Inday TrendingInday Trending
Hindi Akalain ng Babaeng Ito na Siya pala ay Isang Kabit; Makawala pa kaya Siya sa Nakaraan

Hindi Akalain ng Babaeng Ito na Siya pala ay Isang Kabit; Makawala pa kaya Siya sa Nakaraan

Nakahalukipkip si Vilma sa isang tabi. Yakap-yakap ang sariling mga binti habang nakapatong sa mga tuhod ang kaniyang ulo. Maya-maya ay napatunghay siya nang isang babae ang mag-eskandalo sa labas.

Masama ang tingin nito sa kaniya. Halata mong galit ito sa panlilisik palang ng kaniyang mga mata. Nilabanan niya ang masama nitong titig pero hindi niya kayang magalit.

“Ano masaya ka na? Nasira mo na ang pamilya ko! Walang hiya kang babae ka, ang dapat sa ‘yo makulong! Sinira mo ang pamilya ko. Sinira mo kami at ngayon wala nang ama pang kikilalanin ang anak ko!” Hawak ng mga pulis ang nag-e-eskandalong babae na nagngangalang Jaydee. Puno ng sakit ang bawat salitang binibitiwan nito na hindi lamang para sa sarili kung hindi sa dalawa niya rin na anak.

“H-Hindi ko alam! Hindi ko alam na may asawa si Robert. Hi-Hindi ko sinasadyang sirain kayo,” lumuluhang bulong ni Vilma habang patuloy ang pagragasa ng luha.

“Ha? Hindi mo alam? Kakaiba kang babae ka. Ang galing! Pwede ka nang pang-FAMAS sa arte mo. Hindi mo alam na may asawa ‘yong kinakalantari mo? Hindi ba obligasyon mong kilalanin kung sino ang lalaking sinasamahan mo? O sinadya mong mangabit ng may-asawa na? Malandi ka!” Gustong-gusto na siyang sugurin ng babaeng nasa harapan niya. Nasa likod na siya ng rehas pero hindi pa ito kuntento. Gusto niyang makita siyang naghihirap. Mas higit at doble sa sakit na dinaranas niya ngayon.

Umalis si Jaydee sa presinto habang impit na hagulhol naman ang ginawa ni Vilma. Hindi niya akalaing ang simpleng pagmamahalan nila ni Robert ay hahantong sa kaniyang pagkakulong.

Lilitisin ang kaso niya. Umapela ang kaniyang kinuhang abogado dahil biktima rin siya sa pangloloko ni Robert. Binata ang pagkakakilala niya rito dahil iyon ang pakilala nito nang magtagpo sila sa isang handaan.

Mabait ito na agad ikinahulog ng loob ni Vilma. Isang buwan lang simula nang makilala nila ang isa’t isa ay sinagot niya ito. Naging masaya ang relasyon nila hanggang sa may sumulpot na babae at inaangkin ang kaniyang kasintahan bilang asawa nito.

Ipinakita nito ang marriage certificate at kung ano-anong litrato na hindi niya mapaniwalaan. Nahulog siya kay Robert nang hindi kinilala nang husto.

Napatingin pa si Vilma sa batang hawak-hawak nito. Sanggol pa lang ang bata na mas ikinalaglag ng kaniyang mga luha.

“I-I’m sorry,” hinging paumanhin niya pero hindi siya pinakinggan ni Jaydee. Sarado ang utak nito sa lahat ng sinasabi ni Vilma at ang tanging ginusto niya ay mabilanggo ang babaeng umahas sa asawa niya.

Ilang araw na ang lumipas hanggang sa ibinalita ni Attorney De Guia na makakalabas at hindi makukulong pa si Vilma.

“Thank you, Attorney. Maraming salamat po!” Niyakap niya ang Attorney na tumulong sa kaniya. Masayang-masaya si Vilma na nakalaya na siya dahil napatunayang wala siyang kasalanan at biktima lang din siya ni Robert.

Hindi na kailanman nagpakita sa kaniya si Robert o kahit sa asawa nito. Patuloy siyang ginugulo ni Jaydee ngunit nagpakalayo-layo na siya.

Tinitigan ni Vilma ang sarili sa salamin. Mapula ang kaniyang labi, matangos na ilong at malalantik na pilik-mata at ang mapang-akit ang kaniyang mga mata. Hindi niya lubos maisip na sa edad na bente-sais ay naging kabit siya ng unang lalaking minahal niya.

Napaluha muli si Vilma nang balikan niya ang mga nakaraang linggo na siyang bumagabag nang lubos sa kaniya. Naaawa siya para sa mga batang naulila sa ama. Hindi dapat nangyari sa kanila ang mga iyon kung hindi niya pinatulan si Robert.

Nagsisisi si Vilma sa kinahantungan ng pag-ibig niya sa lalaki. Ang ninais niya ay ang magmahal at mahalin ngunit nakasira siya ng isang masaya at kumpletong pamilya. Araw-araw ay hindi siya pinatutulog ng pagkakamali niyang iyon.

Hanggang sa nagkaroon siya ng pamilya. Nakatagpo siya ng isang lalaking hindi siya iniwan noong mga panahong kailangan niya ng karamay. Naging masaya siya muli hanggang sa ikasal sila.

Ipinakilala ni Roel ang kaniyang pamilya… at nabigla si Vilma nang malamang kapatid pala ito sa ama ni Jaydee!

Ang buong akala ni Vilma ay muli siyang bubulabugin ng nakaraan, ngunit nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Jaydee.

“Patawad kung binulag ako ng galit noon. Ngayon lang ako naliwanagan. Katulad ko, isa ka ring biktima ng mapanlokong lalaki. Sana ay patawarin mo na rin ang iyong sarili upang maging masaya na kayo ni kuya. Congratulations, Vilma!”

Sa mga salitang iyon ay tila nabunutan ng isang malaking tinik sa dibdib si Vilma. Napatawad na siya ni Jaydee at ngayon ay maaari na siyang mamuhay nang maayos at walang iniisip na nakaraan!

Advertisement