Inday TrendingInday Trending
Walang Awang Iniwan at Hindi na Binalikan ng Misteryosong Babae ang Sanggol Nito sa Mag-Asawa sa Food Court; Ano na ang Mangyayari sa Inabandonang Sanggol?

Walang Awang Iniwan at Hindi na Binalikan ng Misteryosong Babae ang Sanggol Nito sa Mag-Asawa sa Food Court; Ano na ang Mangyayari sa Inabandonang Sanggol?

“Ang sarap ng kinain natin, darling. Sa susunod ay dito ulit tayo kumain ha?” wika ni Sally sa asawang si Fernan.

Kakatapos lang na mag-shopping ng mag-asawa sa mall kaya naisipan nilang kumain sa food court. Nasarapan si Sally sa kinaing inihaw na manok at sisig.

“Hayaan mo, sa sahod ay dito ulit tayo kakain,” tugon ng mister.

Maya-maya ay may isang babaeng lumapit sa kanila. May pandong ito sa ulo na manipis na tela at may suot na face mask. May karga itong sanggol na tulog na tulog. Bigla silang kinausap ng babae.

“Ate, kuya, maaari ko pang iwan muna sa inyo ang anak ko? Pupunta lang ako sa CR. Mahirap kasi kung bitbit ko pa siya roon, e. Saglit lang ako at babalikan ko rin siya,” pakiusap ng babae.

Dahil malapit ang puso ng mag-asawa sa mga bata ay pinagbigyan nila ang hiling ng babae. Kahit dalawang taon na silang kasal ay hindi pa rin kasi binibiyayaan ng anak ang dalawa kaya sabik na sabik na sila sa bata.

“Sure, sige kami muna ang magbabantay sa anak mo,” sagot ni Fernan.

“Kay cute na baby naman nitong anak mo. Babae ba ito o lalaki?” tanong naman ni Sally.

“L-lalaki,” maikling tugon ng babae na nagmamadali nang nagpaalam para pumunta sa CR. “Sige ha, kayo na muna ang bahala sa anak ko?” anito.

“Huwag kang mag-alala, nasa mabuting mga kamay ang anak mo,” tugon ni Sally.

Giliw na giliw naman ang mag-asawa habang pinagmamasdan ang tulog na tulog pa ring sanggol.

“Napakasuwerte naman ng babaeng iyon na mayroon siyang napaka-cute na baby,” sambit ni Sally.

“Oo nga, darling. Sana ganyan din ka-cute ang maging baby natin,” sabi naman ni Fernan.

Ngunit ilang minuto na ang nakalipas ay hindi pa rin bumabalik ang ina ng sanggol.

“Teka, nasaan na ‘yung babae? Hindi pa rin siya bumabalik,” nag-aalalang wika ni Sally.

“Kanina pa nga siya hindi bumabalik. Ang mabuti pa ay puntahan mo na sa CR, darling, at ako na muna ang magbabantay rito sa baby,” tugon ng mister.

Dali-daling pinuntahan ni Sally ang CR para sa mga babae ngunit wala roon ang babae.

“Diyos ko! Saan kaya siya nagpunta?”

Hinanap niya sa paligid ang babae, nagtanong-tanong pa siya sa mga taong nakakasalubong niya kung may napansin ang mga ito na babaeng may pandong na tela sa ulo at may face mask ngunit walang nakapansin o nakakita rito.

Binalikan niya ang asawa at sinabing nawawala ang babae.

“Ano? Paano na itong sanggol?” naguguluhang sabi ni Fernan.

Lumapit sila sa information section ng mall at humingi ng tulong. Nanawagan sila na kung sino man ang nakakita sa babaeng nang-iwan ng sanggol sa kanila ay maari nitong balikan sa kanila sa information section, ngunit lumipas ang buong araw na walang babaeng lumapit sa kanila o nagpakita para kunin ang sanggol.

“Diyos ko, Fernan. Kaawa-awa naman ang sanggol na ito na tila iniwan ng kaniyang ina. Walang awang babae na basta na lang iniwan ang kaawa-awang sanggol na ito?” nag-aalala na may halong pagluha na sabi ni Sally.

“’Di ko lubos na maisip na may mga ganoong klase ng ina na bastang iiwan ang sariling anak at hindi na babalikan,” ani Fernan.

“Ano’ng gagawin natin sa baby na ito, darling?”

“Wala naman tayong magagawa. Hindi naman natin puwedeng iwan dito ang bata,” wika ng asawa.

Kinausap ng mag-asawa ang staff ng information section na iuuwi na lang muna nila ang sanggol, ibinigay nila rito ang kanilang contact number at address at sinabing agad silang tawagan kapag may naghanap sa sanggol. Tiwala naman ang staff sa kanila kaya pumayag na rin ito.

Iniuwi ng mag-asawa ang sanggol sa kanilang bahay. Lumipas ang isang linggo, isang buwan, hanggang inabot na ng isang taon ngunit walang sinuman ang naghanap sa sanggol. Wala man lang tumawag at pumunta sa kanilang bahay para bawiin ito. Dahil hindi sila biniyayaan ng anak ay inangkin na nila na parang tunay na anak ang sanggol. Lumipas pa ang ilang taon at lumaki na sanggol na isang mabait at matalinong bata.

“Cedie, anak! Narito na kami ni tatay!” sigaw ni Sally.

Agad na lumapit ang bata at nagmano sa mag-asawa na kapwa galing sa trabaho.

“Hi, tay, nay!” masaya nitong bati.

“O, kumusta, anak? Tapos mo na ba ang mga homework mo? Maghugas ka na ng kamay mo at maghahain na ako. Dinalhan ka namin ng tatay mo ng paborito mong inihaw na manok!”

“Talaga po, inay?

“Oo, anak. Kaya sundin mo na ang nanay mo at sabay-sabay na tayong maghahapunan,” wika naman ni Fernan.

Lumaking masunuring bata si Cedie kaya masayang-masaya ang mag-asawa na nagkaroon sila ng anak na gaya ng bata.

Isang araw habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang bata ay aksidenteng nabundol ito ng traysikel. Nakaladkad sa kalsada ang bata na nagdulot ng mga sugat sa katawan at sa ulo nito.

Nang makita ng mag-asawang Sally at Fernan ang nangyari sa bata ay agad nila itong dinala sa ospital. Halos hindi na huminto sa paghagulgol si Sally sa nangyari sa anak. Hindi naman mapakali si Fernan hangga’t hindi nalalaman kung ano na ang lagay ng bata. Nang lumabas sa emergency room ang doktor na tumingin sa kanilang anak, sinabi nitong maraming dugo ang nawala sa bata kaya kailangan itong masalinan ng dugo.

“Ano po, doc, type A ang anak namin?”

“Oo, misis. Kailangang masalinan agad siya ng dugo sa lalong madaling panahon,” wika ng doktor.

“Diyos ko, anong gagawin natin, Fernan? Parehong magkaiba ang blood type natin!” umiiyak na sabi ni Sally sa mister.

“May awa ang Diyos, darling. Makakakuha rin tayo ng dugo para kay Cedie,” tugon ng lalaki.

Maya-maya ay may lumapit sa kanilang babae na naka-unipormeng nurse.

“Ako po, ma’am, sir, type A po ako. Kanina ko pa po kayo napapansin na nag-aalala po kayo sa anak niyo. Ako po, willing po akong mag-donate ng dugo,” sabi ng nurse.

‘Di makapaniwala ang mag-asawa sa sinabi ng nurse pero laking pasasalamat nila rito dahil handa itong magbigay ng sariling dugo para sa kanilang anak.

Matapos makapagbigay ng dugo ng nurse ay isinagawa agad ang operasyon at ilang oras lang ay sinabi ng doktor na ligtas na ang bata. Labis-labis ang pasasalamat nina Sally at Fernan sa nurse na tumulong sa kanila.

“Naku, maraming-maraming salamat sa pagliligtas mo sa buhay ng aming anak. Habambuhay ka naming pasasalamatan. Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ni Sally.

“Walang anuman po. Mary Ann po ang panglan ko, ma’am!” tugon ng nurse na nagpaalam na rin sa kanila na babalik na sa trabaho.

Habang tuwang-tuwa ang mag-asawa na ligtas na ang kanilang anak ay labis naman ang pagluha ng nurse habang naglalakad ito palayo.

“Patawarin mo ako, anak, sa lahat-lahat. Alam kong masaya ka na sa bago mong mga magulang at alam kong mahal na mahal ka nila. Hindi ka maaaring mawala, anak ko, kahit ano gagawin ko mabuhay ka lang at magkaroon ng ng magandang buhay. Mahal na mahal kita, anak!” hagulgol ng babae.

Walang kaalam-alam sina Sally at Fernan na ang taong nagbigay ng dugo at nagligtas sa kanilang anak ay ang tunay nitong ina na siyang nag-iwan sa kanila sa bata noon sa mall. Hindi nila ito namukhaan dahil sa nakapandong nitong ulo noon at suot na face mask.

Siya si Mary Ann na noong panahong iyon ay iniwan ng lalaking nakabuntis sa kaniya at dahil nag-aaral pa at hindi alam ng mga magulang na nanganak siya ay naisipang iwan ang sanggol sa mag-asawang nakita niya sa food court. Sinadya ng babae na hindi na balikan ang bata. Nang isinugod ng mag-asawa ang bata sa ospital kung saan nagtatrabaho bilang nurse si Mary Ann ay nakilala sila ng babae at alam nitong ang dinala sa emergency room ay ang anak nito na iniwan noon sa mag-asawa. Dahil pareho sila ng blood type ng anak ay siya ang nagbigay ng dugo para mailigtas ang anak. Sa isip ni Mary Ann, sa pamamagitan ng kaniyang dugo ay nailigtas niya sa kapahamakan ang kaniyang anak na inabandona noon. Sa pamamagitan man lang ng kaniyang ginawa ay mabayaran niya ang malaking kasalanan niya rito. Alam niya na mahal na mahal na ng mag-asawang Sally at Fernan ang kaniyang anak kaya kahit masakit sa loob niya ay nagdesisyon siya na hindi na ito bawiin pa at maging lihim ang kaniyang tunay na pagkatao.

‘Di naman nagtagal ay nakalabas na sa ospital si Cedie at naging masigla na ulit ang bata. Ipinangako nina Sally at Fernan na hindi na nila hahayaan pang may mangyaring masama sa kanilang anak na kahit hindi nila dugo’t laman ay pinakamamahal nilang mag-asawa higit pa sa kanilang buhay.

Advertisement