Isang Masipag na Magtataho at Isang Mabuting Samaritano; Sa Pagtatagpo Nila ay Magbabago ang Kapalaran

Bitbit ang dalawang balde ng taho sa may balikat ay nilakad ni Mang Arman ang kalsada habang sumisigaw.

“Taho! Taho kayo d’yan!” Walang tigil ang pag-aalok niya ngunit nagagalit na si Haring Araw ay wala pa siyang naibebenta.

Pasado alas-dyes na. Nanghihinang naupo si Mang Arman. Marami ang dumaraan ngunit ni wala yatang nagbabalak na bumili sa kaniyang paninda. Pinunasan niya ang tagaktak na pawis sa kaniyang mukha. Sa totoo lang ay hinahapo na rin si Mang Arman sa ginagawa niyang ito sa araw-araw, ngunit wala naman siyang ibang pagpipilian. Kailangan niyang maghanap-buhay kundi ay wala silang kakainin ng mga apong iniwan ng kaniyang yumaong anak.

Maya-maya ay tumayo na siya at muling naglakad-lakad. Pipilitin niya pa ring magtinda upang kahit papaano ay may maiuwi siyang pera ngayong araw.

Sa hindi inaasahan ay nawalan siya ng balanse dahil sa panghihina. Natapon ang taho na kaniyang ibinebenta. Hindi malaman ni Mang Arman ang gagawin. Dismayado siya at mas lalo siyang nanghina sa isiping utang pa ang perang ipinambili niya ng taho niyang paninda, ngunit ngayon ay natapon iyon at nasayang pa!

Habang inaayos ang natapong taho ay marami rin ang naki-usyoso pero walang kahit isa ang nag-atubiling tumulong. May ilan na lampas ang tingin, ang iba ay hindi siya binigyang pansin. Kinaawaan ni Mang Arman ang sarili. Pakiramdam niya ay walang gustong tumulong sa isang pobreng kagaya niya.

Sinalok niya ang natapong taho. Maya-maya ay may napadaang isang binata sa edad na bente hanggang trenta. Maganda ang pangangatawan, matangkad at gwapong binata.

“‘Tay, ano hong nangyari?” tanong nito sa kaniya.

Advertisement

“Nawalan ako ng balanse dahil sa panghihina. Mataas na rin ang sikat ng araw at sumasakit na rin ang aking ulo kaya ako natumba at natapon ang taho ko,” sagot naman ni Mang Arman.

“Mukhang wala pa pong bawas ang paninda niyo,” wika nito nang makita ang napakaraming taho na natapon sa kalsada. Panghihinayang ang mababakas sa mukha ng binata.

“Paano ho ‘yan? Makakakuha pa po ba kayo ngayon? Tanghali na rin.” Itinayo ng binata si Mang Arman.

“Siguro ay uuwi na lamang ako, Hijo.” Napakapit pa si Mang Arman sa binata dahil pa rin sa panghihina.

Hindi naman nakatiis ang binatang si Ronald.

“Magkano ho ba lahat ng taho ninyo?” tanong nito sa may edad na lalaki.

“Nasa 1, 500 ang puhunan ko. Inutang ko lang din iyon sa kapitbahay ko upang kumita kahit papaano.” Muling nalungkot si Mang Arman habang inaalala ang kaniyang problema. May utang na siyaʼy wala pa siyang kinita ngayon.

Hindi nag-atubili si Ronald na abutan ito ng dalawang libong piso. Tamang-tama at bagong sahod siya sa trabaho kaya may pera siya ngayon. Sigurado naman siyang maiintindihan siya ng ina kung sakaling tumulong siya sa kapwa. Kapos din kasi ang binatilyo dahil ang ama niya ay nasa ospital ngayon at kailangan ng maintenance na gamot.

Advertisement

“Tanggapin n’yo ho iyang nakayanan ko. Umuwi na ho kayo at magpahinga, Tatay. Delikado ang katulad nʼyo sa labas lalo na at matanda na kayo.” Naluluhang niyakap ni Mang Arman ang binata at lubos ang pasasalamat.

Sa kalayuan ay nakuhanan ito ng isang media reporter at agad na nai-ere sa TV. Sa Good Samaritan segment ng isang kilalang TV Show ay ipinakita ang buong pangyayari. Nagkaroon ng interview para kay Mang Arman at hinanap din ang lalaking si Ronald na natagpuan ng mga reporter sa ospital habang binabantayan ang ama.

Hindi ito inakala ng dalawa. Naluluha si Mang Arman sa kabaitan ni Ronald at paulit-ulit na nagpasalamat sa binata. Dinagsa ng tulong mula sa iba’t ibang tao ang dalawa. Lubos-lubos ang galak at saya ng dalawa dahil wala sa hinagap nilang mangyayari ang ganito. Na marami pa rin ang mabubuti ang kalooban at handang tumulong sa kapwang nangangailangan.

Nakita ng mga tao na pareho silang nararapat sa tulong na iyon. Isang masipag at matiyagang mamamayan si Mang Arman, habang si Ronald naman ay isang mabuting tao, mabuting anak at matulungin pa.

Naging maayos ang buhay ng dalawa sa panandaliang pagiging kilala nila, dahil na rin sa pag-eere ng kanilang kuwento sa telebisyon. Nagkaroon ng sariling pangkabuhayan si Mang Arman, habang si Ronald naman ay pinalad na matanggap bilang artista dahil sa angking gandang lalaki nito. Sa wakas ay matutustusan na niya ang pangangailangan ng kaniyang ama!