Inday TrendingInday Trending
Nawala sa Pamilyang Ito ang Lahat; Ngunit Nang Ibalik Ito sa Kanila, May Pasobra Pa!

Nawala sa Pamilyang Ito ang Lahat; Ngunit Nang Ibalik Ito sa Kanila, May Pasobra Pa!

Basang-basa na ng ulan ang mag-anak nang makakita sila ng isang saradong tindahan na maari nilang silungan.

Mabuti na lamang at sarado na ito. Kadalasan kasi ay itinataboy sila kapag lumalapit sila sa mga establisyimento.

Madumi raw kasi sila. Mabaho. Malas daw sa negosyo.

Sumabay sa agos ng luha ni Emman ang tubig ulan nang mapansing nangangaligkig sa lamig ang kanyang mag-inang si Myrna at Tommy.

Wala siyang magawa kung hindi yakapin ang asawang karga-karga ang kanilang anak.

Maya-maya pa ang naramdaman niya ang pag-alog ng balikat ng asawa, tanda na umiiyak din ito.

Hindi kasi nila akalain na sa isang iglap lang ay mawawala ang pinaghirapan nilang mag-asawa.

Naloko siya ng kaniyang business partner. Paunti unti nitong ninakaw ang pera ng kanilang kompanya. Kaya nabaon sila sa utang, hanggang sa mailit ng bangko ang lahat ng kanilang ari-arian.

Hindi na nila naipaglaban pa sa korte ang kaso. Bukod kasi sa kawalan nila ng perang pangtustos, binayaran ng kaniyang business partner ang mga kakilala nilang abogado upang walang tumulong sa kanila.

Kasalanan niya ang lahat. Masyado siyang mabait at mapagtiwala. Hindi niya man lang natunugan na may ginagawa na palang kabulastugan sa likuran niya ang kaniyang business partner.

“Sorry, Myrna. Hiyang-hiya ako sa inyo ni Tommy,” umiiyak na bulong niya sa asawa.

Naramdaman niya ang marahang pagpisil nito sa kaniyang kamay.

“May dahilan ang lahat, Emman. Sigurado akong may plano ang Diyos para sa atin. Lilipas din ang unos, kaya kailangan natin maging matatag para kay Tommy,” banayad na wika ni Myrna sa asawa.

Tahimik na patuloy na lumuha si Emman. Maswerte siya dahil hindi siya iniwan ng asawa.

Lahat kasi ng mga itinuring niyang malalapit na kaibigan ay tinalikuran siya nang mawala ang kanilang mga ari-arian.

Wala man lang ni isang nag-abot ng tulong sa kanilang pamilya. Kaya ngayon, nangangalakal silang mag-asawa umulan umaraw, bitbit ang kanilang kariton na nagsisilbing bahay nila.

Malayong-malayo ito sa buhay na nakagisnan nila, ngunit kailangan ni Emman maging malakas para sa kaniyang mag-ina.

Sumapit ang umaga at isang araw na naman ang kakaharapin nila. Mabuti na lamang at maganda ang panahon, hindi sila kakailanganin maghanap ng masisilungan.

Abala ang mag-asawa sa pangangalkal ng kalakal sa nadaanang basurahan nang marinig ang iyak na isang bata.

“Mommy! Daddy!”

Nalingunan nila ang isang batang lalaki na tila nawawala. Sa tingin ni Emman ay kaedad ito ng kanilang anak na si Tommy.

Sinuyod ng mata ni Emman ang paligid ngunit hindi niya nahanap ang magulang na hinahanap ng bata.

“Hijo!” Tawag ni Emman sa bata.

Bahagyang huminto sa pag-iyak ang bata at hinanap ang taong tumatawag dito.

Nang makitang isang madusing na lalaki ang tumatawag dito ay nahihintakutang muling umiyak ang bata.

Naiiling na nilapitan ni Myrna ang bata. “Hijo, nawawala ka ba?” marahang tanong ni Myrna sa batang umiiyak.

Tumutulo ang luhang tumango ang bata.

“Nakabitiw lang po ako kay mommy biglang hindi ko na siya makita!” Umiiyak na sumbong nito.

“O sige, ‘wag ka na umalis dito, hintayin natin dito ang mommy at daddy mo, malamang naman babalikan ka nun. Dito ka muna sa amin, ok? ‘Wag ka na umiyak,” alo ni Myrna sa bata.

“Hijo, ano bang pangalan mo?” tanong ni Myrna sa bata.

“JB po,” sagot ng bata.

“Tommy, halika dito’t maglaro muna kayo ni JB!” malakas na tawag ni Myrna sa anak na mag-iisang naglalaro sa kanilang kariton.

Agad namang lumapit si Tommy kay JB. Maya-maya pa ay masaya nang naglalaro ang dalawang bata.

“Kawawa naman ‘yung bata, nahiwalay raw sa mommy niya, pinatambay ko muna diyan, kalaro ni Tommy. Hahanapin naman ‘yan maya-maya,” kwento ni Myrna sa asawa.

Ngunit laganap na ang dilim ay wala pa ding naghahanap sa bata. Namroblema tuloy ang mag-asawa kung saan dadalhin ang bata. Wala rin kasi silang ipapakain sa bata kung sakaling magtatagal pa ito ng kaunti sa poder nila.

Naaawa naman sila sa bata dahil nang sabihin nilang dadalhin nila ito sa pulis, muli itong nag-iiyak.

Nang makarating sila sa lugar kung saan sila natutulog, pinutakti sila ng tanong at komento ng mga kasamahan nila na pawang mga homeless din.

“Sino ‘yang batang ‘yan?”

“Naku, nagsama pa kayo ng ibang bata, kayong tatlo nga lang eh hirap na makakain ng tatlong beses sa isang araw!”

Si Berto, ang kilalang pinakahalang ang kaluluwa ng lugar na iyon, ay agad na nalapitan si Emman.

“Pare, alam mo bang pwede natin pagkakitaan ang batang ‘yan?” bulong nito habang nakatingin kay JB na masayang nakikipaglaro kay Tommy.

Kunot-noong tumingin si Emman kay Berto.

“May kakilala ako, bumibili ng bata, malaki ang bentahan! Siguradong makakakuha kayo ng bahay na uupahan. Basta balatuhan mo lang ako ng kaunti.” Malaki ang ngisi nito.

Kumabog ang dibdib ni Emma sa sinabi ng lalaki. Bagaman may ideya na siya sa pinahihiwatig ng lalaki, nagtanong pa rin siya.

“Anong ginagawa nila sa mga bata?”

“Madami, pare. ‘Yung iba, namamalimos. ‘Yung mga minamalas, binebenta yung mga lamang loob. Mas mahal ang benta sa ganun,” kaswal na kwento ng lalaki.

Nanghilakbot naman si Emman sa sinabi ng lalaki. Hindi niya masikmura ang sinabi ng lalaki.

“Hindi ko magagawa sa bata ‘yun, Berto. May anak akong tao. May magulang ‘yan,” tanggi niya sa lalaki.

“Hindi mo naman kilala ‘yan, pare. Isa pa, tiyansa mo na ‘to para magsimula ulit,” patuloy pang pandedemonyo ng lalaki.

Mariing umiling si Emman. “Hindi mo maiintindihan, pare. Wala ka kasing anak. Saka pare, hindi ako patutulugin ng konsensiya ko kung gagawa ako ng ganiyang kasalanan sa kapwa ko magulang,” mahabang paliwanag ni Emman kay Berto.

Halos hindi nakatulog si Emman sa takot na may kumuha sa bata. Kaya naman maaga pa lamang ay inihatid na nila sa police station si JB.

Sa kabutihang palad, naabutan nila doon ang magulang ng bata.

“Diyos ko! JB, anak!” Iyak ng nanay ng bata nang makita ang anak na nawawala.

“Mommy!” Tuwang tuwang wika ng batang lalaki na nagtatakbo palapit sa ina nito.

“Akala ko hindi na namin siya makikita, takot na takot kami,” kwento ng ama ng bata habang abot abot ang pasasalamat sa mag-asawang sina Myrna at Emman.

Hindi pumayag ang mag-asawa na tumanggap ng kahit na anong pabuya sa mag-asawang nagpakilalang si Mary at Jeffrey kaya naman walang nagawa ang mga ito kundi alukin na lamang ang mag-asawang Emman at Myrna na kumain ng almusal bilang pasasalamat.

Bagaman nahihiya ay nagpaunlak ang mag-asawa lalo na’t kumakalam din ang kanilang sikmura.

Sa kanilang pagkukwentuhan ay hindi naiwasan ni Emman na ikwento ang dating buhay sa mag-asawa.

Gulat na gulat ang mag-asawa sa kwento ni Emman. Ngunit mas ikinagulat niya ang sunod na sinabi ni Mary.

“Siguro ay nakatadhana talaga tayong magkakilala, ano? Alam mo ba na abogado kaming mag-asawa? Base sa kwento mo, malaki ang pag-asa natin na maipanalo ang kaso kung ilalaban natin ‘to sa korte.”

Nanlaki ang mata ng mag-asawang Myrna at Emman sa sinabi ng babae. Ngunit maya-maya ay bumagsak din ang balikat ni Emman nang may maalala.

“Kaso, wala kaming pambayad,” nakayukong wika ni Emman.

Naramdaman niya ang mahinang pagtapik sa kaniyang baikat. Nabungaran niya ang ngiti ni Jeffrey.

“Malaki ang utang na loob namin sa inyong mag-asawa. Baka nga kulang pa itong kabayaran. ‘Wag kayong mag-alala, tutulungan namin kayo sa abot ng aming makakaya,” pangako ng lalaki, na sinegunduhan ng asawa nitong si Mary.

Tinupad ng mag-asawa ang pangako ng mga ito. Mahaba at nakakapagod ang naging proseso ng pagbawi nila ng perang ninakaw sa kanila ngunit hindi sumuko ang mag-asawa.

Matapos ang madugong siyam na buwan na pakikipaglaban ng mag-asawa sa korte ay naibalik kay Emman ang pera na ninakaw ng kaniyang business partner.

Lumuluha na nagpasalamat ang mag-asawang Myrna at Emman sa dalawang abogado na hinulog ng langit para tulungan sila.

Marahil ay sinuklian ng langit ang pagiging mabuti nila.

Napatunayan ng mag-asawa na tunay ngang may dahilan ang bawat pangyayari. Kung hindi nawala ang lahat sa kanila ay hindi nila makikilala ang mga tunay na kaibigan sa katauhan ng mag-asawang Mary at Jeffrey, na naging kaibigan nila ng matagal na panahon.

Advertisement