
Winaldas Lang ng Dalaga ang Tulong na Ipinapadala ng Kaibigan, Nagsisi Siya nang Bigla Itong Hindi Nagparamdam
“Friend, buntis na naman ako, eh,” nakatungong balita ni Lita sa kaniyang kaibigan nang minsan siyang kitain nito sa isang kapehan upang bigyan ng pera pangbayad ng kaniyang tuition.
“Paano nangyari ‘yon, eh, wala ka na namang asawa o kahit nobyo, hindi ba?” pagtataka nito.
“Nadisgrasya ako no’ng kaklase ko at ayaw akong panagutan,” mangiyakngiyak niyang sambit dahilan upang mapailing ito.
“Diyos ko naman, Belle, ano nang balak mo? Paano ang pag-aaral mo?” tanong nito saka napakamot sa ulo.
“Mukhang titigil muna ako, friend, pero pwede bang yung ibibigay mo sa akin na pang-aral ko, ibigay mo pa rin sa akin kahit hindi ako pumapasok? Ipangbibili ko ng gatas ng panganay ko saka yung sobra, itatago ko para sa panganganak ko,” tugon niya saka mahigpit na hinawakan ang kamay ng kaibigan.
“Hay naku, Belle, ano pa nga ba? O, sige, basta ipangako mo sa akin, mag-aaral ka ulit pagkapanganak mo para naman makahanap ka ng magandang trabaho para sa mga anak mo,” wika nito saka siya inabutan ng isang sobreng naglalaman ng pera na labis niyang ikinatuwa.
“Pangako, ang bait bait mo talaga!” masigla niyang sambit saka mahigpit na niyakap ang kaibigan.
Maituturing isa sa mga pinakaswerteng dalaga si Milyn dahil sa matalik niyang kaibigang walang sawang tumutulong sa kaniya. Mapapagkain niya sa araw-araw, baon sa eskwelahan, at kahit pambili niya ng uniporme, ito ang sumasagot dahil sa kagustuhan nitong isama siya sa pagtaas sa buhay.
Noong sila’y nasa hayskul pa lang, nangako na sila sa isa’t isa na gagawin nila ang lahat para parehas silang makapagtapos ng kolehiyo kahit pa mahirap lang silang dalawa noon. ‘Ika pa ni Milyn, “Kahit maglako tayo ng mga kakainin, gagawin natin, ha? Makapagtapos lang tayo!” na talaga nga namang pinanindigan nilang dalawa.
Matagumpay nga silang nakapagtapos ng hayskul at nakapasok sa isang unibersidad na kanilang pinapangarap. Lahat nang iyon ay nagawa nila dahil sa sikap at tiyaga nilang maglako ng mga kakainin at ng kung ano-ano pa.
Ngunit nang tumuntong na sila sa ikatlong taon sa kolehiyo, napag-alaman ni Milyn na siya’y nagdadalang-tao dahilan upang mapilitan siyang tumigil dahil sa kahihiyang nararamdaman. Doon na nangako ang kaniyang kaibigan na tutulungan siya nitong bumalik sa pag-aaral kapag ito’y nakapagtapos na’t may sarili nang trabaho.
Ilang taon pa ang lumipas, matagumpay na ngang nakahanap ng trabaho ang kaniyang kaibigan dahilan upang muli na siyang bumalik sa pag-aaral. Ito na ang siyang nagpapaaral sa kaniya ngayon. Todo bigay ito sa tuwing siya’y uungot. Sa katunayan pa nga, tuwing kaarawan pa ng kaniyang anak, ito pa ang gumastos para maipagdiwang ito.
May mga pagkakataon namang sinosobrahan niya ang paghingi rito upang may mapamudmod sa mga bago niyang kaibigan sa unibersidad na pinapasukan. Pinapainom niya ang mga ito, inililibre ng milktea pagkatapos ng klase o kung minsan, siya pa ang nagbabayad ng utang ng mga ito sa kanilang kantin.
Ang pag-uugali niyang ito ang nagdala sa kaniya sa isa na namang dahilan upang tumigil siya muli sa pag-aaral. Ngunit imbis na mawalan ng pag-asa nang malamang buntis siya, parang wala lang ito sa kaniya dahil ‘ika niya, “Nandiyan naman ang kaibigan ko, eh, bibigyan niya ako ng pera.”
Noong araw na ‘yon, pagkatapos nilang magkita ng kaibigan, dumiretso siya sa bahay ng isa niyang kaklase upang mag-inom. Ipinagyabang niya ang perang hawak niya dahilan upang magpalibre nang magpalibre ang mga ito sa kaniya.
Winaldas niya nga ang perang pambili sana ng gatas ng kaniyang anak at pangbayad sa kaniyang tuition. Masaya niyang nilasing ang sarili. Ngunit maya-maya, bigla na lang tumawag ang kaniyang kaibigan, binalitang nasa labas ito ng bahay ng kaniyang kaklase dahilan upang siya’y mataranta.
Nang maayos na ang sarili, agad siyang lumabas ng bahay at sinabing may ginagawa siyang proyekto rito.
“Alam mo, matagal ko nang nababalitaang winawaldas mo lang ang perang bigay ko, pero hindi ko pinaniniwalaan kasi kaibigan kita, pero ngayong nakita ko ang lahat, hindi ko na ata kayang kunsintihin ka. Pasensiya na, Belle, hindi na kita mapag-aaral at masusustentuhan. Buhay mo na ‘yan, hindi ko na siguro kargo ‘yan,” sambit nito saka siya iniwang mangiyakngiyak.
Hindi na nga muling nagpakita ang kaibigan niyang iyon. Kahit tawagan o padalhan niya ng mensahe, hindi ito sumasagot. Humingi man siya ng tawad at mangakong hindi na muli wawaldasin ang perang ibibigay nito, wala na siyang natanggap kahit isang mensahe mula rito.
Doon na niya naramdaman ang hirap ng buhay, lalo pa nang papalapit na ang kaniyang panganganak. Labis man siyang magsisi, wala na siyang ibang magawa kung hindi magdasal na sana, malagpasan niya ang pagsubok na ito na buhat nang masama niyang gawain.