Noong Bata Pa Lamang ang Anak, Matiyaga Siyang Tinuturuan at Inaalalayan ng Ina na Isang Guro; Darating ang Panahong Siya Naman ang Aalalay sa Ina

“Anak, halika na rito. Kunin mo na ang aklat mo at kuwaderno, lalo na ang mga may takdang-aralin.”

Iyan ang masuyong laging sinasabi ng kaniyang ina, kapag nakauwi na ito mula sa pampublikong paaralang pinagtuturuan. Isang guro sa asignaturang Filipino ang ina ni Raquel na si Aling Sally. Si Raquel ay nasa ikaapat na baitang pa lamang.

Laging inaabangan ni Raquel ang pag-uwi ng kaniyang ina mula sa paaralan. Hindi kasi siya maturuan ng kaniyang amang si Mang Lando dahil abala naman ito sa trabaho bilang maestro karpintero. Hindi rin malawak ang kaalaman nito sa maraming mga disiplina, kaya ang inaasahan niya talagang magtuturo sa kaniya ay ang ina.

Natutuwa si Raquel kapag pinapanood niya ang mahinhing galaw ng ina kapag nagluluto ito ng pagkain, o kaya naman ay naglilinis, o kaya naman ay nag-aayos ng mga kagamitan, lalo na’t kapag galing ito sa paaralan. Ang totoo niyan, nagseselos si Raquel sa pagiging guro ng kaniyang ina dahil pakiramdam niya, inaagawan siya ng mga bata sa atensyon nito sa kaniya.

Kapag tapos na sa mga gawaing-bahay, saka naman ilalaan ni Aling Sally ang kaniyang nalalabing oras upang tulungan si Raquel sa mga takdang-aralin nito.

“Tatandaan mo Raquel, edukasyon ang maipapamana namin sa iyo ng Tatay mo kaya kailangan, mag-aral kang mabuti. Nagsisikap kami para magkaroon ka ng magandang buhay,” laging pinapaalala ni Aling Sally kay Raquel.

Naging idolo ni Raquel ang kaniyang ina kaya maaga pa lamang, sinabi na niya rito ang nais niyang maging propesyon balang-araw. Nais niyang sundan ang mga yapak nito bilang mahusay na guro.

“Naku anak, mahirap ang maging isang guro. Sigurado ka na ba riyan?” laging tinatanong ni Aling Sally sa anak.

Advertisement

“Oo naman po. Idol ko po kayo eh, gusto ko rin pong maging guro gaya ninyo,” may pagtitiyak na lagi namang itinutugon ni Raquel.

“Natutuwa akong gusto mong gayahin ang propesyon. Susuportahan kita riyan, anak. Kailangan ng bayang ito nang mahuhusay na mga guro.”

Lumipas ang maraming taon, nasa Senior High School na si Raquel. Noon ay matanda na rin si Aling Sally subalit patuloy pa ring nagtuturo. Hindi nangyari ang ipinangako ni Raquel sa kaniyang ina, na nais din niyang magturo. Nabuo sa isipan ni Raquel na nais niyang maging nurse.

“Akala ko ba, gusto mong maging gurong gaya ko?” tanong ni Aling Sally kay Raquel. Medyo nalungkot ito sa desisyon ng anak na kumuha ng Nursing sa kolehiyo.

“Sorry Ma… pero gusto ko po pala ang maging nurse, para maalagaan ko rin po kayo ni Papa,” nakangiting sabi ni Raquel.

Kahit na nagtampo, sinuportahan pa rin ni Aling Sally ang anak hanggang sa makatapos ito ng pag-aaral sa Nursing. Sumabak kaagad sa trabaho si Raquel nang makapasa sa board exam.

Hanggang sa dumating ang pandemya na nagpabago sa karaniwang takbo ng pamumuhay ng mga tao. Natigil ang mga klase, at dumating ang tinatawag na online class.

“Paano kaya ito? Hindi pa naman ako marunong sa teknolohiya,” nag-aalalang sabi ni Aling Sally.

Advertisement

Subalit dahil kailangang makiangkop sa “Bagong Normal,” walang nagawa si Aling Sally kundi bigyan pa ng pagkakataon ang kaniyang sarili upang mas maging maalam pa sa teknolohiya.

At doon naman pumasok ang tulong ni Raquel. Bago pumasok sa ospital bilang frontliner, tinitiyak muna niyang naturuan muna niya si Aling Sally kung paano i-set up ang laptop, kung paano gumawa ng link para sa video conferencing sa mga meeting nito at klase, kung paano gumawa ng online classroom para sa pagpapasa ng requirements ng kaniyang mga mag-aaral.

“Anak, maraming-maraming salamat. Alam ko mabigat na ang trabaho ninyo, pero narito ka pa rin sa akin para alalayan ako. Alam kong pagod na pagod ka na sa trabaho pero inaalala mo pa rin ako,” naiiyak na pasasalamat ni Aling Sally. Katatapos lamang ikabit ni Raquel ang binili nilang webcam.

“Ma… naaalala mo noon, pagkauwi mo galing sa school, ilalaan mo pa ang oras mo para sa akin, para maturuan ako at matulungan sa mga assignment ko? It’s payback time lang po. Noon, kayo ang nakaalalay sa akin. Ngayon, ako naman ang aalalay sa inyo, Ma. Kayang-kaya po ninyo ang new challenge na ito. ‘Di po ba?” sabi ni Raquel sa kaniyang ina.

“Hindi man kita mayakap ngayon anak, proud na proud sa iyo si Mama. Mga bayani kayo ng ating bayan. Mabuhay kayong mga health workers!” pagbibigay ng magandang salita ni Aling Sally.

“Tayo, Ma. Mga bayani tayo. Kayo ring mga guro ay frontliners at mga bayani rin,” ganting papuri ni Raquel.

At masayang ginampanan ng mag-ina ang kani-kanilang mga tungkulin sa bayan, nang may ngiti sa kani-kanilang mga labi!