
Nagtampo Siya Dahil sa Regalo na Iniwan ng Kaniyang Lola; May Nakakaiyak na Dahilan Pala Ito
Naalimpungatan si Vana nang marinig ang ingay sa kanilang bahay. Nang sumulyap siya sa orasan na nakapatong sa mesita ay kumunot ang noo niya nang mapansing mag-aalas tres pa lamang.
“Sino namang mag-iingay nang ganitong oras?” iritadong bulong ni Vana bago lumabas ng kwarto upang usisain ang nangyayari.
Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib nang makitang humahagulhol ang kaniyang ina habang yakap ito ng kaniyang ama.
“Pa… may nangyari po ba?” lakas loob usisa ni Vana kahit tila tinatambol ang kaniyang dibdib.
Gulat na napalingon ang kaniyang mga magulang sa kinatatayuan ng dalagita.
“Anak, bakit gising ka na? Matulog ka pa, maaga pa,” wika ng ama ni Vana.
Hindi natinag ang dalagita. Sigurado siya na may nangyari, ngunit hindi siya sigurado kung bakit ayaw iyon sabihin ng kaniyang magulang sa kaniya.
Tumayo ang ina ni Vana na mugtong-mugto ang mata. Niyakap ang anak bago sinabi ang mga katagang nagpaguho sa mundo niya. “Wala na ang lola mo, anak.”
Tila bombang sumabog sa pandinig ni Vana ang masamang balita. Agad na nanlambot ang kaniyang tuhod, dahilan upang mapaupo siya sa sahig.
“P-pero bakit po, ‘ma? Nung dinalaw natin siya kahapon sa ospital, ang sabi ng doktor ay malapit na po siyang makalabas, hindi po ba?” Nagsimula nang tumulo ang masaganang luha sa mga mga mata ng dalagita.
“Ang sabi ay inatake raw sa puso ang lola mo, at wala na silang nagawa para iligtas siya,” umiiyak na wika ng kaniyang ina. Pati ito ay hindi makapaniwala na wala na ang nanay nito.
Napahagulhol na lamang si Vana sa sinabi ng ina. Tumakbo siya sa kaniyang kwarto upang iiyak ang pagdadalamhating nararamdaman.
Kinandado ni Vana ang pinto ng kaniyang kwarto bago sumampa sa kama at nagtalukbong, kagaya ng ginagawa niya kapag masama ang loob niya sa kaniyang mga magulang.
Ang kaibahan lang ngayon ay wala na ang kaniyang lola na nag-iisang kakampi at karamay niya.
“Lola, hindi ko po kaya nang mag-isa. Bakit niyo po ako iniwan? Sino na lang ang kakampi ko?” Bigong wika ni Vana habang tahimik na nagluluksa.
Walang makapapantay sa sakit na nararamdaman ni Vana dahil sa pagkawala ng kaniyang lola. Mula pagkabata ay ito ang nag-iisang kasangga niya.
Tatlo silang magkakapatid. Ang kaniyang Ate Fatima, na paborito ng kanilang ina at si Dennis, na paborito ng kanilang ama.
Sa kanilang magkakapatid, siya ang pinakamalayo ang loob sa kanilang mga magulang ngunit hindi niya minsan naramdaman na walang nagmamahal sa kaniya dahil sa kaniyang lola. Ang kaniyang pinakamamahal na Lola Rosa.
Ngunit wala na ito. Nag-iisa na lamang siya. Muling tumulo ang kaniyang luha nang mapagtanto na wala na ang kaniyang kakampi. Sa sobrang pag-iyak ay hindi namalayan ni Vana na muli siyang nakatulog.
Tirik na ang araw nang magising si Vana. Naabutan niyang abala ang kanilang pamilya dahil sa kanilang bahay ibuburol ang kaniyang Lola Rosa.
Hindi umalis si Vana sa tabi ng kaniyang lola. Lagi lamang siyang nakatunghay sa kabaong na kinalalagakan ng matanda.
Sinulit niya ang mga huling pagkakataon na makita ang mukha ng kaniyang pinakamamahal na lola.
Matulin na lumipas ang isang linggo. Ayaw man ni Vana, dumating na ang araw na kailangan niyang magpaalam sa kaniyang lola.
Bumuhos ang luha ng dalagita nang makitang tinatabunan ng lupa ang kabaong ng kaniyang lola.
“Lola!” Malakas na panaghoy ng dalagita na sinabayan ng malakas na ulan.
Awang-awa naman ang mga kapamilya ni Shelly sa dalagita. Alam kasi ng mga ito kung gaano kamahal ni Shelly ang kaniyang lola.
Nang makauwi sa bahay ay mas lalong nakaramdam ng kahungkagan si Shelly. Mas lalo niyang naramdaman na tunay na wala na ang kaniyang lola.
“Shelly! Fatima! Dennis! Pumunta nga kayo dito sa sala. Mukhang may iniwan na regalo sa inyo ang Lola Rosa niyo!” Narinig niyang sigaw ng kaniyang ina.
Dail-dali namang pumunta si Shelly sa sala.
Isang regalo ang iniabot ng kaniyang ina.
“Wow!” Halos magkapanabay na wika ng kaniyang dalawang kapatid.
Nang lingunin niya ay pawang nanlalaki ang mata ng mga ito. Isang mamahaling relong pambisig kasi ang iniwan ng kaniyang lola kay Dennis, habang isang magandang pulseras naman ang sa kaniyang Ate Fatima.
Nang buksan niya ang regalo ay kumunot ang kaniyang noo nang makitang isang simpleng jacket ang regalo ng kaniyang lola, malayo sa mamahaling regalo na iniwan nito sa kaniyang mga kapatid.
Bahagya pang nagtampo si Shelly dahil mas mamahalin ang regalo ng kaniyang lola sa mga kapatid kesa sa regalo nito sa kaniya.
Maging ang kaniyang ina ay binalot ng pagtataka. Alam kasi nito na siya ang pinakamalapit sa kaniyang lola.
Nang sumapit ang gabi ay nagmukmok si Shelly sa kaniyang kwarto habang naririnig ang malakas na halakhakan ng kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Sa pag-iisa ay nakaramdam ng panlalamig si Shelly kaya naman naalala niya ang jacket na ibinigay ng kaniyang lola.
Nangilid ang kaniyang luha nang maramdaman ang tila mainit na yakap ng kaniyang lola nang maisuot ang jacket.
Nang isilid niya ang kaniyang nanlalamig na kamay sa bulsa ng jacket ay natigilan siya. May nakapa kasi siyang papel.
Napagtanto niya na isa pala itong liham mula sa kaniyang lola.
Kumakabog ang dibdib na binasa niya ang liham na iniwan ng kaniyang lola.
Mahal kong Shelly,
Sana nagustuhan mo ang regalo ko, nag-iisa lang ang jacket na ‘yan na ginawa ko para sa ‘yo. Sa tuwing nalulungkot ka dahil wala na ako, isuot mo ang jacket na ‘yan, at parang naramdaman mo na rin ang yakap ko. Mahal na mahal kita, Shelly, ingatan mo ang iyong sarili.
Lola Rosa
Napahikbi si Shelly. Napahiya na nagdamdam sa lola dahil sa regalo nito. Bagamat simple ang regalo ng kaniyang lola ay napaluha siya sa dahilan nito. Niyakap niya nang mahigpit ang sulat na galing sa lola.
“Mahal na mahal din kita, lola, at gustong-gusto ko po ang regalo mo…” bulong niya sa hangin.