Inday TrendingInday Trending
Naaksidente ang Misis Kaya Naman Kinuhanan Siya ni Mister ng Isang Private Nurse; Maging Marupok Kaya si Misis sa Guwapong Binata?

Naaksidente ang Misis Kaya Naman Kinuhanan Siya ni Mister ng Isang Private Nurse; Maging Marupok Kaya si Misis sa Guwapong Binata?

Mararahang katok sa pinto ang nagpabalik sa kasalukuyan ni Minda habang malungkot na nakatanaw sa durungawan ng kaniyang silid; siya ay tatlong buwan nang baldado dahil sa isang aksidente sa kotse na kaniyang kinasangkutan.

“Tuloy…” sabi ni Minda. Alam naman niya kung sino ang kumakatok. Ang mister na si Charles. Silang dalawa lang naman ang naninirahang magkasama sa bahay na iyon. Limang taon na silang kasal subalit wala pa silang anak.

“Hi Minda… can I come in?” tanong ng kaniyang mister. Marahan naman siyang tumango.

Tuluyang pumasok si Charles, subalit hindi siya nag-iisa. Sumunod na pumasok ang isang lalaking sintangkad nito, nakasuot ng puting damit na tila isang nurse, at sa tantiya niya ay naglalaro sa 20 hanggang 22 ang edad. Guwapo ito kung tutuusin.

“Sino siya?” nakakunot ang noong tanong ni Minda. Lumapit si Charles at ipinihit nang maayos ang kaniyang wheelchair upang makaharap at makita niyang mabuti ang kanilang bisita.

“Minda, I’d like you to meet Nurse Jay. Nurse Jay, here’s Minda, my wife. From now on, siya na ang magiging personal nurse mo habang nagtatrabaho ako. I have to go back to work, hon,” paliwanag ni Charles.

Kiming ngumiti si Nurse Jay at inilahad ang kaniyang kamay kay Minda upang makipagkamay.

“Nice to finally meet you, Ma’am Minda. I’m Nurse Jay po.”

Matabang na inilahad naman ni Minda ang kaniyang kanang kamay, at nakipagkamay rito.

“Iho, maaari ka bang lumabas muna? Mag-uusap lang kami ng asawa ko,” utos ni Minda. Tumalima naman ito at lumabas ng kaniyang kuwarto. Isinara nito ang pinto upang bigyan ng privacy ang kanilang pag-uusap.

“Bakit mo naman ako kailangan pang kuhanan ng private nurse? Puwede namang ako na lang. Kaya ko naman. Hindi naman ako lumaking baldado talaga so alam ko kung paano gumalaw. Besides, bakit lalaki ang pinili mo? At parang bata pa siya,” tanong ni Minda sa mister.

“Minda, hindi ako makakampante kung babalik na ako sa work tapos iiwan kita rito nang mag-isa. Saka, wala naman tayong kamag-anak dito sa Maynila na papayag na maging tagapag-alaga mo. Mabuti sana kung si Ninang Norma iyan na talagang mapagkakatiwalaan natin, pero remember, nasa probinsiya siya? Saka si Nurse Jay na lang kasi ang available nurse na ibinigay sa akin ng hospital. Mukha namang mabait. Pagbigyan mo na ako, hon. Hindi ako makakampante na iiwan ka rito nang mag-isa,” paliwanag ni Charles.

At wala na ngang nagawa si Minda. Hinayaan na niya ang mister. Sa kalagayan niya ngayon, mahirap nga naman kung mawawalan siya ng kasama sa bahay.

Maalaga at magiliw naman si Nurse Jay sa kaniya. Alam na alam nito ang mga ginagawa niya bilang nurse. Walang mintis ito sa pag-aalaga sa kaniya: magmula sa pagpapainom ng gamot sa tamang oras hanggang sa pagpapakain sa kaniya.

Hindi rin niya inasahang makakapalagayan niya ito ng loob. Nagsimula siyang magtanong dito ng ilang mga detalye sa buhay nito, na sinasagot naman niya. Ulilang-lubos na pala si Nurse Jay, at nagsumikap lamang ito upang makatapos ng pag-aaral.

“Bakit hindi ka pa nag-aasawa, Nurse Jay? Wala ka bang girlfriend?” minsan ay naitanong ni Minda.

“Wala po akong girlfriend, Ma’am. Nakapokus po muna ako sa career ko,” nakangiting sabi ni Nurse Jay habang inaayos nito ang kaniyang mga gamot na nakatakdang inumin.

“Talaga? Bakit naman? Alam mo mag-gf ka. Sayang ka. Guwapo ka pa naman at maalaga. Tiyak na magiging masuwerte ang babaeng mamahalin mo,” papuri ni Minda sa kaniyang Nurse. Namula naman si Nurse Jay.

Habang dumaraan ang araw, napapalapit ang loob ni Minda kay Nurse Jay. Marami kasi itong kuwentong nakakatawa. Nahuli nito ang kiliti niya. Hanggang isang araw, namalayan na lamang ni Minda na nagkakagusto na siya sa kaniyang personal nurse. Hinahanap-hanap niya ang presensiya nito, ang pag-aalaga nito, ang mga kuwento nito, na hindi niya kailanman naranasan sa kaniyang mister. Isa pa, naging subsob sa trabaho si Charles simula nang bumalik ito sa paghahanapbuhay.

Minsan, tinangka niyang hawakan ang pagkalalaki ni Nurse Jay. May pangangailangan din siya bilang isang babae. Matagal na silang hindi nagsisiping ni Charles. Nagulat si Nurse Jay sa kaniyang ginawa.

“M-Ma’am Minda, huwag po… hindi po tama iyan,” tanggi ni Nurse Jay nang sabihin ni Minda na gusto niya ito at gusto niyang makasiping ito.

“Hindi naman malalaman ni Charles. Sige na, Jay. Gusto kita… ibigay mo ang pangangailangan ko…” pagsusumamo ni Minda, subalit mahigpit na tumanggi si Nurse Jay.

Simula noon ay naging masungit na si Minda kay Nurse Jay. Pakiramdam niya ay labis siyang napahiya sa pagtanggi nito sa kaniya. Lagi niya itong binubulyawan.

Isang gabi, nagising si Minda mula sa pagkakahimbing. Wala sa kaniyang tabi si Charles. Wala rin si Nurse Jay. Subalit naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa sa labas ng kuwarto. Pinilit niya ang sariling sumakay sa kaniyang wheelchair nang mag-isa. Tinangka niyang lumabas. Pagbungad niya, hindi niya inaasahan ang kaniyang narinig.

“Salamat talaga be sa pag-iintindi mo kay Minda ah. Happy monthsary. Mahal na mahal kita be,” narinig ni Minda mula kay Charles. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Magkayakap sina Charles at Nurse Jay!

“Mga hayop! Mga baboy! Anong ibig sabihin nito?”

Halos itulak ni Charles si Nurse Jay nang makita si Minda. Namumula ang dalawa.

“H-Hayaan mo akong magpaliwanag, M-Minda…” naiiyak na sabi ni Charles.

“Talagang kailagan ninyong magpaliwanag sa akin ngayon din! Anong ibig sabihin ng mga nakita ko? Bakit kayo magkayakap ni Jay?”

At ipinagtapat na nga ni Charles ang lahat. Siya pala ay isang bisexual, at matagal na niyang karelasyon si Jay, na isa talagang lehitimong nurse. Nang maaksidente si Minda, ito na mismo ang kinuha niyang nurse na mag-aalaga sa kaniya. Hindi makapaniwala si Minda na nagawa ng kaniyang mister na itira siya at ang “kabit” nito sa iisang bubong.

“Now, I know. Totoo nga ang sinabi ng mga kaibigan ko sa akin. Alam mo ba Charles kung bakit ako naaksidente? Alam mo ba kung bakit ako nagmanehong lasing na naging dahilan kung bakit ako baldado ngayon? Dahil hindi ko kinaya ang mga tsismis na naririnig ko na isa kang binabae! Na hindi ko matanggap kung bakit may mga lumalabas na isyu na isa kang b*kla! At ngayon… totoo nga. Sinira mo ang buhay ko, Charles! Sinira ninyo ang buhay ko!” umiiyak na sumbat ni Minda. Kaya pala siya naaksidente ay dahil din pala sa kaniyang mga narinig hinggil sa kaniyang asawa.

Tuluyan na ngang nagkahiwalay sina Minda at Charles. Pinalaya ni Minda ang asawa. Ipinasya naman ng mga kamag-anak ni Minda na dalhin na lamang siya sa Amerika dahil naroon ang mga magulang nito. Hindi rin nagkatuluyan sina Charles at Jay dahil kapwa sila nakonsensiya sa mga nangyari.

Advertisement