Inday TrendingInday Trending
Naglayas ang Anak dahil Hindi Siya Kayang Bigyan ng Ama ng Engrandeng Pagdiriwang; Huli na Nang Pagsisihan Niya ang Kaniyang Ginawa

Naglayas ang Anak dahil Hindi Siya Kayang Bigyan ng Ama ng Engrandeng Pagdiriwang; Huli na Nang Pagsisihan Niya ang Kaniyang Ginawa

Abala si Olivia sa pagtingin sa larawan na ipinost ng kaniyang kaklase sa peysbuk. Kuha ang mga ito mula sa kaniyang ika-labing walong kaarawan. Lubhang nakaramdam ng inggit ang dalaga dahil matagal na niyang pangarap na sa pagkakataon na siya ay maging labing walo ay nais din niyang magkaroon ng ganitong ka-enggrandeng pagdiriwang. Ngunit tila imposible niya itong makamit.

Isang tricycle driver ang ama ni Olivia na si Mang Badong habang ang kaniyang inang si Aling Precy ay isang manikurista. Minsan nga ay pahirapan pa ang makakain nila sa loob ng isang araw. Madalas din ay hirap siya sa pagbabayad ng matrikula kaya ni sa hinagap ay alam niyang hindi ito kayang ibigay ng mga magulang.

Dalawang buwan na lamang ay ika-labing walong taong kaarawan na ni Olivia. Habang tinitingnan niya ang mga larawan ng nasabing kaklase ay iniisip niya kung ano kaya ang kaniyang magiging itsura kung siya ang may suot nito. Nais din sana niyang isayaw habang suot ang magandang gown na iyon at palibutan ng mga taong bumabati sa kaniya.

“Nay, gusto ko po talagang maghanda sa kaarawan ko. Mahalaga sa akin ang araw na iyon dahil lahat ng babaeng tutungtong sa legal na edad ay ipinaghahanda ng kaniyang mga magulang,” pagpupumilit ni Olivia.

“Titingnan natin, anak. Alam mo namang hindi natin kaya ang enggrandeng kasiyahan. Mas mainam na lamang siguro kung ipanghahanda natin ay ilaan na lamang natin sa pag-aaral mo,” tugon ng ina.

“Sige naman na, ‘nay! Gustong-gusto ko talagang magsuot ng isang magandang gown at isayaw ng mga kaibigan ko. Pati na rin ni tatay!” giit pa ng dalaga.

“Hay naku, anak. Kung ano ang mayron ay ipagpasalamat mo,” saad ng ina.

“H’wag na nga kayong magtalo riyan!” pagsingit ni Mang Badong na kakagaling lamang sa pamamasada.

“Magdiriwang ng kaarawan ang kaisa-isang anak natin at maghahanda tayo,” sambit pa ng ama. “Hindi ko ata papayagan na itong kaisa-isa kong anak ay walang handa sa kaniyang kaarawan. Hayaan mo anak, si tatay ang bahala. Ipaghahanda ka ng tatay,” dagdag pa nito.

Ang akala ni Mang Badong ay nais lamang ni Olivia na makapaghanda sa kaniyang kaarawan. Ang hindi alam ng ginoo ay nais nito ng isang magarbong handaan.

Lingid sa kaalaman ng kaniyang mag-ina ay matagal nang nag-iipon ng pera itong si Mang Baldo. Sa tuwing namamasada siya ay nagtatabi siya ng kaunti at inilalagay niya ito sa isang lata ng gatas na kaniyang napulot at mariing itinago.

“Sa tingin ko ay malayo na rin ang mararating ng perang ito. Makakabili na rin ito ng cake, ice cream at makakapagluto pa kami ng spaghetti, pansit at shanghai,” sambit ni Mang Badong sa sarili habang tinitingnan ang kaniyang naipon para sa kaarawan ng anak.

“Itong pera na ito naman ay para sa bago niyang damit,” dagdag pa nito habang inilalagay ang itinabing kinita mula sa pamamasada.

Kinabukasan ay araw na ng kaarawan ni Olivia.

“Imbitahin mo ang malalapit mong kaibigan, anak,” saad ni Mang Badong.

Dahil sa sinabi na ito ng ama ay alam niyang may inihahanda itong surpresa. Kaya naman inimbita ni Olivia ang kaniyang mga kaklase. Iniisip na niya ang mgiging itsura na suot ang isang magarang gown.

Kinabuksan pagkauwi mula sa eskwela ay sinalubong siya ng mga magulang ng isang maligayang pagbati. Nagluto ito ng mga putahe bilang handa sa kaniyang kaarawan at mayroong isang simpleng cake.

Imbis na ikatuwa ni Olivia ang nangyari ay kitang-kita sa kaniyang mukha ang pagkadismaya.

“Hindi ka ba masaya sa kaarawan mo, anak?” tanong ng ama.

“Hindi naman ito ang handaan na gusto ko. Akala ko pa naman ay katulad ng nais ko. Inimbita ko pa ang mga kaklase ko. Nakakahiya!” sambit ni Olivia.

Nalungkot si Mang Badong sa narinig sa anak.

“Pasensiya ka na kung ito lamang ang nakayanan namin ng nanay mo. Sana pala ay hindi ka na lamang namin ipinaghanda para hindi kami nakapagbigay ng kahihiyan sa’yo,” masama ang loob ni Mang Badong na sinabi ito sa kaniyang anak.

“Dapat nga hindi ninyo na ako ipinaghanda! Nakakainis, bakit dito pa kasi sa pamilyang ito ako napabilang!” sigaw ni Olivia sabay alis sa kanilang bahay.

Pilit mang pigilan ng ama ang kaniyang anak ay tuluyan na itong umalis. Ilang araw din itong hindi umuwi ng kanilang tahanan. Lubusan ang pag-aalala sa kaniya ng mga magulang. Madalas ay hindi na nakakapamasada si Mang Badong kakahanap kay Olivia. Hindi niya ininda ang tirik na araw o kung umuulan man.

Sa lahat ng napagtanungan ng mga magulang ay hindi nila alam kung saan matatagpuan itong si Olivia. Sa labis na pag-aalala ng kaniyang ama ay inatake na ito sa puso. Nang malaman ng dalaga ang nangyari sa kaniyang ama ay agad itong umuwi upang humingi ng tawad sa ama.

Nang makarating sa tahanan ay nadatnan niya ang kaniyang ina na lumuluha. Nang makita nito ang kaniyang anak na nasa pinto ay agad itong nagwika.

“Saan ka ba nagtungo, anak? Alalang-alala kami ng tatay mo,” umiiyak nitong sambit.

“Patawad po, ‘nay. Patawad po,” lumuluhang sambit ng dalaga.

“Nasaan po ang tatay? Kumusta po ang kalagayan niya? Gusto ko po siyang makita upang humingi ng tawad sa kaniya,” umiiyak na saad ni Olivia.

Lalong tumulo ang mga luha ng kaniyang ina.

“W-wala na ang tatay mo, anak. Nasa morge na siya. Inatake siya sa puso at hindi niya ito kinaya. Binawian kaagad siya ng buhay. Wala na ang tatay mo! Wala na ang asawa ko!” walang tigil sa pagtangis ang ginang.

Napaluhod na lamang si Olivia sa sinabi ng kaniyang ina. Lubusang pagsisisi ang kaniyang nararamdaman dahil ngayong napagtanto na niya ang kaniyang kamalian ay huli na pala ang lahat. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa nangyari sa kaniyang ama.

Ngunit kahit gaano pa kalakas ang kaniyang boses sa pag-iyak at paghingi ng kapatawaran sa ama ay hindi na siya nito maririnig pa kahit kailan. Ang tanging maipapangako niya na lamang sa amang nasa langit na ay ang pagbabago sa kaniyang pag-uugali at ang pagsisimulang magsumikap upang matulungan ang kaniyang ina na mag-isa na ngayong magtataguyod sa kanilang pamilya.

Advertisement