Inday TrendingInday Trending
Laging Nagagalit ang Ina Kapag Hindi Nagsusuot ng Tsinelas ang mga Anak Kahit Nasa Loob Lamang ng Bahay; Natuklasan ng Isa sa mga Anak ang Pinag-ugatan Nito

Laging Nagagalit ang Ina Kapag Hindi Nagsusuot ng Tsinelas ang mga Anak Kahit Nasa Loob Lamang ng Bahay; Natuklasan ng Isa sa mga Anak ang Pinag-ugatan Nito

Hindi maintindihan ni Romy, 15 taong gulang, kung bakit galit na galit ang kanilang inang si Aling Sonia kapag nakikita silang magkakapatid na walang suot na tsinelas sa loob ng bahay. Tulad ngayon, rumerepeke na naman ang bibig nito sa kanilang magkakapatid. Pinagagalitan nito ang kanilang panganay na si Ate Mimi na 18 taong gulang naman.

“Mimi naman, simple lang naman ang hinihingi ko sa iyo, pagsabihan mo ang mga kapatid mo na magsuot ng tsinelas kapag nasa loob ng bahay. Para din naman sa kanila iyon,” sabi ni Aling Sonia habang nagkakape matapos makapamili ng mga suplay sa palengke.

“Opo ‘nay, huwag nang mainit ang ulo… nasabihan ko na po sila, sadyang matigas lang ang ulo nila. Huwag ka nang magalit, dadami ang wrinkles mo sige ka,” suweto ni Mimi sa kaniyang ina.

Simula pa noong maliliit pa sila, ganoon na talaga ang kanilang ina. Lagi itong bumibili ng tsinelas para sa kanila at para sa kaniya. Sa katunayan, lagpas isang daang pares na ang tsinelas nito, na ang ilan ay hindi naman ginagamit.

Masasabing masinop sa loob ng bahay si Aling Sonia. Umaga pa lamang, nagwawalis na ito ng kanilang bakuran. Ayaw na ayaw nitong nakikitang nakakalat ang kanilang mga pinaghubarang sapatos at mga tsinelas. Kaagad niya itong ilalagay sa shoe rack na nasa bandang terasa ng kanilang bahay.

“Mga burara kayo! Pasalamat kayo at may mga tsinelas at sapatos kayo. Ibang bata riyan eh butas-butas na ang mga sapin nila sa paa. Sana naman maging maayos kayo sa mga gamit,” laging pinapaalala sa kanila ni Aling Sonia.

Subalit may katigasan ang ulo ni Romy. Sa totoo lang, ayaw niya kasing magsuot ng tsinelas kapag nasa loob ng kanilang bahay. Iniisip niya, bakit kailangang magsuot pa nito kung may tiles naman ang loob nila? Hindi naman marumi ang loob ng kanilang bahay dahil alaga nga sa linis.

Isang araw, ibinalita ng kanilang ina ang pagdalaw ng kanilang Lolo Julian, ang tatay ni Aling Sonia, na nasa Camarines Sur. Malugod naman nila itong tinanggap sa kanilang bahay.

“Ang lalaki na ng mga apo ko!” tuwang-tuwang sabi ni Lolo Julian sa kaniyang mga apo.

“Naku Itay, malalaki na nga, pinapasakit pa ang ulo ko lagi,” nakangiting sabi ni Aling Sonia.

“Parang ganiyan ka rin naman noong araw, Inyang… mana-mana lang iyan,” natatawang sabi ni Lolo Julian.

Matapos ang masagana subalit simpleng hapunan, ipinasya ni Romy na makipagkuwentuhan sa kaniyang Lolo Julian sa terasa.

“Lolo, kumusta po si Nanay noong bata pa siya?”

Natawa si Lolo Julian. “Makulit ang Nanay mo noong bata pa siya. Pero maliit pa lang siya, talagang masipag na siya. Wala kaming naging problema ng Lola mo sa kaniya habang kaedad mo siya.”

“Pero alarm clock po kasi namin si Nanay, lalo na tuwing umaga,” biro ni Romy.

“Ganiyan talaga ang Nanay mo. Siya kasi ang panganay kaya parang siya ang kahalili namin kapag wala kami ng lola mo noon at kailangan namin gumawa sa bukid. Magsasaka kasi ako, Romy. Noon, hindi ko pa maibigay sa kanilang magkakapatid ang mga kailangan nilang gamit,” kuwento ni Lolo Julian.

Ang dalawang tita o kapatid na babae ng kanilang Nanay ay nasa ibang bansa na naninirahan.

“Noon, alam mo ba, ang unang bagay na naibili ko sa Nanay mo noong maliit pa siya ay tsinelas. Nakayapak lang kasi kami noon. Kaya masayang-masaya ang Nanay mo nang mabilhan namin siya ng tsinelas. Nang mga panahon na iyon, papasok na kasi siya sa paaralan,” sabi ni Lolo Julian.

Napaisip si Romy. Pinakinggan niyang maigi si Lolo Julian hinggil sa tsinelas ng kaniyang Nanay noon.

“Eh isang araw nagkaroon ng malakas na bagyo. Kinailangan naming hakutin ang mga gulay na ani naman para isulong. Tumulong ang Nanay mo. Dahil maputik, hinubad niya panandali ang tsinelas niya. Hindi niya namalayan, tinangay pala ng baha. Grabe ang iyak niya noon. Tinangay ang kaisa-isang tsinelas na pagmamay-ari niya. Siguro halos isang linggo bago siya ulit naging masaya,” pagpapatuloy ni Lolo Julian.

At napagtanto ni Romy kung bakit ganoon na lamang ang hilig ni Aling Sonia sa tsinelas, at kung bakit nagagalit ito kapag hindi nila iniingatan o isinusuot ito. Ngayon, alam na niya ang pinag-ugatan nito.

Makalipas ang tatlong araw at bumalik na rin si Lolo Julian sa lalawigan. Simula noon, lagi nang isinusuot ni Romy ang kaniyang tsinelas, at maingat na rin niya itong itinatabi sa lalagyanan. Ayaw na niyang masaktan pa at mainis ang kaniyang pinakamamahal na ina.

Advertisement