Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Dalaga ang Katotohanang Hindi Siya Tunay na Anak Kaya Naman Nagrebelde Ito; Hindi Siya Makapaniwala nang Matuklasan ang Nakaraan ng Kaniyang mga Magulang

Hindi Matanggap ng Dalaga ang Katotohanang Hindi Siya Tunay na Anak Kaya Naman Nagrebelde Ito; Hindi Siya Makapaniwala nang Matuklasan ang Nakaraan ng Kaniyang mga Magulang

Hindi makapaniwala ang dalaga sa kaniyang narinig. Isang katotohanang hindi niya matanggap.

“Anak, patawarin mo si sana mommy kung ngayon ko lang sasabihin sa’yo ito. Pero totoo, hindi kita tunay na anak. Hindi ka galing sa aking sinapupunan,” pag-amin ng ina ni Cheska sa kaniya.

“Ano po ang ibig niyong sabihing hindi niyo po ako tunay na anak?” hindi makapaniwalang tanong niya sa ina.

“Anak, makinig ka sa akin, please…”

Marami pang sinabi ang kaniyang kinagisnang ina sa kaniya. Pagpapaliwanag ng kaniyang tunay na pagkatao ngunit wala na siyang naintindihan sa mga ito. Ang katotohanang ampon lamang siya ang naintidihan niya sa mga sinabi nito.

Alam niyang dapat ay magpasalamat pa siya sa kaniyang kinagisnang ina at pamilya sa ginawang pagkupkop at pagpapalaki sa kaniya ng mga ito pero hindi niya maiwasang magalit. Punong-puno ng galit ang puso niya.

Galit para sa kaniyang kinagisnang pamilya dahil inilihim nila sa kaniya na isa lamang siyang ampon sa napakahabang panahon. Galit sa totoo niyang mga magulang dahil pinabayaan siya ng mga ito. At galit sa Diyos, dahil sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit siya pa? Bakit sa kaniya pa dapat itong mangyari? Ano ba ang ginawa niyang mali para maging karapat-dapat sa pagpapahirap na ito?

Nagsimulang magbago si Cheska. Ang dating masiyahin, palatawa at puno ng buhay na Cheska ay napalitan ng walang buhay at parating nakatulala nalang na Cheska. Labis na nalulungkot at nahihirapan ang kaniyang pamilya sa nakikita nila sa anak na si Cheska. Alam nilang sobrang nahihirapan itong tanggapin ang natuklasan sa kaniyang pagkatao at wala naman silang magawa kundi ang alalayan lamang itong tumayo.

“Anak magsalita ka naman, kausapin mo si mommy please?” naluluhang pakiusap ng kinagisnang ina ni Cheska sa dalaga.

Kasalukuyang nasa hospital si Cheska dahil nagtangka itong tapusin ang sariling buhay at uminom ng napakaraming gamot. Naabutan ito ng nakatatandang kapatid na nakahandusay sa sahig ng banyo sa kaniyang kwarto. Agad naman na dinala sa hospital ang dalaga at sa awa ng Diyos ay maayos na ito ngayon.

“Cheska anak,” sunod-sunod na tumulo ang mga luha sa mata ng kaniyang ina ng walang sagot na nakuha kay Cheska.

“Mommy, hayaan na po muna natin si Cheska. ‘Wag na po kayong umiyak. Maya-maya lang po ay parating na rin po si Dad,” pagpapatahan ng nakakatandang kapatid ni Cheska sa ina.

Hinayaan na muna nila si Cheska na mapag-isa at umalis na muna ng kwarto. Maya-maya lang din gaya nga ng sabi ng nakatatandang kapatid ni Cheska ay dumating nga ang kaniyang kinagisnang ama. Agad naman siyang nagpanggap na tulog para maiwasang kausapin ang ama. Umupo ito sa tabi ng kama niya at hinawakan ang kaniyang kamay.

“Cheska anak? Baby girl? Alam ng daddy na gising ka. Kahit hindi mo na imulat ang iyong mga mata, alam kong naririnig mo ako,” akala niya ay papagalitan siya ng daddy niya pero nakamalumay ng pakikipag-usap nito sa kaniya. Mas lalo tuloy siyang nakonsensiya.

“Pasensiya na kung hindi namin agad nasabi sa iyo ang katotohanan sa iyong tunay na pagkatao. Natakot lamang kami na baka nga maging ganito ang reaksyon mo. Alam kong mali at dapat ay sinabi na namin agad sa’yo bago mo pa malaman sa iba. Patawarin mo sana kami.

Pero Cheska pakakatandaan mo na mahal na mahal ka namin. Ni minsan at hindi ka namin itinuring na iba sa amin. Hindi ka man galing sa amin ng mommy mo ay anak ka pa rin naman, dahil galing ka sa puso namin, anak,” naramdaman niyang marahang pinisil ng kaniyang ama ang kaniyang kamay.

“Matalik naming kaibigan ang tunay mong ina. Nabuntis siya nang maaga at hindi ka kayo pinanagutan ng iyong ama. Naisip kang ipaglag ng iyong ina pero pinigilan namin siya ng mommy mo. Binuhay ka niya at ibinigay sa amin. Pagkatapos ka niyang ibigay sa amin ay hindi na namin ulit siya nakita. May mga nagsasabing nag-abroad siya at hindi na bumalik pa ng Pilipinas hanggang sa ngayon,” napatigil sa pagsasalita ang kaniyang ama nang maramdamang gumalaw si Cheska at tumingin sa kaniya bago magsalita.

“Pero bakit sinabi niyo pa sa’kin? Para saan? Bakit, daddy? Sana pinabayaan niyo na lamang na paniwalaan kong tunay niyo akong anak. Ngayon, hindi ko na alam kung sino ba talaga ako. Naguguluhan ako,” naluluhang sabi niya sa ama.

“Hindi, anak. Makinig ka sa’kin. Sinabi namin sa’yo ang totoo dahil karapatan mong malaman ang totoo mong pagkatao. Hindi naman ibig sabihin na hindi ka namin tunay na anak ay hindi rin tunay ang pagmamahal namin sa’yo ng mommy mo. Mahal na mahal ka namin ng mommy mo, huwag mong kakalimutan ‘yan dahil kahit kailan ay hindi iyan magbabago

May ikukwento sa’yo ang daddy. Pareho kaming lumaki sa squatter’s area ng mommy mo. Napakahirap ng buhay roon. Nakakatakot ang mga tao. Madalas na gutom ang mga tao kaya naman hindi nakakapag-isip ng tama at parating maiinit ang mga ulo. At isa na roon ang mga magulang namin.

Araw-araw ako kung bugbugin noon ng aking ama. Pero kahit na ganoon ay hindi ko siya iniwan at nagsikap akong mabuti para makapag-aral. Ginawa ko ang lahat para makapasok sa paaralan pero dumating ang isang araw na hindi ko na nakayanan ang pananakit na ginagawa niya sa akin araw-araw. Kaya napagdesisyunan ko nang lumayas.

Malapit lang ang bahay ko sa bahay ng mommy mo, at gaya ko, alam kong pinagmamalupitan din siya ng kaniyang ama at ina. Hindi ko alam na nang gabing iyon ay nakatakda palang ibenta ang mommy niyo ng sarili niyang mga magulang sa matandang pinagkakautangan ng mga ito.

Hindi na rin na kayanan ng mommy niyo ang kalupitang kaniyang nararanasan at takot na takot rin siyang maibenta sa matandang kalbo na iyon, kaya sumama sa akin ang mommy niyo. Magkasama naming nilisan ang lugar na iyon at nagpakalayo-layo.

Hindi naging madali ang buhay para sa aming dalawa. Pinasok namin ang lahat ng klase ng trabaho, basta ba marangal, para lamang may makain at makapagtapos ng pag-aaral. Kung saan-saan lang din kami nakikitira hanggang sa makapagtapos nga kami at nakahanap ng maayos na trabaho,

Pinag-igihan namin ang aming trabaho dahil ayaw na naming maranasan ulit ang mga paghihirap na iyon. At mas lalong ayaw naming maranasan iyon ng mga magiging mga anak namin ang ganung paghihirap. Hanggang sa may nakarating na nga kami sa buhay at kasalukuyang ninanamnam ang bunga ng lahat ng paghihirap at pagsusumikap namin.

Kaya anak, alam kong pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang sarili mo dahil lamang sa hindi mo kilala kung sino ang mga tunay mong magulang. Pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang sarili mo,” madamdaming pahayag ng kinagisnan niyang ama.

Hindi na napigilan pa ni Cheska ang kaniyang hikbi at mga luha na kanina pa pinipigilan, kusa na lamang itong kumawala sa kaniyang bibig at mga mata. Naramdaman niya naman na niyakap siya ng ama.

“Pero anak, hindi ikaw ang mga magulang mo. Iniluwal ka lang nila rito sa mundo. Kung magiging sino ka man, ikaw ang magpapasya noon at hindi sila. Ikaw ang magdedesisyon kung magiging ano o sino ka man sa mundong ito. Kaya sana anak, piliin mong maging mabuting tao. Gaya ng pagpapalaki namin sa iyo ng mommy mo,” puno ng emosyong pahayag ng ama ni Cheska habang mahigpit na nakayakap sa anak.

Bumalik na sa kaniyang dating sarili si Cheska. Kung tutuusin nga ay mas pinabuti pa siya ngayon. Dahil sa kaniyang nalaman ay napagtanto niyang labis pa rin pala talaga siyang pinagpapala. Wala man siyang ideya kung sino ang tunay niyang mga magulang ay wala na siyang pakialam doon.

Mas mahalaga sa kaniyang ang pamilyang nag-aruga at patuloy na nagmamahal sa kaniya. Hindi man sila magkadugo, ay sigurado naman siyang magkapamilya talaga sila. Pinagbubuklod sila ng pagmamahal ng kanilang mga magulang, at araw-araw ay sinusuklian niya ang pagmamahal na natatanggap sa kaniyang buong pamilya.

Para sa mga taong hindi nakilala ang kanilang tunay na mga magulang, sa mga taong walang ideya sa kanilang pinagmulan, sana nawa’y huwag kayong magtanim ng sama ng loob sa kahit na sino man. Lalo na sa Diyos. Palaging isipin na lahat ng nangyayari sa mundo ay may rason, baka kaya inilayo ka Niya sa mga taong iyon ay dahil na rin ito ang nakabubuti sa’yo o may mas maganda pa Siyang plano na nakalaan para sa iyo. Maghintay ka lamang at magtiwala.

Advertisement