
Laging Niyayabangan ng Babaeng ito ang Kaniyang Kapitbahay; Di niya Alam ay Mahusay Pala ito sa Kaniya
“Naku, mars!” hiyaw ni Lourdes nang makita ang kapitbahay na si Edna. Iwinawagayway pa niya ang natanggap na certificate ng anak na si Milo para sa unang semester ng pasukan. Paanoʼy nakasama ito sa Top 10 ng may pinakamatataas na nakuhang average ngayong first grading.
“Oh, Lourdes, masaya ka yata?” nakangiti namang bumati si Edna sa kaniya. Magalang, maganda, maaliwalas ang mukha nito nang humarap sa kaniya. Biglang natigilan si Lourdes dahil doon. Rumagasa na naman ang inggit sa kaniyang dugo. Sigurado siyang mamahalin ang ginagamit na sabon ni Edna kaya ganoon kakinis ang kutis nito.
Umiling siya nang palihim upang mapalis ang iniisip. Kailangan niyang maipamukha sa babaeng ito na ‘di hamak na mas lamang siya rito!
“Alam mo bang kasama sa top students ngayong grading ang anak ko? Hay! Iba talaga ang matalino, ano?” taas noong aniya na ang tono ay napakayabang na.
“Abaʼy maganda kung ganoon, Lourdes. Congrats kay Milo!” nakangiti pa rin namang sagot ni Edna na tila hindi naman naiinis sa asta ni Lourdes.
“E hindi ba at magkaklase ang mga anak natin? Bakit ʼyong anak mo, hindi kasama sa top? Naku! Pinababayaan mo kasing maglaro na lang nang maglaro sa labas!” harapan nang pang-iinsulto ni Lourdes ngayon sa kapitbahay. Malakas ang loob niya dahil makailang ulit na niyang ginanito si Edna ngunit kailan man ay hindi naman ito pumalag.
“Naku, hindi naman. May oras pa rin naman ang paglalaro niya at pag-aaral. Saka, hindi naman namin siya pinipilit ng papa niya na maging higit sa lahat. Gusto naming ma-enjoy niya ang pagiging bata niya, pero siyempre, may limitasyon pa rin.” Kalmado pa rin ang sagot na iyon ni Edna.
Dahil doon ay nabugnot na sa kayayabang si Lourdes at nagpaalam na lamang siyang uuwi na. Ngunit bago siya tuluyang umalis ay nagpasaring muna siya kay Edna.
“Alam mo, parang kulang sa vitamins ang anak mo. Tingnan mo, oh, ang payat, hindi gaya ni Milo ko. Pakainin mo ng prutas,” aniya pa ngunit muli, nginitian lamang siya nito.
Ang totoo ay hindi naman payat si Jasper, ang anak ni Edna. Sa katunayan ay siksik nga ang laman nito at mukhang malusog na bata, hindi gaya ng anak ni Lourdes na si Milo na pagkataba-taba nga ngunit napakatamlay naman. Sadyang inggitera lang si Lourdes kaya mahilig siyang magyabang.
Isang araw ay nagpaalam si Milo na gagawa lamang ng assignment kasama ang anak ni Edna na si Jasper. Noong unaʼy pumayag naman siya ngunit kalaunaʼy nagbago ang isip niya dahil inaakalang baka kopyahan lamang ni Jasper ang anak niya. Kaya agad siyang nagtungo sa bahay ng kapitbahay upang sunduin si Milo.
“Lourdes, pasok ka, nandoon ʼyong mga bata, nag-aaral sila,” magiliw na pagtanggap ni Edna sa kaniya at agad namang tumalima si Lourdes.
Ngunit sa pagpasok pa lamang niya sa kabahayan ng mga ito ay agad na bumungad sa kaniya ang ibaʼt ibang klase ng medalya at tropeyong nakasabit sa ding-ding at naka-display sa malaking shelf sa salas ng mga ito. Lahat ng iyon ay nakapangalan kay Jasper!
Best in Math, Best in Science, English, Filipino, Arts, Music at kung anu-ano pang parangal ang tila hinakot ng batang si Jasper simula nang ito ay mag-aral! Naka-display din ang pinaka-latest nitong achievement bilang TOP 1 ng klase ngayong grading na ito habang ang anak niyang si Milo ay nasa TOP 8 naman!
Biglang nakaramdam ng hiya si Lourdes. Tila biglang numipis ang napakakapal niyang balat sa pisngi. Halos hindi na niya malingon si Edna na noon ay nakasunod lamang sa kaniyang likuran. Gusto na niyang umuwi sa kaniyang bahay!
“Milo, anak, sa bahay ka na gumawa ng assigment!” may galit ang tinig ni Lourdes. Nilingon naman siya ng kaniyang anak.
“E, mama! Kaya nga po ako dito gumagawa ng assignment para po maturuan ako ni Jasper, e. Siya nga po ang dahilan kung bakit ako nakasama ngayon sa top. Lagi niya kasi akong tinuturuan, mama!” sabi ni Milo.
Tila sinampal nang kaliwaʼt kanan ang mukha ni Lourdes sa narinig. Matapos niyang lait-laitin si Edna sa pagpapalaki nito sa anak nito ay malalaman niyang ang mga ito pa pala ang dahilan kung bakit nakakuha ng mataas na marka ngayong semestre ang kaniyang anak?!
Nanlulumo si Lourdes nang bumalik sa kaniyang bahay. Hindi niya alam kung kakayanin niya pang humarap sa kaniyang mga kapitbahay matapos ang pangyayaring iyon. Ito ang napapala niya sa kaniyang kayabangan.