Inday TrendingInday Trending
Minahal ng Dalaga ang Ama ng Kaniyang Kaibigan; Nang Malaman Ito ng Anak ng Kasintahan ay Hindi Inaasahan ang Ginawa Nito

Minahal ng Dalaga ang Ama ng Kaniyang Kaibigan; Nang Malaman Ito ng Anak ng Kasintahan ay Hindi Inaasahan ang Ginawa Nito

“Bakit parang nakabusangot ang mukha mo riyan? Siguro ay naghiwalay kayo ng nobyo mo, ano?” Pabirong tanong ni Jane sa bagong kapwa empleyado niyang si Karen nang makita niya itong nakakunot ang mukha habang nakatingin sa kaniyang kompyuter.

“Huy, biro lang ha? Ilang araw na kasi kitang nakikita dito sa opisina pero hindi pa tayo nagkakakilala,” sambit muli ni Jane.

“Naku, ayos lang. Pasensiya na medyo wala ako sa sarili ko,” tugon naman ni Karen.

“Gusto mo bang sabay tayo mananghalian mamaya para mapag-usapan natin ‘yang problema mo?” paanyaya ng dalaga. Agad naman itong pinaunlakan ni Karen.

Mag-iisang linggo pa lang si Karen sa kumpanya at aminado siya na wala pa siyang nagiging kaibigan dito. Kaya masaya siya nang paanyayahan siya ni Jane na sabay silang kumain. Simula noon, kahit na magkaiba ng departamento ay naging magkaibigan ang dalawa. Sabay sila laging kumakain at umaalis ng opisina.

“Nakabusangot na naman ‘yang mukha mo? Ano ba ang problema mo lagi?” sambit ni Jane sa kaniyang kaibigan.

“Alam mo kasi, ayokong magkaroon ng kasintahan ang papa ko. Kahit na matagal nang wala ang mama ko ay ayaw kong mapalitan siya sa puso ng papa ko. Kaso itong si papa parang gusto na niya,” kwento ni Karen.

“Bakti mo naman pinipigilan ang kaligayahan ng papa mo? Ikaw na ang nagsabi na matagal nang wala ang mama mo siguro ay panahon na rin para lumigaya siyang muli,” saad ni Jane.

“Matanda na siya para lumandi, sis! Saka baka mamaya ay kung sinu-sinong babae lang ang makuha niya. Ayoko ng gano’n! Saka iba pa rin ang mama ko!” tugon ng dalaga.

“Ay, mahirap nga kung baka mamaya ay kaedad mo lang o kaya mas bata pa sa iyo ang magiging madrasta mo, ano?” natatawang sambit ni Jane. “Pero, basta, kausapin mo na lang ang papa mo. Wala namang hindi nadadaan sa maayos na usapan. Basta, intindihin mo rin ang panig niya, hindi lang ‘yong sa’yo,” payo ng kaibigan.

“Tama na nga ang problema. Tara at kain na tayo, baka hanapin na naman tayo sa opisina,” dagdag pa ni Jane.

Kinabukasan ay nag-usap ang dalawa na magkikita sa isang mall upang mamili sila. Ngunit dahil ginamit ng ama ang sasakyan ay mahuhuli ng dating itong si Karen.

“Loka loka ka talaga. Nandito na kaya ako kanina pa. Pero ayos lang. Sige, mag-iikot-ikot na muna ako. Tawagan mo ako kapag narito ka na para magkita tayo,” saad ni Jane.

Habang abala sa pakikipag-usap sa kaibigan ay hindi sinasadya ni Jane na makabangga ang isang ginoo. Sa lakas ng kanilang pagkakabangga ay nalaglag ang suot na salamin ng lalaki at ang telepono naman ni Jane.

“Naku, pasensiya na po kayo,” hingi ng tawad ni Jane sa lalaki habang pinupulot nito ang salamin ng ginoo.

“Walang anuman. Hindi ko rin naman ata tinitignan ang dinadaanan ko,” sambit ng lalaki habang pinupulot din niya ang telepono ng dalaga.

“Naku, nasira pala ang telepono mo. Pasensiya ka na sa akin,” sambit ng ginoo.

“Hayaan niyo na po ‘yan. Ako naman ang may kasalanan,” giit ng dalaga.

Dahil sa hiya ay inaya ng ginoo si Jane upang makapagkape. Dahil nahihiya si Jane at mukha namang mabait na lalaki ang ginoo ay pinaunlakan niya ito. Hindi naman siya siguro dadalhin nito kung saan o ‘di kaya ay gagawan ng masama dahil maraming taong makakakita sa mall.

Doon ay nalaman ni Jane na ang pangalan ng ginoo ay Conrad. Higit ang tanda nito sa kaniya ngunit hindi halata sa tindig ng ginoo. Binilhan siya nito ng isang kape at cake bilang paghingi ng tawad. Simula noon ay napalapit na ang loob nila sa isa’t isa.

Hindi na naitanggi pa ni Conrad ang paglago ng nararamdaman niya sa dalaga maging si Jane. Hindi niya akalain na ang unang magiging kasintahan niya ay higit ang magiging agwat ng edad sa kaniya. Ngunit pinatunayan ni Conrad ang tapat niyang pagmamahal kay Jane.

Madalas ikwento ni Jane sa kaibigang si Karen ang kaniyang nobyo ngunit hindi niya maamin sa kaibigan ang sitwasyon nito. Habang si Karen naman ay namomroblema dahil nabalitaan niya na ang kaniyang ama ay may karelasyon na higit na mas bata dito.

“Tingin ko ay pera lang ang habol ng babaeng iyon sa papa ko! Ni hindi ko nga alam kung saan sila nagkakilala ni papa!” naiinis na sambit ni Karen. “Sa tingin ko ay inakit ng babaeng ‘yon ang papa ko,” dagdag pa nito.

“Jane, tulungan mo naman ako. Gusto ko malaman kung sino ang bagong babae sa buhay ng papa ko. Tapos kapag nakita na natin ay tulungan mo akong lumpuhin at kalbuhin ang malanding babaeng ‘yon!” sambit pa ng kaibigan.

“Sa tingin ko ay kausapin mo na lang ang papa mo nang maayos. Ipakilala sa iyo ang babaeng mahal niya. Hindi lahat ng ganoong klaseng pag-ibig ay tulad ng iniisip mo,” wika ni Jane.

“Bakit parang seryoso ko d’yan?” pagtataka ni Karen.

“May gusto sana akong aminin sa iyo. K-kasi ‘yung kinukwento ko sa’yong kasintahan ay higit ang tanda sa akin. Parang tatay ko na nga siya, e. Pero totoong mahal ko siya. Hindi dahil sa pera niya o ano pa man. Basta ata ‘pag tinamaan ka, tinamaan ka,” paliwanag ng dalaga.

Dahil dito ay naunawaan ni Karen ang nais ipahayag ng kaibigan. Kaya kinausap niya ang kaniyang ama at niyaya ito at ang kasintahan nito sa isang hapunan upang makilatis ng anak ang bagong iniibig ng ama.

“Tamang-tama at inaanyayahan din ako ng nobyo ko para ipakilala naman ako sa nag-iisa niyang anak. Kinakabahan ako, sis. Pero sa tingin ko ay mabait naman ang anak niya kasi mabait ang nobyo ko e,” saad ni Jane.

Nang gabing din iyon ay parehas na kinakabahan ang magkaibigan. Hindi kasi nila alam kung anong mangyayari sa parehas nilang lakad.

“A-anong ginagawa mo rito, sis? Dito din pala ang hapunan nyo? Ang liit talaga ng mundo,” nakangiting wika ni Jane.

“Oo, kasunod ko na ang papa ko. Ipinarada lang niya ang sasakyan namin. O, narito na pala siya,” saad naman ni Karen.

Laking gulat ni Jane nang makita kung sino ang tinutukoy na ama ni Karen. Walang iba kung hindi ang kaniyang nobyong si Conrad.

“S-siya ang papa mo?” tanong ni Jane. Tumango naman si Karen.

“T-teka, sis. Huwag mong sabihin na ang papa ko ang kinukwento mo sa aking nobyo?” sambit naman ni Karen.

Nang makarating na sa mesa ang ginoo ay masaya itong nakitang nagkakadaupang palad na ang dalawa.

“Tingin ko ay nagkakilala na kayo kaya hindi ko na kayo kailangan pang ipakilala sa isa’t isa,” sambit ni Conrad sa dalawa.

“Pa, si Jane ang sinasabi ko sayong matalik na kaibigan ko sa opisina,” saad ni Karen sa ama.

“Madalas niyang ikwento sa akin ang nobyo niya pero hindi ko alam na ikaw ‘yon,” saad pa ng dalaga.

“Hindi ko rin alam na ikaw ang anak na tinutukoy ni Conrad, Karen. Patawad,” nahihiyang sambit ni Jane.

“B-bakit ka nanghihingi ng tawad, Jane?” tanong ni Karen.

“Alam ko kasi kung gaano mo nais na h’wag nang umibig pang muli ang papa mo. Hindi ko balak na palitan ang mama mo sa puso niya, maniwala ka. Maniwala ka rin sana sa akin na totoo ang nararamdaman ko para sa papa mo,” pahayag ni Jane.

“Huwag kang humingi ng tawad sa akin, Jane. Sa totoo ang ay masaya ako na isang tulad mo pala ang minamahal ng papa ko. Alam kong mahal mo talaga ang papa ko kaya hindi na ako nag-aalala pa,” wika ni Karen.

“Hindi mo ba ako kakalbuhin at lulumpuhin?” natatawang tanong ni Jane sa kaibigan.

Tumawa na lamang ang lahat. Mula noon ay napalagay na ang loob ni Karen sa pakikipagrelasyon ng kaniyang ama. Kahit na ka edad lamang niya si Jane ay hindi siya nangangamba na lolokohin lamang nito si Conrad.

Samantala, ang relasyon nila Conrad at Jane ay nauwi rin sa kasalanan. Alam ni Karen na hindi nais ng kaibigan na palitan ang kaniyang yumaong ina sa puso nilang mag-ama ngunit masaya siya sapagkat muling natagpuan ng kaniyang ama ang magpapaligaya sa puso nito.

Advertisement