
Pinaaral ng Tiyuhin ang Lahat ng Kaniyang Pamangkin; Nang Nakapagtapos ang mga Ito at Nagkasakit ang Ginoo ay Ganito ang Kanilang Ginawa
“Sita, baka naman may ekstra kang p’wedeng pagkakitaan d’yan? Kailangan ko kasi ng dagdag trabaho dahil malapit na ang pasukan nila Goergette. Tapos ang dami kasing kailangan sa pag-aaral ng mga alaga ko,” tanong ni Harold sa kaniyang kaibigang si Sita.
“Naku, bakit kasi ikaw ang umiintindi sa mga responsibilidad na ‘yan, Harold? Bakit hindi mo ibigay sa mga magulang nila? Nasanay na tuloy ang mga kapatid mo na umasa sa iyo,” tugon ng kaibigan.
“Pabayaan mo na. Wala naman akong sarili kong pamilya. Saka gipit din ang mga kapatid ko. Ako lang ang maaasahan nila,” depensa ng ginoo.
“Ang sabihin mo, nasanay na silang sumandal sa iyo. Kaya hindi ka na nakapag-asawa ay dahil wala kang inisip kung hindi paano masusuportahan ‘yang mga kapatid mo at mga pamangkin mo. Aba, tumatanda ka na, Harold. Puro sakit ng ulo na lang ang naranasan mo,” saad muli ni Sita.
“Ang dami mo namang sinasabi, Sita. Ano ba? May maibibigay ka bang trabaho sa akin?” giit ni Harold.
“Sige, bukas pumunta ka sa palengke. Kailangan ko ng makakasamang magtitinda doon.” wika ni Sita sa kaibigan.
Magli-limangpung taong gulang na si Harold ngunit ni hindi na ito nagkaroon pa ng sariling pamilya dahil pinasan na niya ang responsibilidad sa mga anak ng kaniyang mga kapatid. Dahil pare-parehong walang trabaho ay siya na ang nagpapaaral sa mga ito at nagbibigay ng baon. Naniniwala siya na tanging ang edukasyon lamang ang makakapagpabago ng kanilang buhay kaya ganoon na lamang niya igapang ang pag-aaral ng mga ito. Kahit pa kung anu-ano nang trabaho ang kaniyang mapasukan.
“Maraming salamat, Sita, at isinama mo ako rito. Makakaipon ako kahit paano ng pangmatrikula ng pamangkin ko. Saka pangbaon-baon din,” wika ni Harold.
“Grabe na ang paghihirap sa mga pamangkin mo na iyan, Harold. Baka mamaya ay wala ka ring mapala kapag ikaw na nangailangan,” saad ni Sita.
“Hindi ko ‘yan iniisip, Sita. Ang mahalaga sa akin ay mabago ko ang kanilang buhay. Nang sa gayon ay hindi nila danasin ang hirap na dinaranas namin ngayon. Saka hindi naman ako naniningil ng utang na loob, ginagawa ko ang responsibilidad na ito sa pagmamahal ko sa kanila,” pahayag ng ginoo.
“E paano kapag ikaw na ang nangailangan, Harold? Sino ang susuporta sa’yo? Aminin na natin na hindi na tayo bumabata. Hanggang kelan kakayanin ng katawan mo ang pagtatrabaho para sa kanila?” sambit ng kaibigan.
“Hanggang kaya ko, Sita. Masaya ako sa ginagawa ko para sa kanila. Parang ito na nga ang nakita kong pakay ko sa mundo,” pahayag nito.
Nang dumating na ang pasukan ay masayang pinagmamasdan ni Harold ang kaniyang mga pamangkin na kumpleto sa gamit at maayos ang mga postura. Kahit na sa mga pampublikong paaralan lamang nag-aaral ang mga ito ay magagaling naman sa klase ang kaniyang mga pamangkin. Lahat ng mga ito ay may karangalan.
Nagdaan ang mga taon at ang pamangkin niyang si Georgette ay nakatapos na ng pag-aaral habang ang iba ay nasa kolehiyo pa rin. Bayukos na ang likod ni Harold sa pagtatrabaho upang hindi mahinto sa pag-aaral ang mga ito. Tinutulung-tulungan din siya ni Georgette sa pagpapaaral naman sa mga kapatid ng dalaga.
Tuluyan na ngang nakatapos ang lahat, nakapagtrabaho at nagkaroon na ng kaniya-kaniyang buhay. Dahil na rin sa katandaan ay unti-unti nang nagkaroon ng sakit itong si Harold.
Dinalaw ito ng kaniyang kaibigan sa bahay niya kung saan nakatira ito ng mag-isa.
“Tingnan mo ngayon, may sakit ka. Ito ang sinasabi ko sa’yo, Harold. Hindi ka nakapag-ipon. Wala kang pambili ng gamot man lamang o kaya ay pampatingin sa doktor,” sambit ni Sita.
“May kaniya-kaniya nang buhay ang mga pamangkin ko. Masaya ako dahil naging maayos ang buhay nila. Tulad ng sinabi ko, hindi nila kailangan bayaran iyon sa akin,” pahayag ni Harold.
“Malungkot tumanda nang mag-isa, Harold. Alam ko namang nararamdaman mo iyan. Napakarami mong tinulungan ngayon ay wala man lamang kumukumusta sa iyo,” saad pa ng kaibigan.
Maya-maya ay nagsidatingan ang mga pamangkin ni Harold.
“Tiyo Harold, bakit hindi po ninyo sinabi sa amin na may sakit kayo? Hindi po ba sinabi namin sa inyo na kung may kailangan ay tumawag lang kayo?” wika ni Goergette.
Lumiwanag naman ang mukha ni Harold sa pagdating ng mga pamangkin.
“Ayoko na kasing makadagdag sa mga iniisip ninyo,” tugon ni Harold.
“Tiyo, kahit kailan ay hindi ka magiging abala sa amin. Pasensiya na kayo kung madalang na namin kayong madalaw dahil sa pagkaabala namin sa trabaho at pamilya. Pero palagi naman kaming tumatawag sa inyo kaya sabihin niyo sa amin ang totoong kalagayan n’yo,” wika pa ng pamangkin.
Nang makita ng mga pamangkin ang tinutuluyan ni Harold ay agad nila itong ipinagawa. Agad din siyang pinatignan sa doktor at buwan-buwan siyang pinadadalhan ng mga gamot upang siguraduhin na hindi mahihinto ang pag-inom niya nito. Sagot din ng kaniyang mga pamangkin ang pagkain at iba pang gastusin sa bahay. Madalas din siyang dalawin ng mga ito.
Lubusan ang kaligayang nararamdaman ni Harold. Hindi niya inaasahan na magiging ganito ang balik sa kaniya ng kapalaran. Hindi siya umasa ng kahit ano sa mga pamangkin. Ang nais lamang niya ay mapabuti ang kanilang mga buhay. Dahil sa pagmamahal na kaniyang itinanim sa mga pamangkin ay sinuklian siya ng mga ito ng lubusang pagmamahal din.