Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Dalaga ng Hindi Buong Pamilya; Ngunit Hindi na Raw Kaya ng Kaniyang Ina

Ayaw ng Dalaga ng Hindi Buong Pamilya; Ngunit Hindi na Raw Kaya ng Kaniyang Ina

“Nasaan ‘yong pera? Nasaan?!” galit na tanong ng ama ni Cherry sa kaniyang ina.

“Anong pera, Fredo? Hindi ba ikaw itong may bisyo at puro gastos ang alam? Kulang pa nga sa amin ng anak mo ang kinikita mo sa isang araw. May gana ka pa ngayong sumigaw? Wala na akong pera. Wala!” Tila nabingi si Chai sa malakas na sampal na dumapo sa kaniyang kanang pisngi na ngayon ay hismas-himas niya.

Napatakip naman sa kaniyang bibig ang dalagang si Cherry. Hindi niya inaasahan na masasaksihan niya ang pagtatalo ng magulang dahil lamang sa pera.

“Huwag na huwag mo akong sisigawan dahil ako pa rin ang padre de pamilya sa bahay na ito. Tandaan mo ‘yan!” Malakas na pagsarado ng pinto ang huling nasaksihan ni Cherry bago niya tinakbo ang kinatatayuan ng ina.

Parehas silang humahagulhol dahil sa pangyayari.

“Hindi ko na siya kaya, anak. Lulong na sa bisyo ang ama mo at malalagutan tayo ng hininga kung mananatili tayo sa puder ng iyong ama. Makikipaghiwalay na ako sa kaniya.”

Tahimik na umiyak si Cherry. Ang katotohanang maghihiwalay ang kaniyang mga magulang ay parang patalim sa puso niya, masakit at dinudurog siya nito.

“Hindi na po ba maaayos pa?” tanong ni Cherry sa ina habang nag-eempake sila ng gamit upang lumayo sa ama.

Naupo ang ina sa kama at pinaupo rin siya sa tabi nito. Hinihimas nito ang kaniyang buhok at agad niyang napansin ang namuong luha sa mga mata ng ina.

“Hindi lang naman pera ang pinagtatalunan namin, anak. Matagal na siyang nambababae pero nagbulagbulagan ako para sa ‘yo. Ayokong masira ang pamilyang kinalakihan mo pero hindi ko na siya kaya pang pakisamahan. Hindi na!” Umiiling ito habang pinupunasan ang kumuwalang luha.

Napaluha na rin si Cherry. Ngayon ay alam na niya kung bakit laging wala ang kaniyang ama.

Hindi niya nais na maghiwalay ang mga magulang niya ngunit mas pipiliin niya ang kapakanan ng ina bago ang sarili niya.

Lumipat sila sa probinsya ng Mindoro kung saan naninirahan ang lola Meling niya. Namangha siya sa ganda ng lugar. Tahimik at presko ang hangin sa lugar. May dagat na tanaw mula sa bahay ng kaniyang Lola.

“Okay ka lang ba?” Napaisip si Cherry sa tanong ng ina. Umiiling ang dalaga bilang sagot.

“Kailanman po ay hindi okay na sira ang pamilya. Hindi kailanman magiging ayos iyon dahil laging may kulang, may puwang na naiwan. Pero hayaan mo na po ‘yon, Mama. Masasanay rin po ako,” sagot niya habang nakatanaw sa kumpletong pamilya na naglalaro sa dalampasigan.

Naalala niya kung gaano sila kasaya noon. Palagi silang lumalabas at kumakain sa kung saan-saan. At sobrang pagmamahal noon ang meron siya. Daddyʼs girl si Cherry kaya naman ganoon na lang kahirap sa kaniya ang nangyayari.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago nginitian ang ina na hindi umabot sa mga mata. Gaano man kasakit ang nararamdaman niya ngayon, alam niya at bakas naman sa mukha ng kaniyang mama na doble ang bigat ng dinadala nito kumpara sa kaniya.

Lumipas ang mga taon at lalong naramdaman ni Cherry ang kakulangan niya pero nanatiling matatag. Ang bawat negatibong isipin ay agad niyang pinapalitan ng mga positibong gawi. Naging mahirap ang bawat simula ngunit sa tulong ng mga kaibigan at ng kaniyang kasintahan ay mas pinagtibay siya ng mga ito. Ginabayan siya ng ina at lubos niya iyong ipinagpapasalamat, kahit pa nangungulila siya sa kaniyang ama.

Nabalitaan nilang nakulong ang ama niya dahil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot kasama ang kalaguyo nito. Dinadalaw ito ni Cherry paminsan-minsan upang kumustahin at dalahan ng damit at pagkain. Humingi ito ng tawad na agad niya namang ibinigay. Ayaw niyang magtanim ng hinanakit dito, dahil bali-baliktarin man ang mundo, katuwiran niya ay ito pa rin ang kaniyang ama.

Ipinaramdam niya sa ina ang walang kapantay na pagmamahal. Hindi niya ito iniwan at pinabayaan hanggang sa makapagtapos si Cherry ng pag-aaral. Naging maayos ang kanilang pamumuhay matapos niyang makahanap ng magandang trabaho na kalaunan ay iniwan niya rin.

Isang negosyo ang kaniyang ipinatayo para sa ina. Buwan-buwan silang kumikita nang sapat upang maging maayos ang kanilang buhay at kailan man ay hindi na maghirap pa. Naging inspirasyon niya ang nakaraan bagaman masalimuot iyon. Kinaya niyang lampasan ang mga pagsubok, wala man ang kaniyang ama.

Advertisement