Inday TrendingInday Trending
Nanggigil ang Dalagang Ito sa Magandang Dilag na Dumadayo sa Kanila, Nagsisi Siya sa Inggit na Naramdaman nang Bigla Itong Nawala

Nanggigil ang Dalagang Ito sa Magandang Dilag na Dumadayo sa Kanila, Nagsisi Siya sa Inggit na Naramdaman nang Bigla Itong Nawala

“Naku, ayan na naman ‘yang papansing ‘yan, dumaan na naman dito porque nakita niyang maraming lalaki ang nakatambay rito,” inis na sambit ni Mikie habang nanlilisik ang mga mata sa babaeng bumibili sa katapat na tindahan.

“Ikaw naman, Mikie, ang sabihin mo, naiinggit ka lang sa kaniya. Bukod sa napakakinis na’t sobrang ganda, marami pa siyang manliligaw. Eh, ikaw? Kahit nga ata langaw, ayaw kang dapuan!” biro sa kaniya ng pinsan niyang si Jo dahilan upang mabatukan niya ito.

“Hoy, tumigil ka, ha? Baka gusto mong palayasin kita sa pamamahay ko?” panakot niya rito dahilan upang manlambing ito sa kaniya.

“Ito naman, hindi mabiro!” tugon nito habang nakakuyabit sa kaniyang braso, hanggang ngayong, tinitingnan niya pa rin ang dalagang bumibili sa katapat nilang tindahan.

“Talagang hindi! Dahil inis na inis ako sa landitay na ‘yan! Isang daan pa niyan dito sa eskinita natin, naku, mabubuhusan ko talaga ‘yan ng ihi ko sa arinola!” inis niyang sambit saka umamba nang suntok sa hangin.

“Kumalma ka nga, lalo kang mauungusan niyan pagdating sa ganda, eh!” awat sa kaniya ng pinsan dahilan upang lalo siyang mainis at habulin niya ito nang walis tambong nahablot niya.

Nasa tamang edad na nang pag-aasawa ang hanggang ngayong dalaga pa rin na si Mikie. Simula noong nasa hayskul siya hanggang ngayong may sarili na siyang trabaho’t bahay, wala pa ring nagtatangkang manligaw sa kaniya dahilan upang maitanong niya sa sarili kung ano ba ang mali at kulang sa kaniya.

Hindi man siya kasingkinis ng ibang dalaga sa kanilang barangay, may itsura naman siya’t may kabaitan. Sa katunayan pa nga, siya ang bumubuhay sa pinsan niyang si Jo dahil wala itong makitang trabaho sa ngayon.

Kaya naman hindi niya lubos maisip kung bakit hanggang ngayon, walang lalaking nais na makasama siya o kahit makausap man lang. Ang tanging nakikita niya lang na dahilan ay ang pagdating ng isang magandang dilag sa kabilang barangay, limang taon na ang nakalilipas, ang taon kung kailan niya planong magpakasal sa kung sino mang lalaking manliligaw sa kaniya.

Kaya ganoon na lang ang galit niya sa naturang dalaga kapag ito’y dadayo pa sa kanilang barangay para lang bumili ng pagkain sa katapat niyang tindahan.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang mahabol ang pinsan at mapalo ng walis tambo, agad na siyang nag-ayos para sa pagpasok niya sa trabaho. Ngunit hanggang sa trabaho, dala-dala niya ang pagkainis sa dalaga dahilan upang hindi siya makapagtrabaho nang ayos.

‘Ika niya, “Nakakainis talaga ang babaeng ‘yon! Hanggang dito sa trabaho ko, sumasagi sa isip ko!”

Kinabukasan, maaga siyang nagising dahil sa mga taong natatarantang nagtatakbuhan palabas ng eskinita. Napabuntong hininga na lang siya’t tumayo upang tingnan kung ano ang nangyayari sa labas.

Hindi siya makapaniwala sa balitang nasagap mula sa matandang napadaan, “Naku, Remi, kilala mo yung magandang babaeng dumadayo rito sa atin na taga kabilang barangay? Yung kasing edad mo na mestiza? Ayun, naabutan na lang na walang buhay kaninang madaling araw!

Uminom ng gatas na may halong panlinis ng alas na binili rito sa katapat niyong tindahan kahapon,” sambit nito, lumapit pa ito sa kaniya’t saka bumulong sa kaniya, “May lahi kasing amerikana ‘yon, kaya maraming nangungutya at nanghuhusga sa kaniya roon sa barangay nila at dahil sa inggit, na nararamdaman nila, gumagawa nang mga usap-usapang makakasira sa kaniya, hindi niya nakayanan kaya ayun, nagpakatiwak*l. Sayang ang ganda niya, ano?”

Halos mapaupo siya sa balitang narinig. Agad niya itong sinabi sa kaniyang pinsan na hindi rin makapaniwala. “Diyos ko, kawawa naman! Kita mo na, Mikie, inis na inis ka sa taong ‘yon, ‘yon pala may mabigat na pinagdadaanan!” sigaw sa kaniya ng pinsan. “Oo na, oo na, mali na ako, huwag mo na akong pagalitan, nanginginig na nga ako sa takot,” ‘ika niya saka bumuntong-hininga.

Lumipas ang araw na ‘yon na hindi niya mawaglit sa isipan ang balitang pumutok kanina sa kanilang barangay dahilan upang magtungo siya bahay ng naturang dalaga kasama ang kaniyang pinsan upang makiramay.

“Ang ganda mo talaga, ano? Hindi nakakapagtaka kung bakit ikaiinggitan ka namin. Pasensiya ka na, ha? Kung alam ko lang na mabigat ang kinakaharap mo, tutulungan kita,” pigil luha niyang bulong sa magandang bangkay sa loob ng isang kabaong.

Doon niya napagtantong hindi kasalanan ng naturang dalaga kung bakit wala siyang nobyo o kahit manliligaw dahil ang tanging dahilan nito ay ang masamang tabas ng kaniyang dila at ang puso niyang puno ng inggit sa kapwa.

Advertisement