May Taning na ang Buhay ng Lalaki Dahil sa Malubhang Sakit; Isang Milagro ang Biglang Darating sa Kaniya

Laking gulat ni Eddie nang marinig ang sinabi sa kaniya ng doktor.

“I’m sorry to tell you, pero stage four na ang kans*r mo sa atay,” sabi ng doktor.

“Teka, sure na po ba ‘yan, dok? Baka naman po nagkakamali lang kayo!”

“Pasensiya na, pero ito talaga ang findings ko. Tatapatin na kita, malala na ang kundisyon mo at ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na tatlo hanggang apat na buwan na lang ang itatagal mo,” bunyag pa ng doktor. “Pero kung may agam-agam ka sa sinabi ko, maaari kang humingi ng second opinion sa ibang doktor.”

Bigla siyang nanghina sa ipinagtapat ng doktor tungkol sa karamdaman niya. Hindi na nga niya pinakinggan ang iba pang payo sa kaniya nito hanggang sa napansin na lang niya na nakalabas na pala siya sa ospital. Wala sa sariling naglalakad si Eddie sa kalye nang mapadaan siya sa simbahan. Pumasok siya sa loob niyon at bigla na lang sumigaw.

“Ikaw ang may kasalanan nito, e! Kung hindi mo ako binigyan ng malubhang sakit, may pagkakataon pa sana akong mabuhay nang matagal! Wala kang awa!” hiyaw niya sa malaking krus sa kaniyang harapan. Mabuti na lamang at walang ibang tao na naroon.

Mula nang magkaroon siya ng malubhang karamdaman ay sinisi na niya ang Diyos sa lahat ng kamalasan niya. Kaya gayon na lang ang galit niya nang pumasok siya sa simbahan at ilabas ang matinding sama ng loob na may taning na ang buhay niya.

‘Di na niya natagalan pa ang pananatili roon kaya nagmamadali siyang lumabas. Ngunit sa kaniyang paglalakad ay nakasalubong niya ang isang matandang babae na nahihilo sa daan hanggang sa bigla na lang itong natumba. Mabilis niyang nahawakan ang matanda.

Advertisement

“Ale, Ale, okay lang po ba kayo?” aniya sa nag-aalalang tono.

“P-parang biglang umikot ang pangingin ko, hijo,” tugon ng matanda.

“Mabuti na lang po at nakita ko kayo, kundi ay baka kung ano na po ang nangyari sa inyo sa daan.”

“Salamat, hijo. Sumama lang siguro ang pakiramdam ko dahil mula kaninang umaga ay hindi pa ako kumakain.”

Nakaramdam ng awa si Eddie kaya niyaya niya ang matanda sa malapit na fast food chain at inilibre ng pagkain

Pagkatapos kumain ay nagpasalamat ang matanda sa kabutihan ni Eddie.

“Maraming salamat, hijo, sa paglibre mo sa akin ng pagkain,” nakangiting sabi nito sa kaniya.

“Walang anuman po. Sa susunod po ay huwag niyo pong hayaan na kayo’y magutom para hindi na po kayo mahilo sa daan,” tangi niyang nasabi.

Advertisement

Sa paglabas nila sa fast food chain ay ‘di sinasadyang napadaan sila sa simbahan. Bigla na lamang siyang hinatak ng matandang babae sa loob niyon.

“A, e, teka ale, saan po tayo pupunta?”

“Saan pa, e dito sa simbahan. Magpapasalamat ako sa biyayang nangyari sa akin ngayong araw.”

Wala nang nagawa si Eddie kundi pagbigyan ang matanda kahit pa tutol ang kaniyang loob.

Dali-daling lumuhod ang matanda at umusal ng panalangin habang nakaupo lang ang lalaki at palinga-linga sa paligid na hinihintay na matapos ang kasama.

Nang matapos magdasal ang matanda ay tinanong siya nito.

“Ikaw, hijo, wala kang gustong ipagpasalamat o hihilingin?”

Nagulat siya sa sinabi nito.

Advertisement

“A, e, wala naman po,” matipid niyang sagot.

“Alam kong mayroon. Bakit ‘di mo subukang idalangin kung anuman ang iyong nasa loob? Wala namang mawawala. Tandaan mo na anuman ang pinagdadaanan natin ay may handang makinig sa atin,” makahulugang sabi ng matandang babae.

Bigla na lamang siyang natauhan sa sinabi nito. Tila ba nahipnostismo siya nito at wala na siyang nagawa kundi ang sundin ang payo nito na siya ay manalangin. Ang matinding pagtutol sa kaniyang kalooban ay naglaho. Nakita na lang niya ang sarili na nakaluhod at nagdadasal. Anuman ang kaniyang idinaing ay siya lang ang nakakaalam.

Paglabas nila sa simbahan ay nagpaalam na ang matanda.

“Maraming salamat ulit, hijo. Huwag na huwag mong kakalimutan na lumapit sa Kaniya dahil handa Siyang makinig anumang oras, araw o panahon. Huwag ka ring mag-alalala, siguradong pagbibigyan niya ang hiling mo,” anito.

Nagulat na naman si Eddie sa sinabi ng matanda.

“Paano kaya nalaman ni lola na may hiniling ako?”

Magpapaalam din sana siya ngunit nang lingunin niya ang matanda ay wala na ito.

Advertisement

“Ang bilis namang maglakad ni lola. Sayang hindi man lang ako nakapagpaalam at hindi ko rin naitanong kung ano ang pangalan niya.”

Nang sumunod na araw ay naisipan niyang magpakonsultang muli sa doktor para sa second opinion ngunit laking gulat niya sa sinabi nito.

“Wala ka namang malubhang sakit, hijo. Wala kang anumang k*nser. Ang lusog nga ng pangangatawan mo, eh. Sino bang doktor ang nagsabing may taning na ang buhay mo?” natatawang sabi ng doktor.

“I-ibig niyong sabihin, wala po akong sakit?”

“Oo. Saang ospital ka ba nagpatingin at maling impormasyon ang ibinigay sa iyo?”

“Diyos ko, anong himala ito? Patawarin niyo po ako kung sinisi ko kayo!” wika niya sa isip habang nangingilid ang luha sa mga mata.

Pagkalabas sa ospital ay agad siyang nagtungo sa simbahan upang magdasal para magpasalamat sa ikalawang buhay na ibinigay sa kaniya. Sa tingin niya, ang nakilala niyang matandang babae ay ‘sugo’ ng Panginoon na nagmulat sa kaniya na huwag mawawalan ng pag-asa at patuloy na maniwala sa kapangyarihan ng Lumikha.

Mula noon ay naging mas matatag na ang kaniyang pananampalataya at pananalig sa Poong Lumikha.