Inday TrendingInday Trending
Palaging Binibiro ng Katrabaho ang Dalagang Ito, Nanlaki ang Mata Niya nang Matuklasan ang Tunay na Pagkatao Nito

Palaging Binibiro ng Katrabaho ang Dalagang Ito, Nanlaki ang Mata Niya nang Matuklasan ang Tunay na Pagkatao Nito

“Hoy, Susan, balita ko sasama ka rin sa outing bukas, ha? Naku, baka magkulay tsokolate ang pool!” bungad ni Chester sa katrabaho, isang araw nang maabutan niya itong naggagayat ng mga gulay, mukhang magsisimula na itong magluto ng mga putahe.

“Tumigil ka nga, hindi na ako natutuwa sa’yo! Ihahampas ko sa’yo ‘tong sangkalan!” banta ni Susan saka iniamba ang hawak na sangkalan, agad namang umiwas ang mapanuksong binata saka humalakhak.

“Teka, teka, naisip ko lang, kung maliligo ka pa bukas sa pool, Diyos ko, baka pag-ahon mo, hindi ka na namin makilala sa sobrang itim mo!” pang-aalaska pa nito dahilan upang mainis na siya nang tuluyan.

“Alam mo, kung alam ko lang na kasama ka bukas, sana hindi na ako nagbayad. Hindi rin naman ako sasaya kasi nandoon ka, ang pinakaperpektong tao sa buong mundo!” inis niyang sambit, bakas na sa kaniyang mukha na ano mang oras, nais na niyang bigwasan ang naturang binata. Ngunit imbis na matakot ito, lalo pa siyang iniinis nito.

“Naku, huwag mo namang ipagkalat ‘yan, negra!” patawa-tawang sambit nito, “O, paano, kita na lang tayo bukas, ha? Excited na akong makakita ng taong uling bukas!” pahabol pa nito saka mabilis na tumakbo palabas ng kusina dahilan upang lalo siyang mainis.

Tubong tabing-dagat ang dalagang si Susan. Bata pa lamang siya, madalas na siyang sumasama sa kaniyang ama upang mangisda sa laot. Hindi niya iniinda ang init ng araw at alat ng tubig dagat doon dahil ang mahalaga sa kaniya noon, sa kaniyang murang edad, ay ang makatulong sa kaniyang pamilya.

May mga araw na hindi siya nakakasama sa laot dahil nga siya’y pumapasok pa noon sa elementarya, ngunit pagkatapos naman ng kaniyang klase, agad na siyang umuuwi upang ilako ang mga huling isda ng kaniyang ama. Ito ang naging dahilan upang magkulay tsokolate ang kaniyang balat.

Marami mang mangutsa sa kaniyang itsura, hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang mga ito at imbis na ikahiya ang kulay, ipinagmamalaki niya pa ito. ‘Ika niya, “Ang kulay kong ‘to ay ang patunay na nagsumikap ako sa buhay. Siguro kung pinili kong mapanatili ang maputi kong balat, hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral at hindi ako magiging isang ganap na chef.”

Ngunit kahit pa ganoon ang prinsipyo niya sa buhay, hindi niya maiwasang hindi mainis kapag ang katrabaho na niyang si Chester ang nang-alaska sa kaniya. May mga araw pa ngang gusto na niya itong isahog sa pansit, nagpipigil lang siya.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang mag-ayos ng mga dadalhin niya sa kanilang outing at ilang oras pa ang lumipas, sinundo na siya ng mga katrabaho niyang babaeng nanunuluyan sa katapat lang na apartment.

Naging masaya naman siya sa kanilang outing, nag-inom sila’t naglaro sa pool at kahit pa malimit siyang biruin ng katrabahong mapanukso, hindi na niya lang ito pinapansin. ‘Ika niya, “Kung maiinis lang ako sa unggoy na ‘to, masasayang lang ang binayad ko rito!”

Nang makaramdam ng pagkagutom, agad siyang pumunta sa nirentahan nilang kubo at doon kumain mag-isa habang abalang naglalaro ang kaniyang mga katrabaho.

Maya-maya pa, may napansin siyang pitaka sa ibabaw ng lamesa, katabi ng kanilang mga pagkain at dahil hindi niya alam kung sino ang may-ari nito, binuksan niya ang pitaka upang malaman kung kaninong bag niya ito ilalagay.

Ngunit pagkabukas niya sa naturang pitaka, bumungad sa kaniya ang litrato ng dalawang batang naglalako ng isda habang nakasuot pa ng uniporme ng eskwelahan.

“A-ako ‘to, ha?” uutal-utal niyang sambit habang pinagmamasdan ang batang babae, inialis niya sa pitaka ang litrato upang malinaw na makita ang litrato. Nanlaki ang mata niya nang mapagtantong siya nga ito at ang matalik niyang kaibigang si Buboy.

Mapalundag siya sa gulat nang biglang may humablot sa kaniya ng naturang litrato.

“Oo, ako ‘to si Buboy, ang kaklase mo noon na laging tumutulong sa’yo maglako ng isda,” nakangiting sambit nito, ibang-iba sa mapanuksong binatang nakilala niya, “Gusto ko kasi palagi mo akong napapansin kaya palagi kitang tinutukso, pero, Susan, noon pa man, napakaganda mo na,” diretsahang sambit nito dahilan upang siya’y mailang at tumalon sa pool na malapit sa kanilang kubo. Napatawa na lang ang binata’t sinundan siya roon.

Ang maayos nilang pag-uusap na ‘yon ay nasundan pa nang nasundan hanggang sa sila’y tuluyan nang magkapalagayan ng loob.

Minsan talaga, kung sino pa ang labis na nagpapakulo ng dugo mo, siya pa ang makapagpapalambot ng puso mo. Isa pa, kahit anumang itsura’t kulay mo, may isang taong tiyak at labis na magmamahal sa’yo.

Advertisement