Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kawalan ng Pera at Takot na Mawalan Din ng Trabaho ay Magagawa ng Babaeng Ito ang Isang Insidente, Ano Kaya ang Mapapala Niya?

Dahil sa Kawalan ng Pera at Takot na Mawalan Din ng Trabaho ay Magagawa ng Babaeng Ito ang Isang Insidente, Ano Kaya ang Mapapala Niya?

“Ate, baka naman pwede mong sagutin ‘yung mga tawag sa’yo ng pinagkakautangan mo kasi nakakairita na! Halos sa isang araw ay sampung beses sila kung tumawag,” sabi ni Ellen sa telepono, bunsong kapatid ni Mara.

“Hayaan mo ‘yan! Sa akin nga naka-block na lahat ng numbers nila. Maumay sila kakatawag e sa wala pa akong pambayad e! Anong magagawa ko!” baling naman ni Mara sa kapatid.

  • “Kaya ka ba tumawag para lang sabihin sa akin ‘yan?” dugtong nito.

    “Tumawag ako kasi si mama wala nang gamot at wala na rin akong pambili, manghihingi sana ako kahit isang libo lang,” malungkot na sabi ni Ellen sa kaniya.

    “Diyos ko naman talaga, Ellen, sabay-sabay talaga ang problema natin ngayon. Ako nga pinapaalis na rito sa inuupahan ko kasi wala talaga akong pera. Alam mo naman na dahil sa COVID-19 ay nagsara ang restawran na pinagtratrabahuhan ko, kaya nga-nga talaga!” sagot naman ni Mara.

    “Paano na tayo nito, uwi ka na lang dito sa atin, ‘te, tapos magtinda na lang tayo sa talipapa katulad ng dati kung paano tayo binuhay nila mama,” ani Ellen.

    “Pag natapos na ‘tong mga problema, magiging maayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makapagbigay ng pera,” wika ni Mara saka natapos ang usapan nilang magkapatid.

    Naiwan siyang nakatulala at labis na namomroblema kung saang lupalop siya kukuha ng pera. Mula kasi sa Davao ay nagpunta ng Maynila ang babae upang magtrabaho at kakapasok pa lamang ng taon ng 2020 ay sunod-sunod na sakuna na ang dumaan sa bansa. Ngayon ay nagsara ang pinagtratrabahuhan niya kaya naman lubos na naapektuhan ang pinansiyal na katayuan nito.

    “Mara, Mara! Tumawag si sir sa akin, pinapapasok ako pero take out lang daw ang mga tatanggapin. Ikaw ba, tinawagan ka?” tanong ni Trina, katrabaho ni Mara.

    “Siyempre naman, magsisimula na nga ako mamaya e. Tatawagan na lang kita ulit, Trina, may gagawin lang ako,” dali-dali niyang sagot sabay baba ng telepono.

    “Sh*t! Bakit si Trina tinawagan ay mas matagal ako roon! Hindi pwede ito, kailangan kong gumawa ng paraan!” isip-isip kaagad ng babae.

    Kinaumagahan ay nagpunta siya sa restawran at kinausap ang may-ari. Makalipas ang ilang oras ay tinawagan niya si Trina.

    “Trina, pinapasabi sa akin ni sir na tanggal ka na raw sa trabaho. Nagkamali lang daw siya ng tawag sa’yo kahapon at kaya ka niya pinapapunta sa restawran ay para roon sana sisantehin. Kaso sabi ko ako na lang ang magsasabi sa’yo para hindi ka masyado mabigla,” malungkot na sabi ni Mara sa kaniyang katrabaho.

    “Ha! Paano na ako nito, hindi pwede ‘to, Mara, mamamat*y kami sa gutom ng mga anak ko. Pupuntahan ko si sir at makiki-usap ako, luluhod ako kung kailangan para ‘wag lang ako mawalan ng trabaho,” iyak namang sabi ni Trina.

    “Naku, wala roon si sir tsaka nagpalit na siya ng number kasi nga marami siyang tinanggal sa atin. Ako na ang ginawa niyang kanang kamay kaya maniwala ka sa akin, wala ka ng magagawa, Trina. Tsaka isa pa napakahina ngayon kasi wala pa ring dine-in kaya nagtatanggalan talaga,” paliwanag muli ng babae saka napuno ng iyak ang kabilang linya. Dahan-dahan naman na ibinaba ni Mara ang telepono at huminga nang malalim. Napatitig na lamang siya sa kaniyang kisame at natulala hanggang sa naagaw ang atensyon niya tunog ng bombero.

    “Saan na naman kaya ang sunog?” tanong niya sa sarili saka ipinikit ang mata at natulog na lamang dahil may pasok na siya bukas.

    Kinaumagahan ay kaagad niyang kinuha ang telepono para tingnan ang oras, gulat niyang may limang tawag pala siyang natanggap na hindi nasagot. Mula iyon kay Mr. Santos, ang boss ng babae.

    “Nasunog ang restawran. At isa pa, nalaman ko rin ang mga sinabi mo kay Trina. Ngayon, wala na talaga kayong trabaho pare-pareho,” mensahe na mula sa kaniyang boss.

    “Bakit mo ako kailangan lokohin, anong ginawa ko sa’yo? Anong klaseng tao ka?! Karmahin ka sana!” isa pang mensahe mula naman kay Trina.

    Nang sandaling iyon ay bumagsak ang luha ni Mara nang hindi niya namamalayan. Nanlumo siya sa kaniyang sarili dahil niliko niya si Trina para lang wala na siyang maging kaagaw pa sa trabaho. Ngunit mas mabilis pa ang karma sa kaniya dahil nasunog naman ang restawran nila at nalaman pa ngayon ni Trina at ni Mr. Santos ang kwento at pagsisinungaling na ginawa niya.

    Humingi siya ng tawad sa dating katrabaho ngunit mas pinili nitong hindi siya kausapin at maging si Mr. Santos ay ayaw na rin siyang kuhaning muli bilang empleyado. Kaya naman kahit na walang-wala ay gumawa ng paraan si Mara para makauwi muli sa Davao. Ngayon, tumatak sa kaniya na kahit gaano tayo kahirap ay walang magandang maidudulot ang panloloko ng ibang tao para sa iyong ikakaaasenso.

    Advertisement