Inday TrendingInday Trending
Bagong Guro sa Isang Pampublikong Paaralan ang Dalaga Kaya Nakitira Ito sa Bahay ng Punong Guro; Isang Tsismis ang Babago sa Kaniyang Buhay

Bagong Guro sa Isang Pampublikong Paaralan ang Dalaga Kaya Nakitira Ito sa Bahay ng Punong Guro; Isang Tsismis ang Babago sa Kaniyang Buhay

Bagong guro lamang si Ellen sa pampublikong paaralan sa San Isidro. Kapapasa lamang niya sa Licensure Examination para sa mga guro kaya naman dahil nga baguhan, gaya rin ng iba pang mga kasamahan niya, ay sa malayong lugar siya naitalaga para magturo.

Ito ang unang beses na malalayo si Ellen sa kaniyang pamilya. Hindi pa naman siya sanay na mag-isa at wala masyadong alam sa mga gawaing bahay at kung paano mamumuhay ng mag-isa.

Hindi galing sa isang mayamang pamilya ang dalaga. Gayunpaman ay pinalaki sila ng kanilang mga magulang na parang mga prinsipe at prinsesa. Lalo na ng kanilang ina na si Aling Rina, kailanman ay hindi sila pinagtrabaho o pinagawa ng kahit anong gawaing bahay. Gusto kasi ng kaniyang ina na ibuhos nilang lahat ang kanilang buong atensyon sa pag-aaral upang makapagtapos sila ng pag-aaral.

Ginawa ng mga magulang nila Ellen ang lahat upang hindi nila maranasan ang hirap na dinanas daw ng mga ito sa buhay. Kaya naman lahat ay kinakaya nila masigurado lamang na mapapabuti ang kinabukasan nilang magkakapatid.

Nagtratrabaho sa isang pagawaan ng libro ang ama ni Ellen. Mabait at maprinsipyong tao ang kaniyang ama. Pinalaki sila nito na puno ng prinsipyo.

Salat man daw sila sa kayamanan, mabubuti naman ang kanilang kalooban. Mahirap man sila, mararangal naman silang tao.

“O Ellen, ito ang iyong magiging kwarto habang nakatira ka rito sa bahay namin. Huwag kang maiilang at sabihan mo ako kung may kailangan ka,” saad ng punong guro ng eskwelahan kung saan siya nagtuturo.

“Sige po. Maraming salamat po ma’am sa pagpapatuloy sakin sa inyong tahanan,” magiliw na saad ni Ellen sa ginang.

“Walang anuman. O siya, maiwan na kita, para makapag-ayos ka na ng iyong mga gamit at makapagpahinga pagkatapos,” nakangiting nagpaalam ang ginang kay Ellen.

Labis na pasasalamat ang nadarama ng dalaga sa ginang. Pinapatira lamang siya nito nang libre sa kanilang tahanan. Likas na mayaman daw kasi talaga ang angkan ng kanilang punong guro. Kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ng ginang na magtrabaho. Sadyang mahal lang daw nito ang pagtuturo at likas na mahilig sa mga bata kaya naman pinili nitong magtrabaho pa rin.

Naging maayos ang buhay ni Ellen kasama ang ginang at pamilya nito. Ngunit lingid sa kaalaman ni Ellen ay matagal na pala siyang inu-obserbahan ng ginang. Maganda, matalino at napakabait ni Ellen. Kahit sino man ay nagigiliw sa dalaga. Napaka-inosente rin ng dalaga na nakadagdag pa sa magagandang katangian nito.

May anak na lalaki ang ginang na kasalukuyang nasa ibang bansa. At dahil nga sa sobrang natutuwa talaga siya sa dalaga ay nais niya itong ipakasal sa nag-iisang anak na lalaki. Ang kaniyang panganay at unico hijong si Peter.

Isang araw ay bigla na lamang nagulat si Ellen nang may isang gwapong binata ang dumating sa bahay na tinitirahan, galing nga raw ito sa ibang bansa. Bagama’t gwapo ito ay hindi ito masyadong binigyan ng pansin ng dalaga. Inilaan lamang ng dalaga ang kaniyang buong atensyon sa kaniyang trabaho at sa kaniyang responsibilidad sa kaniyang pamilya.

Dumaan ang mga araw at napapansin niyang nagbubulungan ang mga tao sa tuwing siya ay dadaan. Naguguluhan man ay pinabayaan na lamang ito ng dalaga. Walang ideya ang dalaga na may kumakalat na palang tsismis tungkol sa kaniya at sa anak ng may-ari ng bahay na kaniyang tinutuluyan.

“Ay oo nga, akala mo kung sinong mabait at inosente, napakahaliparot naman pala! Si Peter pa talaga ang naisipan niyang biktimahin, napaka walang hiya naman talaga. Akala mo kung sinong maganda!” Rinig ni Ellen sa isang katrabaho.

Nagtaka naman ang dalaga. May tsismis palang kumakalat tungkol sa anak ng may-ari ng kaniyang bahay na tinitirahan. Sino naman kaya ang babaeng may lakas ng loob na biktimahin ang lalaking iyon? Sabagay, hindi niya rin naman masisisi ang babaeng iyon, napaka-ideyal nga naman ni Peter. Mayaman, gwapo, matalino at mabait. Medyo may pagka-presko nga lang pero mabait naman ang binata.

“Oo nga. Sinasabi ko na nga ba at nasa loob ang kulo ng Ellen Sandoval na ‘yan eh. Naku!” nanggigil na sagot naman ng isa pang gurong kasama ng unang nagsalita.

Nahulog naman ni Ellen ang kaniyang mga dalang libro nang marinig ang kaniyang pangalan na naging sanhi ng paglingon ng dalawang babae sa kaniya. Para namang nakakita ng multo ang dalawang babae ng mapagtanto na nasa likod lang pala nila si Ellen. Agad umalis ang dalawa nang hindi makatingin sa dalaga.

Lumaganap na pala sa bayan ng San Isidro na nagsasama na sa iisang bahay na parang mag-asawa sina Ellen at Peter. Bagama’t walang katotohanan ay halos hindi na makalabas ng bahay si Ellen sa hiyang kaniyang nararamdaman. Saan man siya magpunta ay pinagbubulungan siya na para bang isa siyang makasalanan. Tinitiis na lamang ito ng dalaga. Panalangin niya lamang ay sana hindi ito makarating sa kaniyang mga magulang. Napaka konserbatibo pa naman ng kaniyang pamilya pinagmulan.

“Ellen, alam kong napakahirap ng iyong pinagdaraanan ngayon. Hindi ko alam kung saan o sino ang nagsimula ng tsismis na iyan pero nais ko lamang na malaman mo na ayoko ring masangkot ang karangalan ng aking pamilya sa ganyang mga bagay. Mayroon kaming pangalan na pinapangalagaan. Kaya naman kung mararapatin mo, nais mo bang magpakasal sa unico hijo ko?” Hindi makapaniwala si Ellen sa narinig mula sa kanilang punong guro.

“Po? Kasal?” Hindi makapaniwala at naguguluhang tanong ni Ellen sa ginang.

“Ang sabi ko, nais mo bang pakasalan ang aking unico hijong si Peter?” pag-uulit ng ginang sa kaniyang sinabi. Hindi naman agad nakasagot ang dalaga kaya sinabihan nalang siya ng ginang na pag-isipan niya na muna ng mabuti at sabihan nalang niya ito ng kaniyang desisyon.

Lingid sa kaalaman ng dalaga ay ang punong guro talaga ang may pakana ng lahat. Ang ginang din ang may pasimuno ng tsismis na kumalat. Nais kasi ng ginang na maging asawa ng unico hijo niya ang dalaga. Alam niyang mali ang kaniyang ginawa ngunit gagawin niya ang lahat masigurado lamang na mapupunta sa mabuting kamay ang kaniyang pinakamamahal na anak.

Nais linisin ni Ellen ang kaniyang pangalan. Dagal at karangalan niya ang nakataya sa desisyong kaniyang gagawin. Alam niya rin na magagalit sa kaniya ang kaniyang pamilya sa oras na malaman ng mga ito ang tsismis na kaniyang nasangkutan, lalo na ang kaniyang ama.

Pinag-isipang mabuti muna ni Ellen bago siya pumayag sa suhestiyon ng kanilang punong guro. Wala naman siyang kasalukuyang nobyo, hindi na rin naman siya naniniwala sa konsepto ng pag-ibig dahil sa panlolokong ginawa sa kaniya ng kaniyang naging nobyo. Malilinis at maisasalba niya pa ang kaniyang pangalan at ang pamilya ng kaniyang mapapangasawa.

Namanhikan ang pamilya ni Peter sa pamilya ni Ellen at matapos lamang ang isang buwan ay ikinasal sila. Napaka-enggrande ng naging kasal nila at kung titingnan ay parang masaya ang lahat. Nakangiti si Ellen pero wala siyang maramdaman.

Hindi naging madali ang kanilang pagsasama dahil naikasal silang dalawa na walang alam sa isa’t isa. Naging marangya ang buhay ni Ellen kasama ang asawa na si Peter ngunit kalakip ng buhay na ito ay naranasan niya ring maliitin at laitin ng ibang mga kamag-anak ni Peter. Ito ay dahil na rin na matagumpay man sa buhay sa murang edad ay hindi maikakaila na galing pa rin siya sa isang mahirap na pamilya.

Hindi rin naman siya magawang ipagtanggol ng asawa dahil sa sobrang bait ng lalaki at idinadaan na lang ang lahat sa biro. Lahat ay tiniis niya dahil ang lahat ng kaniyang nararanasan ay bunga ng kaniyang desisyong ginawa.

Ngunit, lahat ay may hangganan, nang ipanganak ni Ellen ang kaniyang panganay na anak ay hindi niya man lang mahawakan ang bata. Ito ang unang apo sa pamilya kaya naman lahat ay nagigiliw rito. Hindi na nakayanan ni Ellen ang lahat ng hirap na kaniyang dinaranas at lumayas siya sa bahay na iyon dala ang ilang gamit niya at ang anak.

Umuwi siya sa kaniyang mga magulang at doon muna nanatili. Plano niyang takasan ang buhay na ‘yon. Mabubuhay sila ng kaniyang anak kahit silang dalawa lamang.

Ilang araw ring araw-araw siyang pinupuntahan ng kaniyang asawa sa bahay ng kaniyang mga magulang ngunit hindi niya ito binibigyan ng pagkakataon na makita siya. Para saan pa? Hindi nga siya maipagtanggol sa pamilya nito.

Hanggang sa isang araw, paggising niya ay nagulat na lamang siya ng makitang katabi niya na ito sa kama at nilalaro ang kanilang araw na katabi niya ring matulog.

“Anong gingawa mo rito?” Malamig niyang tanong sa asawa.

“Pinapasok ako ng ama mo. Na-kwento rin ng iyong ina ang iyong mga hinanaing,” tinitigan siya nito sa mata ay hinawakan ang kaniyang dalawang kamay.

“Pasensiya na kung napakarami kong pagkukulang. Pareho lang naman tayong naipit sa sitwasyon at kinakailangan panindigan ang pagpapakasal natin. Pero ngayon, hindi lang para sa ating anak, kundi para na rin sa ating dalawa, gusto ko sanang magsimula tayong muli. Sa pagkakataong ito, choice na natin ang mahalin ang isa’t isa. Pinapangako ko ring kahit anong mangyari ay ipagtatanggol ko kayo ng mga magiging mga anak natin. Magiging mabuti akong asawa at anak. Bigyan mo lang ako ng isa pang pagkakataon,” sumamo ng lalaki. Tumulo naman ang mga luha sa mga mata ni Ellen at mahigpit na niyakap ang asawa.

Muli ngang nagsimula sina Ellen at Peter kasama ang kanilang anak na nasundan pa ng dalawa sa nakalipas na mga taon. Tinupad ni Peter ang kaniyang pangako kay Ellen at naging mabuting asawa at ama sa kanila. Ipinagtatanggol na rin siya ng asawa sa tuwing may nagtatangkang mag-alipusta o mangmaliit sa kaniya sa kanilang pamilya. Sa tuwing may problema ay agad naman nila itong pinag-uusapan at nireresolba. Ito ang naging susi ng masaya at tahimik na pagsasama nila Ellen at Peter.

Advertisement