
Inalok ng Guwapong Binata ang Sarili sa Kaniyang Guro para Makapasa; Tinuruan Siya Nito ng Matinding Leksyon
Si Nico ang tipo ng estudyante na happy-go-lucky lang pagdating sa pag-aaral. Hindi mahalaga sa binata kung mababa ang mga grado niya, basta pumapasa siya sa klase. Kapag nalaman niya na nanganganib siya sa isang subject ay gagawa siya ng paraan para malusutan iyon.
“Mr. Nicodemus Cruz, huwag na huwag kang magrereklamo kung makita mo na bagsak ang grado mo sa class card mo! Matagal ko nang sinasabi sa iyo na mag-aral ka, pero mukhang hindi mo naman ginagawa kaya bagsak na grado ang resulta,” wika ng isa mga titser niya sa Chemistry.
“Ah, e ma’am, baka naman po puwedeng gawan ng paraan. ‘Di po ba, nagba-buy and sell kayo, ma’am? Kung gusto niyo pakyawin ko na pong lahat ang tinda niyo, ipasa niyo lang po ako. Please, naman, ma’am!” sabi ni Nico sa malambing na boses sabay kindat pa sa guro. ‘Di kasi maipagkakaila na guwapo at malakas ang dating ni Nico kaya nadadala ng kaniyang karisma ang mga babae niyang guro.
“Hmmm… Bueno, apat na libo lahat-lahat ang paninda ko, Mr. Cruz. May mailalabas ka bang apat na libo?” bulong ng guro.
“Yes, ma’am! Narito sa wallet ko at mainit-init pa!
“Okay. Ipapasa na kita sa subject ko. Sa susunod ay pakyawin mo ulit ang mga paninda ko ha?”
“Ako ang bahala, ma’am, basta kayo rin ang bahala sa akin!”
Nang minsan namang bumaksak siya sa exam sa subject na Philosophy.
“Sir, baka maaari pong gumawa na lang ako ng special project para mabawi ko ang bagksak kong exam?” pakiusap niya sa guro.
“Kung gusto mo, Mr. Cruz, bumili ka na lang sa mga itinitinda kong polo shirts, pantalon at sapatos. Bumili ka ng tig-iisa o dalawang piraso, ipapasa kita subject ko!” sabi ng lalaking guro.
“Iyon lang pala, sir, e. Ako na po ang bahala. Papakyawin ko pa ang mga paninda niyo!”
Palaging ganoon ang ginagawa ni Nico sa tuwing nagkakaroon siya ng problema sa mga grado niya sa klase.
Isang araw, hindi siya nakapag-review sa final exam nila sa History. Maghapon kasi siyang naglaro sa computer kaya hindi niya naalala na kailangan niyang mag-aral para sa final exam.
“Sh*t, nakakaasar, hindi ako nakapag-review!” inis niyang sabi sa sarili.
Ang guro pa naman niya sa subject na iyon ay si Mr. Encarnacion na isang binabae.
“Okay, class be ready at magsisimula na ang final exam!” sabi ng guro.
Hindi malaman ni Nico kung ano ang gagawin. Hindi naman siya maaaring makakopya sa katabi niya dahil malayo ang agwat ng kanilang upuan sa isa’t isa.
“Bahala na nga!”
Nang matapos ang exam ay kakamot-kamot pa rin siya ng ulo dahil halos kalahati ng exam ay hinulaan lang niya.
“’Di bale, kapag bumagsak ako, gagawan ko na lang ng paraan!”
Kinahapunan, habang nakatambay siya sa labas ng classroom ay nakita niya si Mr. Encarnacion na may mga kausap na estudyanteng lalaki. Mga guwapo rin ang mga binatang nakikipagkuwentuhan sa binabae niyang guro. Sa tingin niya ay tila gustung-gusto naman ng guro na nakikipaglandian ito sa mga lalaking estudyante.
Sa kaniyang nakita ay may nabuong plano si Nico.
Nang sumunod na araw ay hindi na siya mapakali sa resulta ng kanilang final exam. Patayo-tayo at paikot-ikot si Nico sa loob ng classroom hanggang sa dumating na ang inaabangan niya.
“Class, narito na ang resulta ng final exam niyo. Malaki ang magiging epekto nito sa huling grado niyo sa akin!” sabi ni Mr. Encarnacion.
Nang matanggap ng iba niyang kaklase ang resulta ay hindi matawaran ang saya ng mga ito dahil matataas ang nakuhang grado ng mga ito. Ang iba naman ay kuntento nang nakapasa sa mahirap na exam ng guro. Ngunit nang tanggapin niya ang resulta ng kaniyang exam ay parang gumuho ang mundo niya.
“Bagsak ako?” aniya sa sarili.
Habang nagtuturo si Mr. Encarnacion ay wala siya sa sariling nakatanghod lang sa ginagawa nitong pagsusulat sa pisara. Iniisip niya kung itutuloy niya ang plano.
Nang matapos ang klase ay nakapagdesisyon si Nico na personal na kausapin si Mr. Encarnacion tungkol sa bagsak niyang grado sa final exam. Malaki ang epekto ng hindi niya pagpasa sa exam dahil kailangan niyang ulitin ang subject na iyon sa susunod na semestre. Para hindi iyon mangyari ay handa niyang gawin ang lahat.
Pinuntahan niya ang guro sa faculty room at kinausap. Hinintay niya na mapag-isa ito bago lapitan.
“O, Mr. Cruz! Ano’t naparito ka?” wika ng guro.
“Tungkol po dun sa bagsak kong grado sa exam. Handa ko pong gawin ang lahat, pumasa lang sa subject mo, sir!” sabi ni Nico habang dahan-dahang hinawakan at nil*mas ang kaniyang maselang bahagi.
Hindi nakakilos si Mr. Encarnacion sa ginagawang pang-aakit ni Nico. Bigla itong napalunok sa tahasang pag-aalok ng kaniyang estudante sa sarili para makapasa. Binabae siya at guwapong-guwapo si Nico at batang-bata. Sino ba naman ang tatanggi sa ginagawa nitong pang-aakit na kahit anong oras ay maaari niyang pagbigyan ang hiling ng binata? Ngunit iba si Mr. Encarnacion.
“Mr. Cruz, please stop that!” anito.
Nagulat si Nico sa sinabi ng guro. Hindi siya makapaniwalang tatanggihan siya nito.
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari mong ialok ang iyong katawan, Mr. Cruz. Oo at makukuha mo ang inaasam mo kapalit ng panandaliang kaligayahan, ngunit malalaman mo na lang sa huli na nasira na pala ang iyong buong pagkatao para lamang sa isang pabor,” paliwanag nito.
Biglang natauhan si Nico sa mga sinabi ni Mr. Encarnacion at nahiya sa kaniyang ginawa.
“Sorry, sir! Ayoko lang po talagang bumagsak!” paliwanag niya.
“Mas gusto mo pang madungisan ang iyong sarili para makapasa, Mr. Cruz? Huwag mo na ulit gagawin iyan, hijo. Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong sarili. Hindi rin ako katulad ng iniisip mo dahil may takot ako sa Diyos, Mr. Cruz.”
Hindi na siya nakapagsalita pa. Pakiramdam niya ay lulubog siya sa kinatatayuan sa sobrang kahihiyan.
“Ulitin mo ang subject ko sa susunod na semestre at gusto kong pagbutihan mo na. Ipakita mo sa akin na kaya mong maipasa ang subject ko gamit ang sarili mong kakayahan at hindi ang pag-aalok ng iyong sarili. Alam kong kaya mo, Mr. Cruz. Naniniwala ako sa iyo,” sabi pa ni Mr. Encarnacion.
Napagtanto ni Nico na tama si Mr. Encarnacion. Nasa huli ang pagsisisi sa maling desisyon. Bumagsak man siya sa subject nito ay malaking aral naman ang natutunan niya rito, na huwag magpadalus-dalos ng desisyon para makuha lamang ang hinahangad. Bagkus ay tanggapin ang pagkakamali at matuto sa mga pagkakamaling nagawa.
Umulit man si Nico sa subject ng kaniyang guro ay may natutunan naman siya sa kaniyang mga pagkakamali. ‘Di nagtagal ay naipasa rin niya ang subject ni Mr. Encarnacion at humanga ito sa kaniya dahil sa kaniyang pagbabago at pagpupursige. Masaya rin ang binata dahil nakuha niya ang hinahangad na grado dahil sa sarili niyang pagsisikap.