
Palaging Itinataboy ng Matandang Babae ang Batang Kalyeng May Kapansanan; Magiging Bayani pa Pala Ito sa Tingin Niya
“Hoy, nognog! Umalis-alis ka nga sa tapat ng tindahan ko at nakakaistorbo ka sa mga bumibili!” sigaw ni Aling Simang sa batang kalyeng si Uro.
Nognog ang tawag niya sa bata dahil sa ubod ng itim nitong balat. Bukod sa pagiging maitim ay may kapansanan din ito, hindi ito nakapagsasalita – isang pipi kung tawagin. Minsan ay hindi agad narinig ng bata ang sigaw ni Aling Simang, tulog na tulog pa rin ito sa tapat ng kaniyang tindahan. Bigla na lamang binuhusan ng isang timbang tubig ng babae ang kawawang bata.
“Ayaw mong magising? O hayan, maligo ka muna!” aniya saka ibinuhos sa batang kalye ang malamig na tubig.
Imbes na magalit ay magtatakbo lang si Uro at maglalakad-lakad pagkatapos ay babalik rin sa dating puwesto kapag hindi na si Aling Simang ang bantay sa tindahan. Kahit may kapansanan ay mabait na bata si Uro. Tahimik lang ito at palaging nakaupo lang sa gilid ng tindahan. Sa umaga lang naman nagbabantay si Aling Simang, pagsapit ng tanghali hanggang gabi ay ang kaniyang apong babae na si Shirley ang nagbabantay. Ang mag-lola lang ang magkasama dahil parehong sa ibang bansa nagtatrabaho ang mga magulang ni Shirley.
Mabait ang dalagitang si Shirley kay Uro. Tuwing hapon ay binibigyan niya ito ng pagkain para may makain ang batang kalye.
“Uro, ito na ang pagkain mo, o!” nakangiting sabi ng dalagita.
Tuwang-tuwa naman ito kapag nakakatanggap ng pagkain kay Shirley.
Nang minsang mahuli ni Aling Simang ang pagbibigay ni Shirley ng pagkain kay Uro ay agad nitong kinompronta ang apo.
“Palagi mo bang binibigyan ng pagkain ang nognog na iyon?!” tanong ng matanda.
“O-opo lola, nakakaawa naman kasi si Uro. Kahit palaboy siya ay nakakaramdam din po siya ng gutom.”
“Ang sa akin lang, apo ay mamimihasa ang nognog na iyon na tumambay sa tapat ng tindahan natin. Ayoko ko ngang naroon ang batang iyon dahil nakakaistorbo sa mga bumibili at ang baho-baho pa.”
“Pero, lola, wala naman ginagawang masama si Uro, e. Tahimik lang naman siyang nakaupo sa isang tabi at kung minsan ay natutulog lang.”
“Basta, huwag ko nang makitang aabutan mo ng pagkain ang batang iyon, Shirley. Naiintindihan mo?”
“Masusunod po.”
Kinaumagahan ay nakita niya si Uro na may dinaramdam na kung ano.
“Bakit, Uro, may masakit ba sa iyo?”
Umiling lang ang bata ngunit nang hipuin ito ni Shirley ay may sinat ito.
Dali-daling pumasok si Shirley sa loob ng kanilang bahay at kumuha ng gamot, pagkain at inumin. Pagkatapos kumuha ng gamot ay pinalamanan ng dalagita ang natirang mga tinapay at nagtimpla ng gatas. Nang muling lumabas ay pinainom niya ng gamot ang bata at inabutan ng pagkain at mainit na gatas.
“Ubusin mo iyan, ha? Pagkatapos ay magpahinga ka lang diyan at matulog para lumakas ka agad,” aniya.
Tumango naman ang bata at mabilis na kinain ang pagkaing bigay niya, pagkatapos ay sinunod ang utos niya na magpahinga.
Nang sumapit ang hapon ay nagpasya si Shirley na maligo muna at humalili naman sa pagbabantay si Aling Simang. Nagsalubong na naman ang mga kilay ng matandang babae nang makitang natutulog sa harap ng kaniyang tindahan ang batang kalye. Sa galit ay muling kinuha ni Aling Simang ang timba sa banyo at ibinuhos ang lamang tubig kay Uro.
Agad na nagising ang bata na nagtatakbo at nagtatalon sa sobrang basa.
“Buwisit ka talaga, huwag kang babalik dito!” galit na sigaw niya.
Pero kahit paulit-ulit niya itong ipagtabuyan ay bumabalik pa rin si Uro sa puwesto nito at doon umuupo o natutulog.
May pagkakataon naman wala ito at naglalaboy sa kung saan ito makarating, kaya tuwang-tuwa si Aling Simang. Hindi niya nakikita ang gusgusing bata.
“Hay, salamat at maganda ang araw ko ngayon.”
“Bakit naman po, lola?” tanong ni Shirley.
“Siyempre, wala ang nognog na iyon kaya hindi umiinit ang ulo ko.”
“Kayo talaga, bakit kasi ang init ng dugo niyo kay Uro. Wala namang ginagawa sa inyo ‘yung bata.”
“Ewan ko ba, basta masaya ako at wala ang batang iyon na nakatambay sa labas.”
Isang gabi, habang natutulog ang mag-lola, hindi nila namalayan na may magnanakaw na papasok sana sa kanilang bahay. Ang hindi alam ng magnanakaw, nagising ang batang si Uro at nakita nito ang masama nitong balak. Biglang sinunggaban ng batang kalye ang magnanakaw.
“Bitiwan mo ako, bata ka!” sigaw ng magnanakaw na nakasuot pa ng maskara ang mukha.
Dahil sa ingay na narinig sa labas ay nagising ang mag-lola at lumabas ng bahay. Nakita nila si Uro na dinadambahan at kinakagat sa tainga ang armadong lalaki na tangkang magnakaw sa kanila. Nang hindi na nito makontrol ang ginagawa ng bata ay bigla itong bumunot ng baril at pinaputukan si Uro.
Nakita ni Shirley ang pagbaril ng magnanakaw sa kaawa-awang bata.
“Uro!” sigaw ng dalagita.
Dahil sa putok na umalingawngaw ay nagising ang mga kapitbahay at agad na nadakip ang magnanakaw. Tumambad naman sa kanila ang sugatang si Uro na may tama ng bala ng baril sa balikat.
Mabilis nilang naisugod sa ospital ang bata. Mabuti at daplis lang ang sugat na natamo ni Uro. Dahil malaki ang utang na loob ng mag-lolang sina Aling Simang at Shirley ay ang mga ito na ang gumastos sa pagpapagamot sa bata.
“Maraming salamat, Uro, sa pagliligtas mo sa amin ni lola,” wika ni Shirley.
“Sa kabila ng pagmamalupit ko sa iyo ay nagawa mo pa rin kaming tulungan. Nagpapasalamat ako sa iyo, Uro. Isa ka talagang mabuting bata. Patawarin mo ako sa aking mga nagawa sa iyo,” sinserong sabi ni Aling Simang.
Isang malapad na ngiti ang isinukli ni Uro.
Mula noon ay kinupkop na ni Aling Simang si Uro at itinuring na tunay na apo. Masayang-masaya si Aling Simang dahil bukod sa apong si Shirley ay nagkaroon pa siya ng isa pang apo sa katauhan ni Uro. Dahil sa kabayanihang ginawa ng batang kalye ay nagkaroon siya ng pamilya na magmamahal at aaruga sa kaniya sa kabila ng kaniyang kapansanan.