
Hindi Sinipot ng Babae ang Lalaki sa Araw ng Kanilang Kasal; May Nakalulungkot Pala Itong Dahilan
Ilang minuto na lang at magsisimula na ang kasal nina Patrice at Jonas pero hindi pa rin dumarating ang babae.
“Patrice, nasaan ka na ba?” nag-aalalang bulong ni Jonas sa sarili.
Lagpas na sa takdang oras pero hindi pa rin dumarating ang bride kaya labis na ang pangamba ng groom.
Maya-maya ay biglang pumasok sa simbahan ang yaya ni Patrice na si Loleng.
“Umalis si Senyorita Patrice, hindi nagpaalam kung saan pupunta. Hindi siya nagsuot ng damit pangkasal. May mga dala-dala siyang bagahe,” hinihingal nitong sabi.
“Hindi. Hindi iyan magagawa sa akin ni Patrice,” sigaw ng lalaki na dali-daling tumakbo palabas ng simbahan. Nagulat naman ang mga taong naroroon at hindi makapaniwalang hindi sinipot ng babae si Jonas sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib.
Nagmula sa mayamang pamilya si Patrice at laki sa hirap naman si Jonas pero mahal na mahal nila ang isa’t isa kaya kahit tutol ang mga magulang ng babae sa kanilang kasal ay walang nagawa ang mga ito.
Dahil sa nangyari sa simbahan ay dismayado ang pamilya lalo na ang mga magulang ni Jonas. Hindi nila akalaing gagawin ni Patrice na iwan sa ere ang kanilang anak.
Mabilis na lumipas ang panahon. Nakalimutan na ni Jonas ang sakit ng pag-iiwan sa kaniya ng pinakamamahal na kasintahan. Isa na siyang Manager sa isang malaking kumpanya sa Makati. Kung dati ay hikahos ang kanilang pamilya, ngayon ay nabigyan na niya ang mga ito ng mariwasang buhay.
Isang araw, nagulat siya nang may iniabot sa kaniyang resume ang sekretarya niya sa opisina. Hindi siya makapaniwala kung sino ang aplikanteng iyon na nag-a-apply sa kanilang kumpanya. Ito ay walang iba kundi si Patrice, ang kaniyang ex-fiance.
“P-Patrice?!”
Muling nabuhay ang galit sa puso ni Jonas. Kung kailan na nagsisimula na siya ng panibagong buhay ay bigla na lang magpaparamdam ang babaeng nang-iwan sa kaniya nang walang dahilan. Napagdesisyunan niyang harapin ito. Plano niyang tanggapin ito sa trabaho at pahirapan hanggang sumuko. Nagtataka rin siya kung bakit nag-apply ito bilang office staff sa opisina nila gayong laki ito sa yaman at hindi sanay sa pagtatrabaho.
Nang sumapit ang interview ni Patrice sa opisina nina Jonas ay laking gulat nito nang makita ang lalaki.
“J-Jonas? I-ikaw ang Manager dito?” ‘di makapaniwalang tanong ng babae.
“Oo, Ms. Rivera. Ako nga. Hindi ko akalaing dito pa tayo magkikita pagkatapos mo akong hindi siputin sa kasal natin, pero wala na sa akin iyon at matagal ko nang kinalimutan. So, Ms. Rivera, ano’ng dahilan kung bakit ka nag-a-apply sa kumpanyang ito?” tanong ni Jonas.
Hindi agad nakasagot ang babae. Dahan-dahan nitong iniyuko ang ulo at sa muling pag-angat niyon ay nag-umpisa na itong magsalita.
“W-wala na sina mama at papa. Naaksidente sila at binawian ng buhay isang taon na ang nakakaraan. Nalugi rin ang aming negosyo at dahil sa nangyari ay ibinenta ko na na ang aming mansyon at iba pang ari-arian. Sa ngayon ay naghahanap ako ng trabaho para may pagkakitaan. Naubos na rin ang pera namin sa bangko. Pinutakte ng kamalasan ang aming pamilya, ito na marahil ang kabayaran ko at ng aking pamilya sa ginawa kong hindi pagsipot sa kasal natin,” hayag ng babae.
Hindi na napigilan ni Jonas ang pinipigilang galit at sinagot ang lalaki.
“Mabuti naman at inamin mong kinarma kayo! Ano’ng kasalanan ko, Patrice? Bakit mo ako iniwan sa ere? Bakit hindi ka sumipot sa kasal natin? Ang akala ko ba’y mahal mo ako kasi hanggang ngayon, pilit ko mang itinatanggi sa sarili ko, pero mahal pa rin kita. Lumipas man ang ilang taon, hindi ka pa rin nabubura rito sa puso ko kahit sobra-sobra ang sakit na idinulot mo sa buhay ko!” naluluhang tugon ni Jonas sa dating katipan.
“I-I’m sorry, Jonas. Hindi ko gustong saktan ka at hindi ko rin gustong hindi sumipot sa kasal natin. Alam mong gustung-gusto kong maikasal sa iyo dahil ikaw lang ang nag-iisang lalaking minahal ko, ngunit wala akong nagawa kundi sundin ang utos nina mama at papa na huwag magpakasal sa iyo. Ipapalaglag daw nila ang dinadala ko sa aking sinapupunan kapag itinuloy kong magpakasal sa iyo. Hinding-hindi ko kakayaning mawala ang bunga ng ating pagmamahalan, Jonas. Patawarin mo ako kung mas pinili kong mabuhay ang ating anak kaysa magpakasal sa iyo,” bunyag ni Patrice.
“A-ano? M-may anak tayo?!”
“Oo, Jonas. Tatlong araw bago ang ating kasal ay nalaman kong nagdadalantao ako at ikaw ang ama. Sosorpresahin sana kita ngunit tinakot ako ng aking mga magulang na gagawin nila ang lahat para mawala ang nasa aking sinapupunan kapag nagpakasal ako sa iyo, kilala mo naman sila ‘di ba, kaya nilang gawin ang lahat ng gustuhin nila. Pati si Yaya Loleng ay ginamit nila, hindi totoo ang sinabi niya sa iyo na umalis ako. Noong araw ng kasal natin ay hindi na ako pinalabas ng bahay nina mama at papa at ginawa nila akong bilanggo hanggang sa maisilang ko ang ating anak. Patawarin mo ako sa aking ginawa,” hagulgol ng babae.
Walang nagawa si Jonas kundi ang yakapin nang mahigpit si Patrice.
“H-hindi ko alam na ganoon ang nangyari. Sana ay sinabi mo sa akin. Hinusgahan tuloy kita at pinag-isipan ng masama. Ikinalulungkot ko rin ang nangyari sa iyong mga magulang. Ang sabi mo’y may anak tayo, nasaan siya, Patrice?” tanong ng lalaki.
“Nasa bahay siya, Jonas. Joshua ang pangalan ng anak natin. Sorry, Jonas! I’m very sorry, mahal pa rin kita, Jonas. Sana mapatawad mo ako!”
“Ako ang patawarin mo, Patrice dahil hindi pala ako dapat nagalit at namuhi sa iyo. Ginawa mo lang pala iyon para iligtas ang ating anak. Napatawad na kita, mahal ko. Mahal na mahal din kita.”
Dali-dali nilang pinuntahan ang kanilang anak. Masayang-masaya si Jonas nang makita ang anak nila ni Patrice dahil isa itong malusog, mabait at matalinong bata. Ipinakilala ni Patrice ang bata sa ama at agad namang napalagay ang loob nito kay Jonas. ‘Di nagtagal ay itinuloy nila ang kanilang naudlot na kasal at namuhay na isang masayang pamilya.

Walang Awang Iniwan at Hindi na Binalikan ng Misteryosong Babae ang Sanggol Nito sa Mag-Asawa sa Food Court; Ano na ang Mangyayari sa Inabandonang Sanggol?
