang binuno ang mga sandaling hindi sila magkakasama.