Inday TrendingInday Trending
Sa Internet Nagkaroon ng Kaibigan ang Dalaga; Matanggap Kaya ng mga Ito ang Pagkatao Niya

Sa Internet Nagkaroon ng Kaibigan ang Dalaga; Matanggap Kaya ng mga Ito ang Pagkatao Niya

Palaging mag-isa ni Jolina sa eskwela. Walang kaibigan, walang kabarkada. Tampulan siya ng tukso dahil sa pangit niyang itsura para sa kanila. Maitim na ay puro taghiyawat pa ang kaniyang mukha! Makapal ang kaniyang labi at sarat ang ilong. Walang tumanggap sa kaniya maging sariling magulang at basta siya iniwan sa pangangalaga ng kaniyang lola.

Naging libangan niya ang social media. Madalas ay nagbababad siya sa Facebook dahil doon siya nakatagpo ng kaibigan. Isang role play world ang natagpuan niya na tinatawag din na pekeng mundo sa internet. Mga hindi nila tunay na mukha ang ginagamit doon at lahat ay pagpapanggap lamang, gamit ay mukha ng mga artista galing sa ibang bansa. Walang takot o hiya na nararamdaman si Jolina sa tuwing naroon siya. Pakiramdam niya sa unang pagkakataon ay may tumanggap sa kaniya bukod sa lola niya.

Lumipas ang tatlong taon. Wala pa rin nakakaalam ng totoong itsura niya maging ang dalawang taon na rin niyang kasintahan na si Tyron, hindi rin nito tunay na pangalan. Ngayong taon nila planong magkita-kita. Abot-abot ang kaba ni Jolina. Hindi niya alam ang gagawin ngunit pinipilit siya ng kasintahan.

“Please, babe. Attend ka ng meet-up natin.” Napabuntong hininga si Jolina.

“Okay, babe.” Pinindot ni Jolina ang send button at saka isinara ang data ng kaniyang cellphone.

Napahiga siya at niyakap ang cartoon character niyang unan. Patuloy siyang binagabag ng maaaring mangyari sa kanilang pagkikita.

Isang buwan pa ang lumipas at sa Luneta Park ginanap ang una nilang meet-up.

Suot niya ay gray shirt at maong pants na tinernohan niya ng rubber shoes na regalo ng kaniyang lola nang mag debut siya.

Nakita na niya ang mga kasama niya. Magaganda ang mga ito, may mga lalaki rin doon at hinanap niya ang kaniyang kasintahan base sa sinend nitong picture ng damit. Nanliit si Jolina sa kung gaano katangos ang ilong, kapula ang labi at kagandang lalaki ang iniibig niya. Mukhang alam na niya ang kahahantungan ng kanilang pagkikita. Ngayon pa lang ay nasasaktan na siya para sa magiging reaksyon nito kapag nalaman nitong siya ang babaeng naging karelasyon nito ng dalawang taon.

“Hindi ka bagay sa kaniya, Jolina,” wika niya sa sarili. Mukhang ito na ang pagtatapos ng kaniyang mala-fairytale na love story dahil para sa kaniya, ang totoo ay hindi naman siya prinsesa.

Balak na sana niyang umalis nang may biglang nagsalita sa kaniyang likod.

“Bakit aalis ka?” Nanlamig si Jolina sa kinatatayuan. Iisang babae lang ang tumatawag sa kaniya niyon, si Princess Alira.

Paunti-unti siyang humarap. “Hi,” bati niya rito.

Bigla siya nitong niyakap at sadyang ikinagulat niya iyon. Hinila siya ni Alira sa mga kasama at doon ay ipinakilala siya nito. Napatingin siya sa boyfriend niyang si Tyron.

“Hi,” bati niya rito. Niyakap siya nito.

“I’m glad that I finally meet you, babe,” bulong ni Tyron.

“H-ha?” di makapaniwalang ani Jolina. Tumawa lang nang mahina si Tyron bago kumalas sa pagkakayakap sa kaniya.

Nag-overnight sila sa bahay nila Alira. Nagpakilala sila nang pormal gamit na ang kanilang totoong mga pangalan. Naging masaya sila. Tanggap ang pagkatao ng bawat isa. Walang panghuhusga o ano pa man. Napatitig si Jolina sa mga kaibigan niya sa pekeng mundong iyon sa internet at wala sa sariling napangiti siya.

“Bakit nakangiti ka diyan, babe?” tanong ni Tyron na nakaunan sa mga hita niya. Pinisil ni Jolina ang ilong nito.

“Masaya lang ako dahil tinanggap ninyo ako. Hindi nʼyo hinusgahan ang hitsura ko, na wala akong narinig na kahit ano hindi tulad sa lugar namin na nilalait ako dahil pangit ako.” Haplos-haplos ni Jolina ang buhok ni Tyron habang sinasabi iyon.

“Siguro dahil maganda ka talaga. You just need to appreciate your own beauty,” saad naman ni Tyron.

“Thank you, babe.” Napangiti pang muli nang mas malawak si Jolina.

“I love you,” saad naman ni Tyron pabalik. “Hindi ang hitsura mo ang minahal ko kundi ikaw mismo. Espesyal ka sa akin kahit gaano pa kababa ang tingin mo sa sarili mo. Hindi lahat ng tao, katulad ng mga kakilala mo, babe. Sana lang ay buksan mo ang mga mata mo.”

“Ang daming langgam!” hiyaw ni Alira na ikinatawa nila ng kasintahan niya.

“Tara! Groupy tayo!” dagdag pa ni Alira at kaniya-kaniyang pwesto sila habang nakaakbay si Tyron sa kaniya.

Ngumiti nang malaki si Jolina, patunay na sobrang saya niya na nakatagpo siya ng mga kaibigan kahit iba-iba sila ng estado sa buhay, hitsura at pagkatao. Ang mahalaga ay tanggap nila ang isaʼt isa at walang panghuhusga.

Advertisement