
Nanghihina na ang Kasintahan ng Dalagang Ito, Matuloy Pa Rin Kaya ang Pinapangarap Nilang Kasal?
“Mahal ko, ‘pag nawala na ako sa mundong ito, gusto ko tuparin mo pa rin yung pangarap nating kasal, pamilya at bahay, ha? Kahit sa ibang lalaki pa, gusto kong maging masaya ka,” malumanay sa sambit ni Noel, habang pisil-pisil ang kamay ng nobyang nakahiga sa kaniyang tabi.
“Ano ba ‘yang sinasabi mo, Noel? Huwag ka ngang magsalita nang ganyan. Gagaling ka at ikaw ang makakasama ko habang-buhay,” tugon ni Jess saka bahagyang pinitik ang noo ng kasintahan.
“Gusto ko lang malaman mo na ganoon ang gusto kong mangyari sa’yo kung sakaling maaga akong kuhanin ng Diyos,” sambit pa nito na labis niyang ikinabahala dahilan upang mapaupo siya’t iharap sa kaniya ang mukha ng binata.
“Hay naku, ayokong pag-usapan ‘yang mga ganyan, Noel. Bakit hindi na lang natin balikan ang pangarap nating kasal? Pangako, paglabas natin dito sa ospital, agad-agad kitang papakasalan kahit hindi ka na mag-propose sa akin!” masigla niyang sambit dahilan upang mapatawa ang naturang binatang halatang hirap na hirap na sa mga apatong nakasaksak sa kaniyang katawan.
Sa edad na labing-limang taong gulang, pumasok na sa isang seryosong relasyon ang dalagang si Jess na labis na ikinabahala ng kaniyang mga magulang dahilan upang pagbawalan siya ng mga ito. ‘Ika ng kaniyang ama, “Bata ka pa, Jess, marami ka pang pagdadaan at makikilalang lalaki. Baka maging hadlang lang ‘yan sa pag-abot mo sa mga pangarap mo.”
Noong una’y sinunod niya nga ang kaniyang mga magulang, umiwas siya’t hindi na nakipag-usap sa naturang binata. Ngunit dahil pinapakitang paghihintay ng binata at sa labis na pagmamahal niya rito, ginawa niya ang lahat upang makuha ang basbas ng kaniyang mga magulang.
Nag-aral siyang mabuti kasabay nang palagian niyang pag-iimbita sa binata sa kanilang bahay upang makilala ito ng kaniyang mga magulang.
Pinaliwanag niya sa kaniyang mga magulang na alam niya ang limitasyon at prayoridad niya sa buhay dahilan upang hindi kalaunan, payagan na siya ng mga ito at labis na suportahan.
Sa kabutihang palad naman, matagumpay siyang nakapagtapos ng pag-aaral at naging isang ganap na abogado gaya ng kaniyang pangarap. Lahat ng ito’y naabot niya sa piling ng binatang minamahal niya.
Buong akala niya’y ayos na ang lahat dahil parehas na silang may permanenteng trabaho, may sapat na silang ipon at parehas na silang nakatulong sa kani-kanilang mga magulang, ngunit tila mapait ang nais ng tadhana sa kanila dahil bigla nilang nalamang may kans*r sa buto ang kaniyang nobyong si Noel.
Imbis na panghinaan ng loob, nilaksan niya ang kaniyang pananalig para sa kaniyang kasintahan. Nakikita man niyang hirap na hirap na ito, palagi niyang sinasabi, “Naipaglaban na kita noon, ipaglalaban pa rin kita ngayon.”
Ngunit noong araw na ‘yon, matapos niyang mapatulog ang kasintahan, bigla siyang kinausap ng doktor kasama ng mga kapamilya ng binata at sinabi sa kanila ang bagong resulta mula sa laboratoryo.
Labis siyang nanghina nang marinig na ilang araw na lang ang taning ng buhay ng kaniyang kasintahan. Hindi matiyak kung isang araw na lang o isang linggo o kahit isang buwan dahil hinang-hina na raw ang katawan ng binata.
Nagsimula nang mag-iyakan ang mga kapamilyang andoon. Imbis na ngumalngal katulad, agad siyang umuwi’t pinlano ang kanilang pangarap na kasal.
Nang makapagplano na, ipinaalam niya ito sa mga magulang niya at sa magulang ng binata. Labis mang nag-alala ang mga ito sa maaaring maging epekto sa kaniya kapag nawala na ang binata, hindi siya mapigilan ng mga ito dahilan upang suportahan at tulungan na lang siya ng mga ito.
Dalawang araw lang ang nakalipas, muli na siyang dumalaw sa ospital, suot-suot ang isang puting bestida, may hawak siyang mga bulaklak at singsing. Napangiti na lang ang kaniyang kasintahan nang siya’y masilayan.
“Napakaganda mo talaga, Jess,” mahinang sambit nito dahilan upang siya’y mapaluha.
Wala na silang sinayang na minuto’t agad na nilang sinimulan ang seremonya sa tulong ng isang pari.
Sa parteng pagbibigay ng kani-kanilang mga pangako napaluha ang lahat ng nasa silid. ‘Ika kasi ni Noel, “Mahal ko, labis akong humahanga sa katapangan mo, alam kong kahit wala na ako sa isang buwan, sa isang linggo, o kahit bukas, hindi ka susuko sa buhay mo. Sobrang saya ko na nakilala kita. Ikaw ang nagbigay buhay sa maikling pamamalagi ko rito sa mundong ibabaw. Mahal kita, at mas mamahalin kita kapag ako’y nasa langit na.”
Wala siyang maisagot sa mga sinabi ng binata kung hindi, “Mahal kita,” at mga paghikbi. Mangiyakngiyak man ang paring nangunguna sa seremonya, agad na itong nagpatuloy. Matagumpay na silang nakapagpalitan ng salitang, “I do,” at nang hahalikan na niya ang binata, bigla na lang tumunog ang aparatong konektado sa puso nito dahilan upang mataranta ang doktor at mga nars na naroon.
Wala na siyang ibang magawa kung hindi ang humagulgol lalo na nang idineklara na ng doktor na wala na ito.
“Sigurado akong hinintay niya lang na maranasang ikasal sa’yo, Jess, sobrang mahal ka niya, nakikiramay ako,” sambit ng pari saka siya niyakap.
Hindi man niya alam kung saan magsisimula, masaya siyang makitang nakangiti sa kabaong ang kaniyang kasintahan.
“Masaya akong mapasaya ka kahit sa huling pagkakataon,” bulong niya sa kabaong nito.
Makakilala man siya ng lalaking magpapatibok muli ng puso niya, sigurado siyang habambuhay niya pa ring dadalhin sa kaniyang puso ang pagmamahalan nilang mag-asawa.