
Hindi na Natiis ng Binata ang Dalaga Kaya Naman Nasigawan Niya Ito; Nasaktan at Napahiya ang Dalaga Kaya Kusang Lumayo na Ito sa Kaniya
Nagsisimula pa lang ang pasukan sa unibersidad napiling pasukan ni Kiel. Ito ang pinakakilalang unibersidad sa kanilang lugar. Halos lahat ng nag-aaral dito ay puro mayayaman. Pero hindi naman lahat, gaya niya, dahil isa siyang iskolar dito.
Ordinaryong tao lamang si Kiel. Simple kung tawagin. Tahimik lamang siya at madalas makitang may hawak na libro at nasa library, kaya naman madalas siyang matawag na ‘nerd’ o ‘snob’. Hindi siya mahilig makipag-usap sa ibang tao kaya naman wala rin siyang kaibigan. Pero ayos lang ‘yon sa kaniya kasi hindi niya din naman ugaling gugulin ang oras niya sa mga ‘walang kwentang’ bagay tulad ng pakikipagkaibigan.
Maaring napaka-importante ng bagay na iyon sa ibang tao, ngunit hindi para kay Kiel. Para sa kaniya ay pag-aaksaya lamang ng oras iyon. Nakabuhos kasi lahat ng kaniyang atensyon sa pag-aaral. Wala nang ama sila Kiel kaya naman bilang nakatatandang anak, siya na lang ang inaasahan ng kaniyang ina at mga nakababatang kapatid. Hindi siya pwedeng mabigo.
Nagsimulang magbago ang mundo ni Kiel ng makilala niya si Misha, ang makulit at maingay na presidente ng kanilang department.
Ito ang masasabing kabaliktaran talaga ni Kiel. Tahimik at hindi umiimik si Kiel, samantalang si Misha naman ay minsan mo lang makikitang tahimik at hindi tumatawa. Hindi marunong makisama ang binata, napaka-palakaibigan naman at halos lahat ay gusto ang dalaga.
Maganda, matalino at galing sa kilalang pamilya si Misha. Napakabait, palakaibigan at aktibo sa lahat ng mga aktibidades sa kanilang paaralan. Kaya naman hindi nakapagtataka na sikat at gusto ito ng lahat. Pero sa kabila ng taglay nitong mga katangian at pagkatao ay hindi ito kailanman nagmalaki. Napakamasayahing tao rin nito.
Noong una ay naiirita siya sa dalaga dahil hindi siya nito tinatantanan at pilit na pinapasali sa isang event na gaganapin sa school. Isa raw kasi siya sa mga napili nitong magrerepresenta sa kanilang departamento.
At dahil nga para kay Kiel ay pag-aaksaya lang ng oras ang mga kaniyang bagay ay ilang beses niya itong tinanggihan. Pero pinaglihi ata sa kakulitan ang dalaga at talaga namang hindi marunong makaintindi ng salitang hindi. Hindi talaga siya nito tinatantanan hanggang sa pumayag siya.
Araw-araw ay sinusundan siya ng dalaga kung nasaan man siya para kulitin, kaya naman nagsisimula na silang tuksuhin ng kanilang mga kaklase na talaga namang nagpapa-irita sa kaniya. Isang araw ay hindi na nakayanan pa ng binata at nasigawan niya si Misha.
“Ano ba?! Hindi ka ba talaga marunong makaintindi ng hindi?! Ha?” sigaw ni Kiel sa dalaga. Napaatras naman ang dalaga sa gulat ng bigla na lamang siyang sinigawan ng binata.
“Pwede ba? Layuan mo na ako! Sobrang nakakairita ka na!” galit na asik pa ni Kiel bago tuluyang iniwan si Misha sa labas ng classroom nila.
Sobrang nagulat si Misha sa ginawang pagsigaw si Kiel sa kaniya. Buong buhay niya ay ngayon lamang siya nasigawan. Napatingin siya sa likod niya at nakitang pinagtitinginan siya ng mga kaklase nila. Naiiyak siya. Sobrang nakakahiya.
Matapos ang pangyayaring iyon ay hindi na kinulit pa ni Misha si Kiel. Iniwasan niya talaga ito. Hindi naman alam ni Kiel kung bakit pero parang hinahanap-hanap niya na ang pangungulit ng dalaga. Nakokonsensya rin siya sa nagawa niya rito at gustong humingi ng tawad kaso ay napangungunahan siya ng takot at hiya.
Dumating ang araw ng kompetisyon, laking gulat na lang nilang lahat ng makitang dumalo doon si Kiel. Hindi nito kinausap si Misha at diretso lamang umakyat sa stage para ire-presenta ang kanilang departamento.
Nanalo ang kanilang departamento at agad namang hinanap ni Kiel si Misha. Nakita niya itong natayo sa may gilid ng stage na may malaking ngiti sa labi. Tumakbo ito palapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit na siya namang ikinagulat ng binata.
“Thank you! Thank you! Thank you! Sabi ko na nga ba, hindi ako nagkamali sa’yo,” mangiyak-ngiyak na saad nito habang nakayakap pa sa kaniya.
“So, pinapatawad mo na ako?” Tanong niya sa dalaga. Bumitaw naman agad ang dalaga sa yakap at napatingin sa kaniya.
“Ha? Nag sorry ka ba? Parang wala naman akong narinig,” sagot naman ni Misha sa binata. Nagulat naman ang dalaga ng bigla na lang hawakan ng binata ang kaniyang mga balikat at pinaharap siya rito.
“Ito na yun. Ito na ang sorry ko,” biglang may kakaibang naramdaman si Misha ng sinabi iyon ng binata habang nakatingin sa kaniyang mga mata.
“Pero just in case gusto mo talagang marinig, here it goes. Mish, I’m sorry,” sinserong paghingi nito ng paumahin sa kaniya.
“Yieee!”
”Wahhh, nakakakilig naman!”
“OMG!”
Nagkumpulan ng tukso ang mga kaklase nilang dalawa na kanina pa pala sila pinapanood. Bigla nailang ang dalawa at agad na napaatras palayo sa isa’t isa. ‘Di tuloy sila makatingin sa isa’t isa.
Simula ng araw na iyon ay mas napalapit ang dalawa sa isa’t isa. Naging ganap na magkaibigan sila at parati na silang magkasama. Unti-unting nagbago si Kiel. Natuto na siyang makipagkaibigan at makisalamuha sa ibang tao.
‘Di rin nagtagal ay nahulog ang loob nilang dalawa sa isa’t isa. Masaya sila at hindi man nila lantarang aminin ay alam nilang dalawa ang nararamdaman ng bawat isa.
Dumating ang araw ng pagtatapos, walang kapantay na saya ang kanilang nadarama dahil sa wakas ay nagbunga na ang ilang taon nilang paghihirap.
Sa araw na iyon din, sa harap mismo ng mga magulang ni Misha ay hiningi ni Kiel ang basbas ng mga magulang ng dalaga para pormal na ligawan ito. Tumagal ng ilang buwan ang panliligaw ni Kiel sa dalaga na kinalaunan ay sinagot din naman nito.
Lumipas pa ang ilang taon at pagkatapos ng napakaraming pagsubok ay kinasal din ang dalawa at biniyayaan ng tatlong anak. Nakapagpatayo sila ng kanilang sariling kompanya at namuhay nang maginhawa.

Hindi Matanggap ng Dalaga ang Katotohanang Hindi Siya Tunay na Anak Kaya Naman Nagrebelde Ito; Hindi Siya Makapaniwala nang Matuklasan ang Nakaraan ng Kaniyang mga Magulang
