
Minamaliit ng Isang Mister ang Ginang Sapagkat “House Wife” Lang Daw Ito; ‘Di Niya Inakala na Babaliktad ang Tadhana
“Leny, umiiyak si Junior. Mamaya ka na nga maglaba d’yan! Patulugin mo muna ‘to!” sigaw ni Gerry sa kaniyang asawa.
“Baka p’wedeng buhatin mo muna si Junior. Kailangan ko din kasing bilingin ‘yung isdang pinipirito ko para makakain na tayo,” tugon naman ng ginang.
“Kakauwi ko lang sa trabaho. Ngayon lang ako mauupo, uutusan mo na ako kaagad. Pagod na pagod ako sa dami ng pinapagawa sa opisina. Ikaw na ang magpatulog kay Junior!” utos ng asawa.
Wala nang nagawa pa si Leny kung hindi itigil ang kaniyang paglalaba at pat*yin ang apoy ng kaniyang niluluto.
Limang taon nang mag-asawa sina Gerry, isang klerk at si Leny, dating receptionist sa isang hotel. Napilitan si Leny na huminto ng pagtatrabaho upang pagtuunan ang kanilang pamilya lalo na ang dalawa nilang mga anak. Dahil hindi na kaya ng sahod ni Gerry ang kumuha ng kasambahay at ayaw niya rin ipaalaga sa iba ang kaniyang mga anak kaya’t si Leny na ang gumagawa ng lahat ng gawain.
“Bakit wala pang pagkain? Gutom na gutom na ako!” reklamo ng mister.
“Ang dami ko kasing ginawa sa bahay kanina. Sumakit pa ang tiyan ng panganay nating si Len-len. Kaya tanghali na rin ako nakapamalengke kanina. Pasensiya ka na,” saad ni Leny.
“Sige na, magluto ka na. Tulog na ata si Junior. Saka isama mo na rin itong si Len-len sa kusina. Ang daming ikinakalat dito sa sala at napakadaming tanong. Gusto kong magpahinga muna,” sambit muli ni Gerry.
Hindi na magkandaugaga sa mga gawain at pag-aalaga ng anak si Leny. Madalas nga ay hindi na ito makakain ng maayos. Madalas din siyang puyat dahil nga siya pa rin ang gumigising sa madaling araw upang magpadede sa sanggol na si Junior. Hindi na alam ni Leny kung paano hahatiin ang kaniyang katawan habang ang kaniyang mister ay hindi rin magawang tumulong sa kaniya pagkagaling sa opisina.
“Gerry, baka mamaya ay p’wede mo namaang patulugin itong si Len-len. Itutuloy ko lang ang mga labahin ko. Saka magsasampay ako. Para bukas ay hahanguin ko na lamang at ititiklop ang mga damit kapag tulog ang mga bata,” pakiusap ng ginang.
“Pagod nga ako, Leny. Buong araw akong nakaharap sa kompyuter. Sa akin mo pa rin ipapagawa ‘yan?” sambit ng asawa.
“Nanghihingi lang naman ako ng tulong sa iyo dahil ang dami ko pang gagawin. Napapagod din ako dito sa bahay,” tugon ni Leny.
“Anong nakakapagod dito sa bahay? Buti nga nandito ka lang sa bahay. Subukan mong mamasahe papunta sa trabaho at pauwi. Buong araw akong nagtrabaho para lang may maiuwing pera panggastos natin. Ni hindi niyo man lang ako bigyan ng kaunting pahinga!” galit na wika ni Gerry.
Kahit anong paliwanag ang gawin ni Leny ay hindi siya pinapakinggan ng asawa. Hindi rin siya nagawang tulungan nito kahit anong pakiusap niya. Ang tingin ni Gerry ay maginhawa ang buhay ng kaniyang misis dahil nasa bahay lamang ito. Kung humihingi ng tulong ang misis ay madalas pa niya itong sumbatan.
Ilang linggo ang nakalipas at hindi inaasahan ni Gerry na isa siya sa mga mapipili ng kumpanya na tanggalan ng trabaho. Ang perang nakuha ng ginoo mula sa kumpanya ay sasapat lamang para sa isang buwan nilang pangangailangan.
“Wala pa rin akong nahahanap na trabaho. Mauubos na ang pera natin,” saad ni Gerry sa asawa.
“Gusto mo ay ako na lang ang maghanap ng trabaho? Kapag may tumawag na sa iyo sa mga kumpanya na inaplyan mo, saka ako hihinto sa pagtatrabaho,” wika ni Leny.
Sinubukan ni Leny ang maghanap ng trabaho at sa hindi inaasahang pagkakataon ay natanggap kaagad siya. Dahil dito ay bumaliktad ang kanilang mga mundo. Siya na ang nagtatrabaho at ang mister niyang si Gerry ang naiiwan sa bahay.
Ang akala ni Gerry na madaling gawain ng isang maybahay ay kaniyang naranasan. Unang araw pa lamang ay hirap na hirap na siya. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin kapag sabay nang humagulgol ng iyak ang dalawang anak. Hindi rin niya alam kung paano nagagawa ni Leny ang lahat ng gawain sa likod ng mga pagtugon sa pangangailangan ng dalawang anak.
Pag-uwi ni Leny galing sa trabaho ay lubusan niyang ikinagulat ang kalat ng bahay, dungis ng mga bata at wala pang nailulutong pagkain.
“Anong nangyari dito sa bahay?” tanong ni Leny sa asawa.
“Mabuti na lamang at narito ka na, Leny. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Ayaw magpababa ni Junior tapos itong si Len-len ay walang tigil sa pagkakalat. Mamaya-maya ay iiyak din dahil may mga gusto siyang gawin na hindi ko maintindihan,” pahayag ni mister.
“Ano ang nailuto mong pagkain? Tara na at kumain muna. Nagugutom na kasi ako e,” paanyaya ni Leny.
“W-wala pa akong nailuluto, Leny. Pasensiya ka na,” paumanhin ng ginoo.
Napangiti na lamang si Leny. “Ayos lang. Naiintindihan ko naman kung gaano kahirap pagsabay-sabayin ang mga gawaing bahay at pag-aalaga sa mga bata. Huwag kang mag-alala, ako na ang magluluto,” wika ng misis.
Hindi na napigilan pa ni Gerry ang kaniyang sarili at tuluyan na siyang humingi ng tawad sa asawa.
“Patawarin mo ako kung minamaliit ko ang pagiging isang maybahay mo. Hindi ko akalain na mas mahirap pa pala ang nararanasan mo rito. Patawarin mo ako sa lahat ng mga nasabi ko sa’yo at sa mga panahon na hindi kita natulungan at sinusumbatan pa kita. Patawarin mo talaga ako,” wika ni Gerry sa asawa.
“Wala iyon. Hayaan mo, Gerry. Kapag nagkaroon ka na ulit ng trabaho ay ako na ulit dito sa bahay,” sambit ni Leny.
“Alam mo marami man akong gawain sa loob ng isang araw, madalas ay nahihirapan ako kung paano hahatiin ang oras at sarili ko, pero hindi ako nagsisisi na mas pinili kong pagsilbihan kayo ng mga anak natin dahil mahal na mahal ko kayo,” dagdag pa ni Leny.
Simula noon ay nagbago na nang tuluyan ang tingin ni Gerry sa pagiging maybahay ng asawa. Nang magkaroon na ito ng trabaho ay pinipilit niyang makatulong kay Leny sa pag-aalaga ng mga bata at sa mga gawaing bahay lalo na tuwing wala siyang pasok.
Mula noon ay naging mas masaya na ang pagsasama ng kanilang pamilya. Mas natutunan ni Gerry na bigyang halaga ang lahat ng pagsasakripisyo ng kaniyang misis na si Leny.