
Tinuksong Kalbo ng Binata ang Katrabahong Matagal Nawala, Labis Siyang Naawa nang Malaman ang Kalagayan Nito
“O, tingnan mo, pare, himala, pumasok ulit si Wancho! Aba, teka, kalbo na si Wancho!” sigaw ni Fred, isang araw nang makita ang katrabahong ilang buwang lumiban sa pagpasok.
“Aba, oo nga, ano? Nagmukha tuloy siyang pugo!” biro ng isa niya pang katrabahong si Jorge dahilan upang magtawanan pa ang iba nilang katrabaho.
“Anong pugo? Itlog kamo ng dinosaur! Ang laki ng ulo niyan, o!” tugon niya dahilan upang maghalakhakan lalo ang kanilang mga katrabaho, hindi pa siya nasiyahan, tinawag niya pa ito’t inalaska, “Hoy, Pareng Wancho! Kumusta ka na? Ang tagal mong nawala, ha? Mukhang napagdiskitahan mo ang buhok mo habang nasa bakasyon ka, ha?” dagdag niya dahilan upang mag-ihit na sa katatawa ang iba nilang katrabaho.
“Naku, ah, eh, ano kasi, eh,” uutal-utal na sagot ni Wancho habang kamot-kamot ang ulo.
“Ayos lang ‘yan, ayaw mo no’n, nakadagdag ka sa liwanag ng restawran!” sambit niya rito saka hinimas-himas ang kumikinang nitong ulo. “Ano ‘yan bumbilya?” sabat ng isa pa niyang katrabaho dahilan upang lalo pa silang magtawanan.
Laging utak nang kalokohan ang binatang si Fred dahilan upang labis siyang kawilihan ng kaniyang mga katrabaho ngayon. Bata pa lamang siya, namulat na siya sa malokong pamumuhay ng kaniyang ama na talaga nga namang nadala niya hanggang sa pagtanda.
Sa katunayan pa nga, noong siya’y limang taong gulang pa lang, tinaguan nilang mag-ama ang kaniyang ina. Kahit anong sigaw nito, hindi sila lumalabas sa kanilang pinagtaguan, at nang tatawag na sana ito ng pulis dahil nga matagal na silang nawawala, ginulat ito ng kaniyang ama habang binuhusan naman niya ito nang nagyeyelong tubig dahilan upang mapaiyak ito na labis nilang ikinatuwa.
Ito ang naging simula nang kaniyang pagiging palabiro. Kahit na minsa’y nakakapikon ang kaniyang mga ginagawang biro, pinagpapasensiyahan na lang siya ng kaniyang mga magulang, mga kaanak, mga kaibigan at mga katrabaho na ngayo’y nabibiktima na niya dahil nabibigyan niya naman ang mga ito ng kasiyahan dahil sa mga ginagawa niyang kalokohan.
Bukod pa roon, masaya talaga siyang kasama. Hindi siya nauubusan ng kwento, pati nga ang kwento ng kaniyang pagpapatuli, nakuwento na niya sa lahat ng kaniyang mga kakilala dahilan upang labis siyang kagiliwan ng mga ito.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang pangunahan ang pang-aalaska sa katrabaho nilang kalbo, bigla silang tinipon ng kanilang manager na labis nilang pinagtaka lahat.
“Narinig ko kasing pinagtatawanan niyo si Wancho dahil wala siyang buhok ngayon. Gusto ko lang ipaalam sa inyo na sumailalim kasi siya sa chemo therapy, may kans*r siya,” balita nito na talaga nga namang ikinagulat nilang lahat, tinignan niya ang katrabaho nilang si Wancho, nakatungo lang ito’t tahimik na nakaupo sa isang sulok habang hinihintay matapos ang kanilang pagtitipon dahilan upang mapabuntong hininga siya, “Sa katunayan, may taning na ang buhay niya, tatlong buwan na lang ang itatagal niya at gusto niya, sa tatlong buwang iyon, maigugol niya sa pagtatrabaho rito.
Ganoon niya kamahal ang trabaho niya kaya parang-awa niyo na, tulungan niyo siyang sumigla ulit na para bang mabaha pa siyang mabubuhay,” dagdag pa nito dahilan upang mapatahimik silang lahat, ang iba’y hindi na napigilan lumuha.
Maya-maya pa, tuluyan nang nagbukas ang kanilang restawran, nagsimula nang dumaksa ang mga tao at kitang-kita ni Fred kung paano biglang nabuhayan ng loob ang katrabaho niyang kanina’y tahimik lang sa isang sulok. Ngiting-ngiti itong nakikipag-usap sa mga customer na para bang walang nararamdamang sakit sa katawan.
Dito na napagtanto ni Fred na mali talaga ang ginawa niyang pang-aalaska rito kanina. ‘Ika niya, “Tiyak nasaktan ko siya kanina, minsan talaga sobra na ang pagkapalabiro ko, sana hindi siya galit sa akin,” saka niya tinulungang magbigay ng mga orders ang naturang binata ngumiti lang ito sa kaniya saka siya kinindatan.
Pagkatapos ng kanilang trabaho, napagdesisyunan nilang lahat na magkaroon nang munting salu-salo upang makabawi sa ginawa nila sa katrabaho. Agad naman itong sumama at nakipagsaya sa kaniya.
Ang kasiyahang iyon ay nasunod pa nang nasundan na halos gabi-gabi, sila sila ang magkakasamang natutulog sa iisang bahay na labis naman nilang ikinatuwang lahat.
Ngunit isang araw, pagkatapos ng kanilang pagtatrabaho, bigla na lang itong natumba dahila upang isugod nila ito sa ospital at doon na nga ito nalagutan ng hininga na labis na nakapagpalungkot sa kanila.
Bago pa ito pumikit, hinding-hindi malilimutan ni Fred ang sinabi nito, “Salamat sa inyong lahat, sa huling tatlong buwan ng buhay ko, nakaramdam ang nang panghabang-buhay na saya. Kita-kita tayo sa langit, mga kapatid kong natagpuan ko sa trabaho.”