
Binilinan ng Kapatid ang Dalagang Ito na Huwag Munang Mag-aasawa, Kabaliktaran Nito ang Kaniyang Nagawa
“Mina, mag-aral kang maigi, ha? Huwag ka munang mag-aasawa, unahin mo muna sila mama, ha? Huwag mo akong gayahin, kita mo, hindi na nakapagtapos ng pag-aaral, nag-asawa pa ako ng maaga. Tandaan mo, ang pag-aasawa, makakapaghintay, ang mga magulang natin, kaunti na lang ang buhay,” pangaral ni Wendy sa kaniyang bunsong kapatid, isang araw habang ibinababa nila ang kaniyang mga gamit mula sa sasakyan sa tapat ng airport, araw na ng kaniyang pagbalik sa abroad.
“Opo naman, ate, lalo na ngayong binigyan mo ako ng pagkakataon na makapag-aral sa pangarap kong unibersidad, hinding-hindi ko kayo bibiguin nila mama,” magiliw na sagot ni Remi saka kumindat pa sa kaniyang kapatid.
“Dapat lang, kung hindi, mapipilitan akong tanggihan ka sa lahat ng bagay,” banta nito dahilan upang siya’y mapairap.
“Ate naman, eh, ikaw na lang ang pag-asa ko, eh,” sambit niya saka naglambing sa kaniyang kapatid.
“Kung ganoon, sundin mo ako. Pangako, makakapagtapos ka, gawin mo lang ang dapat mong gawin bilang mag-aaral,” tugon nito habang nakatingin sa kaniyang mga mata.
“Makakaasa ka, ate kong maganda! Ingat ka, ha?” paalam niya saka yumakap sa kapatid, hinalikan siya nito sa noo saka tuluyang pumasok sa airport habang siya’y walang sawang kumakaway tanda ng pamamaalam.
Bunso sa dalawang magkakapatid ang dalagang si Remi. Mahigit sampung taon man ang tanda ng kaniyang kapatid sa kaniya, hindi ito naging dahilan upang sila’y magkasundo. Palagi siyang inaayusan nito, iginagala kung saan-saang palaruan at binibilhan ng damit sa tuwing may sobra sa baon nito kaya ganoon na lang siya napamahal dito.
Hindi niya alam, noong mga panahong iyon pala, naglilihi na ang kaniyang ate. Nalaman na lang nila ito nang bumilog na ang tiyan nito’t hindi na matago. Labis ang galit ang kanilang magulang noong mga panahong iyon ngunit kahit pa ganoon, hindi naman kalaunan, natanggap na ito ng kanilang mga magulang at sinuportahan na lang ang kaniyang ate na ngayo’y ang buong pamilya’y nasa ibang bansa na.
Kahit pa naging maganda ang buhay ng kaniyang ate sa kabila ng maagang pag-aasawa nito, ipinangako niya sa sariling hindi niya susundan ang yapak nito dahil sa hirap na dinanas nito.
Matagumpay ngang nakapasok sa pangarap niyang unibersidad si Remi. Lahat pa ng kaniyang gamit, simula sa bag hanggang sa uniporme’t sapatos, bago at nangingintab pa dahilan upang labis siyang ganahang mag-aral.
Ngunit lumipas lang ang ilang buwan, bigla siyang tinamad mag-aral dahil sa barkadang nasamahan niya. Palagi silang umiinom at hindi pumapasok sa klase at doon na nga siya nadisgrasya ng isa sa kaniyang mga tropa.
Nang malaman niyang siya’y nagdadalantao nga, hindi niya malaman ang gagawin dahilan upang ipaalam niya ito sa lalaking nakabuntis sa kaniya.
Ngunit imbis na siya’y mapakalma nito, lalo pa siyang nakaramdam ng depresyon nang marinig ang sinabi nito, “Ipalaglag mo ‘yan, lasing lang tayo kaya natin nagawa ‘yon, pero hindi kita mahal at ayokong magkapamilya sa’yo,” na taliwas sa kaniyang nais at nararamdaman.
Ilang buwan pa ang nakalipas, napansin na ng kaniyang ina ang pagbabago sa kaniyang katawan at pag-uugali dahilan upang komprontahin na siya nito.
“Huwag mong sabihing buntis ka, Remi?” tanong nito nang makita siyang sumusuka sa kanilang likod bahay.
“Ma-mama,” tanging ika niya saka na siya napaupo’t humagulgol. Napailing na lang ang kaniyang ina’t niyakap siya. Ayaw man niyang ipaalam ito sa kaniyang ate dahil siguradong papatigilin siya nito sa pag-aaral, sinabi pa rin ito ng kaniyang ina.
“Hanggang kailan mo balak itago sa kaniya? Mas magagalit ‘yon sa’yo kung itatago mo pa,” sambit ng kaniyang ina saka tinawagan ang kaniyang kapatid. Narinig niyang bigla na lang itong humagulgol nang malamang siya’y nagdadalang-tao na.
“Remi, naman! Bakit ginaya mo pa si ate!” paulit-ulit na sigaw nito habang gumagaralgal ang boses dahilan upang lalo siyang humagulgol.
At dahil nga hindi niya natupad ang pangako niya sa kaniyang ate, pinatigil siya nito sa pag-aaral na buong puso naman niyang tinanggap. Labis man siyang nagsisi sa ginawang kamalian, wala na siyang magawa kung hindi ang lumaban sa buhay. Wala man siyang natanggap na pera mula sa ate simula noon, natuto siyang kumayod mag-isa para sa nalalapit niyang panganganak.
Ilang buwan pa ang lumipas, matagumpay na nga siyang nanganak, masakit at mahirap man ang pinagdaanan niya, siya’y natuto naman.
Ganoon na lang din ang sayang naramdaman niya nang makita ang kaniyang anak at ang kaniyang ate na masayang naglalaro, isang taon ang lumipas.
“Wala, eh, ikaw pa rin talaga ang baby ko, Remi, Hindi kita matiis,” hikbi nito saka inabot ang sanggol sa kaniya’t niyakap siya.
Sa kabila ng pagsuway ni Remi sa kaniyang ate, napatawad pa rin siya nito at sila’y tuluyan na ngang nagkaayos. Katunayan ay naging mas malapit pa nga ang dalawa dahil sa kaniyang anak. Naging magkasanggang muli ang magkapatid sa pagharap sa mga suliranin ng buhay.