Inday TrendingInday Trending
Sinuwerte sa Lotto ang Lalaki kaya Pinahinto na Niya sa Pagtatrabaho ang Misis; ‘Di Niya Inasahan na May Bitbit Pala Itong ‘Kamalasan’

Sinuwerte sa Lotto ang Lalaki kaya Pinahinto na Niya sa Pagtatrabaho ang Misis; ‘Di Niya Inasahan na May Bitbit Pala Itong ‘Kamalasan’

Walang pagsidlan ang saya ni Lino dahil sa wakas ay magkikita na silang muli ng asawa niyang si Maya. Ilang buwan silang hindi nagkita dahil sa Maynila nagtatrabaho ang asawa bilang kasambahay. Sa araw na iyon ay babalik na ito sa probinsya at nagresign na sa trabaho dahil pinatitigil na niya ito sa paghahanapbuhay ngayong nalaman niya na nanalo siya lotto at nagmamay-ari na siya ng malaking halaga ng pera. Ayaw na niyang magtrabaho pa ang asawa sa malayo, gusto niyang magtayo na lang sila ng negosyo.

Mula nang naaksidente si Lino apat na taon na ang nakakalipas na naging dahilan ng kaniyang pagkalumpo ay ang asawa na niyang si Maya ang naghanapbuhay para sa kanila. Ngunit ang suwerte ay ‘di niya inasahang mapapasakaniya nang mapanalunan niya ang grand prize sa lotto na nagkakahalaga ng apat na daang milyong piso. Mahal na mahal niya si Maya kaya pinahinto na niya ito sa pagtatrabaho sa Maynila at pinauwi na sa Mindoro.

“Darating na ang misis ko!” masayang bulong sa sarili ni Lino.

Maya-maya ay may narinig siyang sasakyan na pumara sa labas ng bahay. Dumating na ang pinakahihintay niyang asawa. Agad niyang pinaandar ang wheelchair para salubungin ito sa pinto.

Biglang may kumatok at agad niya iyong binuksan. Laking gulat ni Lino nang bumungad sa kaniya si Maya… na may kasamang lalaki.

“O, nakatulala ka riyan? Hindi mo ba kami papapasukin?” inis na sabi ng babae.

Hindi na nakapagsalita si Lino at pinapasok na ang asawa at ang kasama nitong lalaki. Hindi siya nakatiis at itinanong kung sino ang kasama nito.

“S-sino siya, mahal?” tanong niya sa babae.

“Si Roman, kaibigan ko sa Maynila. Simula ngayon ay dito na rin siya titira,” anito.

Halos lumubog si Lino nang harapang sabihin ng asawa na gusto nitong patirahin sa kanilang bahay ang kasama nitong lalaki. Nang sabihin nito na kaibigan ang lalaki ay hindi na siya naniwala. Alam na alam niya na ang kasamang lalaki nito ay ang kabit nito sa Maynila.

Matagal nang alam ni Lino na may kabit ang asawa niya ngunit nagbubulagbulagan lang siya dahil mahal na mahal niya si Maya. Pero iba na ang sitwasyon, dinala na ng babae ang kabit nito sa bahay nila at doon pa patitirahin nang malaman nitong nanalo siya sa lotto.

“Ano, hindi mo ba kami papakainin? Akala ko ba nanalo ka sa lotto, eh bakit wala man lang masarap na pagkain? Nagutom kami sa biyahe kaya ipaghanda mo nga kami ng pagkain!” bulyaw ng babae.

“M-magluluto ako ng makakain,” aniya sabay punta sa kusina.

Sa pagbalik ng asawa ay nagsimula na ang kalbaryo ni Lino. Hindi niya kailanman naisip na mangyayari sa kaniya ang pagpapahirap sa kaniya ng sariling misis at ng kabit nito.

Nang minsan naiwan sa bahay si Lino at si Roman ay nilapitan siya ng lalaki.

“Hoy, ipagtimpla mo nga ako ng kape,” maangas nitong sabi.

Sa sobrang inis niya ay pinagdabugan niya ang lalaki at sinagot.

“E, bakit hindi ka magtimplang mag-isa? Wala ka na ngang ginagawa rito sa bahay, kumilos ka naman!” aniya.

Nagpanting ang tainga ni Roman at sinugod si Lino. Tinadyakan nito ang wheelchair ng lalaki kaya bigla itong tumaob at napasalampak sa sahig si Lino.

“G*go ka, huwag na huwag mo akong kakalabanin, hindi mo pa ako kilala kaya umayos ka nang pagsagot sa akin! Baka naman gusto mong mas lalo kitang lumpuhin o baka naman gusto mong sabihin ko ito kay Maya, hindi mo naman suguro gustong mangyari iyon di ba?” banta nito sa kaniya.

Pilit na pinigilan ni Lino ang galit. Wala siyang magawa, hindi niya malabanan si Roman dahil hindi siya makatayo o makalakad man lang. Kahit masakit sa loob niya ay pinalampas niya ang pananakit sa kaniya ng lalaki.

Isang araw ay napansin niyang nawawala ang ATM niya, credit card at mga inipon niyang pera sa kabinet. Pumasok agad sa isip niya kung sino ang kumuha niyon kaya agad niyang kinompronta ang kaniyang asawa.

“Maya, saan mo dinala ang ATM, credit card at ang perang inipon ko? Ang perang iyon ay nakalaan para sa itatayo nating negosyo!”

“Puwede ba, Lino, huwag mo akong pagbibintangan! Ang kapal mo rin na sabihin sa akin ‘yan, eh, may karapatan naman ako sa perang iyon dahil ako ang asawa mo!” sagot ng babae.

“Hoy, lumpo, tigilan mo nga ang pagbibintang kay Maya! May karapatan naman pala siya sa pera mo eh, kaya wala kang karapatang pagsalitaan siya ng ganyan!” hirit naman ni Roman.

Hindi na natiis ni Lino ang sarili.

“Baka naman ikaw ang kumuha? Hindi ka lang pala kabit ng asawa ko, magnanakaw ka pa!” aniya sa gigil na tono.

‘Di rin nakapagpigil si Roman at sinuntok sa mukha si Lino. Sa lakas ng pagsuntok ay tumaob na naman ang inuupuang wheelchair at sumalampak na naman siya sa sahig. Sa lakas ng suntok ay halos hindi makakilos ang lalaki.

“Iyan ang bagay sa iyo, ga*go! Oo, kami nga ang kumuha sa pera mo. Bakit, may angal ka? Mula ngayon, pag-aari na rin namin ang pera mo. Ano, ikaw lang ang suwerte rito? Siyempre damay na rin kami sa suwerte mo,” natatawang sabi ni Roman.

“Huwag ka na kasing nangingialam, Lino. Para hindi ka nasasaktan. Pasalamat ka nga at pinakikisamahan pa kita, eh. Alam mo ba na matagal ko nang gustong hiwalayan ka dahil sa hirap ng buhay na dinanas ko sa iyo. Pagod na pagod na akong maging asawa mo, ayokong magkaroon ng asawang lumpo. Si Roman na ang mahal ko, hindi na kita mahal. Kaya lamang ako nakikisama pa sa iyo dahil sa pera mo. Ako pa rin ang asawa mo kaya may karapatan pa rin ako sa kung anuman ang mayroon ka!” hayag ni Maya.

“Minahal kita, Maya. Ang lahat ng mayroon ako ngayon ay para sa iyo, pero ano ang isinukli mo sa akin, pinagtaksilan mo lang ako. Bakit mo ito nagawa sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagmamahal ko sa iyo?” aniya.

“Sorry na lang, Lino pero wala na akong nararamdaman sa iyo. Ang gusto ko lang ngayon ay ang pera mo!” tahasang wika ni Maya.

Hindi na nakasagot pa si Lino. Napakapit siya sa kaniyang wheelchair nang mahigpit. Hindi na niya napigilang maluha sa lahat ng sinabi ng kaniyang asawa. Sobrang naaawa siya sa sarili sa sinapit niya. Pera lang pala niya ang gusto nito, mabuti na lang at nasa bangko ang iba niyang pera na napanalunan sa lotto kundi pati ang mga iyon ay nakuha na ng mga ito at nilustay na.

Nang sumunod na araw habang nag-aayos siya ng mga lumang gamit ay may napansin siyang mga lukot na papel sa basurahan. ‘Di niya sana papansinin iyon ngunit tila may nag-udyok sa isip niya na tingnan ang mga itinapong papel sa loob ng basurahan. Inisa-isa niyang tingnan ang mga lukot at sira-sirang papel pero laking gulat niya ng mabasa ang isang lumang sulat na nilukot. Iyon ang sulat ni Maya sa kabit na si Roman na nagsasabing ipinal*glag nito ang ipinagbubuntis nilang anak para wala nang hadlang pa sa pagmamahalan ng dalawa.

‘Di makapaniwala si Lino na nagdadalantao pala ang kaniyang asawa at lihim nitong idinispatsa ang kanilang anak. Nakaramdam ng labis na pagkamuhi at galit ang lalaki sa kaniyang taksil na maybahay dahil pati ang kanilang anak ay idinamay pa nito sa kataksilang ginawa sa kaniya. Walang kaalam-alam si Lino na ang nagtapon ng sulat na iyon sa basurahan ay si Roman. Ang pagkakamali ng lalaki ay sa loob ng bahay nito itinapon ang sulat at hindi sa labas. Nalaman tuloy ni Lino ang masakit na katotohanang kailanman ay walang kapatawaran.

“Sobra na ang kasamaan mo, Maya. Hinding-hindi ko na ito mapapalampas!” bulong ni Lino sa sarili habang naluluha sa sinapit ng kaawa-awang anak.

Nang sumapit ang gabi, naaktuhan ni Lino na nagniniig ang kaniyang asawa at ang kabit nito sa loob ng kanilang kwarto. Palihim niyang kinunan ng video ang ginagawang kahal*yan ng dalawang taksil.

Buo na ang desisyon niyang sampahan ng kaso ang asawa at ang lalaki nito, kasabay ng paglalabas niya ng ebidensiya na may ginagawang milagro ang mga ito. Kitang-kita sa video ang lantarang pagtataksil ni Maya sa kaniya bilang asawa kaya ‘di nagtagal ay nagbayad din ang mga ito sa kulungan.

Sa wakas, nakamtan na niya ang hustisya sa pagkawala ng kaniyang anak at sa panlolokong ginawa sa kaniya ng asawa. Mula noon ay kinalimutan na niya ang masasakit na pinagdaanan sa buhay at itinuon na lamang niya ang sarili sa itinayong negosyo na dapat sana ay magkasama nilang palalaguing mag-asawa.

Advertisement